Tanong
Ano ang Sion? Ano ang bundok ng Sion? Ano ang biblikal na kahulugan ng Sion?
Sagot
Sinasabi sa Awit 87:1-3, "Sa Bundok ng Sion, Itinayo ng Diyos ang banal na lunsod, Ang lunsod na ito'y Higit niyang mahal sa alinmang bayan ng angkan ni Jacob. Kaya't iyong dinggin ang ulat sa iyong mabubuting bagay, O lunsod ng Diyos." Ang salitang ito ay lumabas ng may 150 beses sa Bibliya. Ang salitang Sion ay nangangahulugan ng "tanggulan". Sa Bibliya, ang Sion ay parehong siyudad ni David at siyudad ng Diyos. Ang salitang Sion ay nagbago mula sa pagtukoy sa isang pisikal na siyudad hanggang sa espiritwal na kahulugan.
Ang unang banggit sa salitang "Sion" sa Bibliya ay sa 2 Samuel 5:7: "Ngunit nakuha ni David ang kuta ng Sion na tinawag na Lunsod ni David hanggang ngayon." Ang Sion, sa madaling salita ang orihinal na pangalan ng sinaunang tanggulan ng mga Jebuseo sa siyudad ng Jerusalem. Ang salitang "Sion" ay kumakatawan hindi lamang sa tanggulan kundi sa siyudad kung saan matatagpuan ang tanggulang iyon. Pagkatapos na mapasakamay ni David ang "kuta ng Sion", ang Sion ay tinawag din na "siyudad ni David" (1 Hari 8:1; 1 Cronica 11:5; 2 Cronica 5:2).
Nang itayo ni Solomon ang Templo sa Jerusalem, pinalawak pa ang kahulugan ng Sion upang isama ang templo at ang mga kapaligiran nito (Awit 2:6; 48:12: 132:13). Ang Sion ay ginamit kalaunan bilang pangalan ng siyudad ng Jerusalem, ang lupain ni Judah at ang mga tao ng Diyos sa pangkalahatan (Isaias 40:9; Jeremias 31; 12; Zacarias 9:13).
Ang pinakamahalagang gamit ng salitang Sion ay sa teolohikal na esensya nito. Ang Sion ay inihalintulad sa Israel bilang mga tao ng Diyos (Isaias 60:14). Ang espiritwal na kahulugan ng salitang Sion ay nagpatuloy sa Bagong Tipan kung saan ibinigay ang kahulugan ng espiritwal na kaharian ng Diyos, ang makalangit na Jerusalem (Hebreo 12:22; Pahayag 14:1). Tinukoy ni Pedro si Hesus bilang batong panulukan ng Sion: "Sapagkat sinasabi ng Kasulatan, "Masdan ninyo, itinayo ko sa Sion ang isang batong panulukan, Hinirang at mahalaga; Hindi mabibigo ang sinumang nananalig sa kanya" (1 Pedro 2:6).
English
Ano ang Sion? Ano ang bundok ng Sion? Ano ang biblikal na kahulugan ng Sion?