Tanong
Sino ba ang maliligtas? Kaya bang iligtas ng Diyos ang kahit sino?
Sagot
Malinaw na itinuro ni Hesus sa Juan 3:16 na ililigtas Niya ang sinumang mananampalataya sa Kanya: “Sapagka't gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa kaniya'y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” Kabilang sa “sinuman” sa talatang ito ang lahat ng tao sa mundo.
Sinasabi ng Bibliya na kung ang kaligtasan ay sa pamamagitan ng ating sariling gawa, walang sinuman ang maliligtas: “Sapagka't ang lahat ay nangagkasala nga, at hindi nangakaabot sa kaluwalhatian ng Dios” (Roma 3:23). Idinagdag ng Awit 143:2 “walang taong may buhay na aariing ganap.”Binigyang diin ng Roma 3:10 “Gaya ng nasusulat, walang matuwid, wala, wala kahit isa.”
Hindi natin kayang iligtas ang ating sarili. Sa halip, naranasan natin ang kaligtasan ng tayo’y sumampalataya sa Panginoong Hesu Kristo. Itinuturo ng Efeso 2:8-9, “Sapagka't sa biyaya kayo'y nangaligtas sa pamamagitan ng pananampalataya; at ito'y hindi sa inyong sarili, ito'y kaloob ng Dios; Hindi sa pamamagitan ng mga gawa, upang ang sinoman ay huwag magmapuri.” Tayo ay naligtas sa biyaya, at ang kahulugan ng biyaya ay pagkakamit ng isang bagay kahit hindi ka karapatdapat. Hindi tayo naging karapatdapat upang iligtas ng Diyos; tinanggap lamang natin ito sa pamamagitan ng pananampalataya.
Sapat ang biyaya ng Diyos upang tubusin ang lahat ng ating mga kasalanan (Roma 5:20). Ang Bibliya ay puno ng mga halimbawa ng mga taong naligtas sa kabila ng makasalanang pamumuhay sa kanilang nakaraan. Isinulat ni Apostol Pablo sa mga Kristiyano sa Corinto na sila ay dating namuhay sa iba't ibang uri ng kasalanan gaya ng pangangalunya, pagsamba sa diyus diyusan, pakikiapid, pagiging bakla o tomboy, pagnanakaw, kasakiman at paglalasing. Ngunit sinabi sa kanila ni Pablo pagkatapos nilang maligtas, “At ganyan ang mga ilan sa inyo: nguni't nangahugasan na kayo, nguni't binanal na kayo, nguni't inaring-ganap na kayo sa pangalan ng Panginoong Jesucristo, at sa Espiritu ng ating Dios” (1 Corinto 6:9-11).
Si Apostol Pablo mismo ay minsang naging taga-usig ng mga Krisitiyano at siya ang nagbigay ng pahintulot na batuhin si Esteban hanggang mamatay (Gawa 8:1) at hinuli niya ang mga Kristiyano upang ikulong (Gawa 8:30). Kalaunan ay isinulat niya, “Bagaman nang una ako'y naging mamumusong, at manguusig; at mangaalipusta: gayon ma'y kinahabagan ako, sapagka't yao'y ginawa ko sa di pagkaalam sa kawalan ng pananampalataya; At totoong sumagana ang biyaya ng ating Panginoon na nasa pananampalataya at pagibig na pawang kay Cristo Jesus. Tapat ang pasabi, at nararapat tanggapin ng lahat, na si Cristo Jesus ay naparito sa sanglibutan upang iligtas ang mga makasalanan; na ako ang pangulo sa mga ito.”
Madalas na pinipili ng Diyos iligtas ang mga hindi karapatdapat upang gumanap ng kanyang layunin. Iniligtas ni Hesus ang magnanakaw na kasama Niyang ipinako sa krus ilang sandali na bago ito mamatay (Lukas 23:42-43). Iniligtas niya ang isang mang-uusig ng iglesia (si Pablo), ang isang mangingisda na nagtatwa sa Kanya (si Pedro), ang isang sundalong Romano at ang kanyang sangbahayan (Gawa 10), ang isang alipin nagnakaw at pagkatapos ay tumakas sa kanyang amo (si Onesimo) at marami pang iba. Walang sinuman ang hindi kayang iligtas ng Diyos (tingnan ang Isaias 50:2). Dapat tayong tumugon sa pamamagitan ng pananampalataya at pagtanggap sa Kanyang kaloob na buhay na walang hanggan.
Sino ang maaaring maligtas? Isa ang tiyak - maaari kang maligtas, kung magsisisi ka sa iyong mga kasalanan at tatanggapin si Hesus bilang iyong Tagapagligtas. Maaari kang tumugon sa Kanyang tawag sa kaligtasan ngayon din sa pamamagitan ng isang panalangin. Tandaan mo lamang na hindi ang panalanging ito ang makapagliligtas sa iyo. Tanging ang Diyos lamang ang makapagliligtas sa iyo sa pamamagitan ng Banal na Espiritu.
“O Diyos natanto ko na isa akong makasalanan at hindi ako makapupunta sa langit sa pamamagitan ng aking sariling gawa. Nagsisisi po ako ngayon sa aking mga kasalanan at inilalagak ko ang aking pagtitiwala kay Hesu Kristo na Siyang namatay para sa aking mga kasalanan at Siyang nabuhay na mag-uli upang bigyan ako ng buhay na walang hanggan. Patawarin mo po ako sa aking mga kasalanan at tulungan Mo akong mabuhay para sa Iyo. Salamat po sa Iyong pagtanggap at sa pagbibigay sa akin ng buhay na walang hanggan. Amen.”
Dahil sa iyong mga nabasa, ikaw ba ay nagsisisi na sa iyong mga kasalanan at nagdesisyon na ilagak ang iyong pananampalataya kay Kristo? Kung Oo, i-klik ang “Tinanggap ko si Kristo ngayon” sa kahon sa ibaba.
English
Sino ba ang maliligtas? Kaya bang iligtas ng Diyos ang kahit sino?