settings icon
share icon
Tanong

Sino ang Diyos? Ano ang katulad ng Diyos? Paano natin makikilala ang Diyos?

Sagot


Sino ang Diyos? - Ang katotohanan

Ang katotohanan ng pagkakaroon ng Diyos ay napakalinaw na makikita sa pamamagitan ng sangnilikha at ng konsensya kaya't tinatawag ng Bibliya ang taong hindi naniniwala sa Diyos na isang “hangal” (Awit 14:1). Hindi tinangka ng Bibliya na patunayan na may Diyos, bagkus, itinuturo nito na may Diyos na mula pa sa pasimula (Genesis 1:1). Ang ginagawa ng Bibliya ay inihahayag nito ang katangian, kalikasan at mga gawa ng Diyos.

Sino ang Diyos? - Ang Kahulugan

Ang pagiisip ng tama tungkol sa Diyos ay napakahalaga dahil ang maling akala tungkol sa Diyos ay isang pagsamba sa diyus diyusan. Sa Awit 50:21, sinabihan ng Diyos ang masamang tao: “Ngunit ngayon, panahon nang kayo'y aking pagwikaan upang inyong maunawa ang ginawang kamalian.” Sa pagsisimula, ang isang magandang paglalagom ng kahulugan kung sino ang Diyos ay ito: “ang kataastaasang persona”; ang Manlilikha at Tagapamahala ng lahat ng bagay; ang likas na umiiral sa Kanyang sarili na may ganap na kapangyarihan, kabutihan at karunungan.”

Sino ang Diyos? - Ang Kanyang Kalikasan

Alam natin ang mga bagay na totoo tungkol sa Diyos sa isang kadahilanan: sa Kanyang kaawaan, nagpakababa Siya upang ipakita sa atin ang ilan sa Kanyang mga katangian. Ang Diyos ay Espiritu, at ang Kanyang kalikasan ay hindi masusukat (Juan 4:24). Ang Diyos ay iisa, ngunit umiiral Siya sa tatlong Persona; Ang Diyos Ama, Diyos Anak, at Diyos Espiritu Santo (Mateo 3:16-17). Ang Diyos ay walang hanggan (1 Timoteo 1:17), walang katulad (2 Samuel 7:22), at hindi nagbabago (Malakias 3:6). Ang Diyos ay nasa lahat ng dako (Awit 139:7-12), nalalaman ang lahat ng mga bagay (Mateo 11:21), at nagtataglay ng lahat ng kapangyarihan at kapamahalaan (Efeso 1; Pahayag 19:6).

Sino ang Diyos? - Ang Kanyang Katangian

Narito ang ilang mga katangian ng Diyos ayon sa ipinahayag sa Bibliya: ang Diyos ay makatarungan (Gawa17:31), pag-ibig (Efesos 2:4-5), tapat (Juan 14:6), at banal (1 Juan 1:5). Ipinakikita Niya ang Kanyang kahabagan (2 Corinto 1:3), kaawaan (Roma 9:15), at biyaya (Roma 5:17). Hinahatulan ng Diyos ang kasalanan (Awit 5:5) ngunit nag-aalok din naman Siya ng kapatawaran (Awit 130:4).

Sino ang Diyos? - Ang Kanyang Gawain

Hindi natin mauunawaan ang Diyos ng hiwalay sa Kanyang mga gawa, dahil ang ginagawa ng Diyos ay nagpapakilala kung sino Siya. Narito ang isang pinaiksing listahan ng mga gawa ng Diyos sa nakaraan, sa kasalukuyan at sa hinaharap: nilikha ng Diyos ang sanlibutan (Genesis 1:1; Isaias 42:5); inaalalayan Niya at kinakatagpo ang pangangailangan ng sanlibutan (Colosas 1:17); isinasakatuparan Niya ang Kanyang walang hanggang kalooban (Efeso 1:11) kabilang ang pagtubos sa tao mula sa sumpa ng kasalanan at kamatayan (Galacia 3:13-14); inilalapit Niya ang Kanyang mga hinirang sa Kanyang Anak (Juan 6:44); dinidisiplina ang Kanyang mga anak (Hebreo12:6); at huhukuman Niya ang sanlibutan (Pahayag 20:11-15).

Sino ang Diyos? - Pagkakaroon ng relasyon sa Kanya

Sa persona ng Kanyang Anak, naging tao ang Diyos (Juan 1:14). Ang Anak ng Diyos ay naging Anak ng Tao at dahil dito Siya ang “tulay” ng tao patungo sa Diyos (Juan 14:6; 1 Timoteo 2:5). Sa pamamagitan lamang ng Kanyang Anak tayo magkakaroon ng kapatawaran (Efeso 1:7), pakikipagkasundo sa Diyos (Juan 15:15; Roma 5:10), at kaligtasan sa poot ng Diyos (2 Timoteo 2:10). Kay Hesu Kristo, “nananahan ang buong kapuspusan ng pagka Dios sa kahayagan ayon sa laman” (Colosas 2:9). Kaya, paano natin tunay na makikilala ang Diyos? Kilalanin natin si Hesus at ilagak ang ating pagtitiwala sa Kanya na Kanyang Anak at ating Panginoon.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Sino ang Diyos? Ano ang katulad ng Diyos? Paano natin makikilala ang Diyos?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries