Tanong
Ano ang kahalagahan ng Tarangkahan sa Silangan ng Jerusalem?
Sagot
Ang Lumang Siyudad ng Jerusalem ay napapaligiran ng isang pader na may walong pangunahing pasukan. Sa kaliwa, mula sa dulong hilaga ay ang Tarangkahan ni Herodes, ang Tarangkahang Damasco, ang Tarangkahang Bago, Ang Tarangkahang Jaffa, ang Tarangkahang Dumi, Ang Tarangkahan sa Silangan, ang Tarangkahang Zion, at ang Tarangkahang Leon. Ang Tarangkahan sa Silangan na nakaharap sa Bundok ng Olibo sa tapat ng Lambak ng Kidron ay natatangi dahil ito ay ganap na nakasarado. May ilang komentarista ang naniniwala na ang pagiging sarado ng tarangkahan sa Silangan ay isang kaganapan ng hula sa Bibliya.
Ang Tarangkahan sa Silangan ng Jerusalem ay tinatawag ding Tarangkahang Ginto o Tarangkahang Maganda (Gawa 3:2). Ito ay Sha'ar Harahamim sa salitang Hebreo, o “Tarangkahan ng Awa.” Sa kasalukuyan, ito ang pinakamagandang tarangkahan o pasukan sa Lumang Siyudad na itinayo noon pang ika-pito o ika-walong siglo AD. Ito rin ang direktang pasukan papunta sa templo sa bundok—na kung ang isang tao ay makakadaan sa arko ng Tarangkahan sa Silangan, napakalapit na niya sa lugar kung saan dating nakatayo ang templo ng mga Judio. Nang pumasok si Jesus sa Jerusalem mula sa bundok ng mga Olibo sa Mateo 21, ginamit Niya ang pasukan sa parehong lokasyon ng kasalukuyang tarangkahang ginto o tarangkahan sa Silangan.
Isinarado ang tarangkahan sa Silangan noong AD 1540–41 sa utos ni “Suleiman, ang Kahanga-hanga” na isang sultan ng imperyong Ottoman. Ang pinaniniwalaang dahilan sa pagsasara sa Tarangkahan sa Silangan ay para pigilan ang pagpasok ng Mesiyas sa Jerusalem. Ayon sa tradisyon ng mga Judio, ang Mesiyas ay dadaan sa tarangkahan sa Silangan sa oras ng Kanyang paghahari. Tinatangka ng Muslim na si Suleiman na pigilan ang mga plano ng Mesiyas sa pamamagitan ng pader na semento na may taas na 16 talampakan. Nananatiling nakasara ang tarangkahan sa Silangan sa nakaraang halos 500 taon.
Ang pagsasarado sa Tarangkahan sa Silangan ng Jerusalem ang naging dahilan para ito mapansin ng mga magaaral ng mga hula sa Bibliya. Naglalaman ang aklat ni Ezekiel ng ilang pagbanggit sa isang tarangkahan na nakaharap sa silangan. Sa Ezekiel 10:18–19, nakita ng propeta ang kaluwalhatian ng Panginoon na umalis sa templo sa pamamagitan ng isang tarangkahan na nakaharap sa “Silangan ng bahay ng Panginoon”; pagkatapos, pumunta ito sa ibabaw ng bundok sa gawing silangan (Ezekiel 11:23). Kalaunan, nakita ni Ezekiel ang pagbalik sa templo ng kaluwalhatian ng Panginoon sa pamamagitan ng “Tarangkahan na nakaharap sa Silangan” (Ezekiel 43:1–5).
Pagkatapos, sa Ezekiel 44:1–2, mababasa natin na sarado na ang tarangkahan: “Lumabas kami sa pinto ng templo, sa pinto sa gawing silangan. Pagkalabas namin, sumara ito nang kusa. Sinabi sa akin ni Yahweh, “Mananatiling nakasara ang pintong ito. Walang dadaan dito sapagkat ito'y dinaanan ni Yahweh.’” Sa huli, sa Ezekiel 46:12 mababasa natin na may isang tao, isang “pinuno” ang maaaring papasok sa tarangkahan sa silangan: “Kung ang pinuno ay maghahain ng handog na susunugin o ng handog pangkapayapaan, bilang kusang handog, doon siya pararaanin sa pinto sa gawing silangan; gagawin niya ito kung Araw ng Pamamahinga. Paglabas niya, isasara ang pinto.”
May nagpapaliwanag na ang mga talatang ito sa Ezekiel ay mga pagtukoy sa Panginoong Jesu Cristo. Ang kaluwalhatian ng Panginoon na pumapasok sa templo ay ang matagumpay Niyang pagpasok sa Jerusalem (Ezekiel 43:2; Mateo 21:1–11). Ang utos na permanenteng isara ang pinto ay dahil sa tarangkahang ito pumasok ang Panginoon (Ezekiel 44:2) at ang nakikitang kaganapan ng hula ay ang pagsasarado ng mga Muslim sa tarangkahan sa Silangan noong AD 1540. At panghuli, ang “pinuno” na darating para dumaan doon (Ezekiel 46:12) ay si Cristo sa Kanyang muling pagparito—ang Prinsipe ng Kapayapaan na magbabalik sa Bundok ng mga Olibo (Zacarias 14:4) at papasok sa Jerusalem sa pamamagitan ng muling binuksang tarangkahan sa Silangan.
Kilala ang interpretasyong ito at nagbubunga ito sa mga dramatikong haka-haka kung paano at kailan bubuksan ang tarangkahan sa Silangan. Gayunman, may mga problemang tekstwal sa interpretasyong ito.
Una, mahirap iugnay ang “tarangkahan na nakaharap sa Silangan” sa aklat ni Ezekiel sa Tarangkahan sa Silangan sa Lumang siyudad ng Jerusalem. Partikular na tinukoy ni Ezekiel na ang tarangkahan o pintuan na kanyang nakita ay ang “panlabas na pintuan ng santwaryo” (Ezekiel 44:1); na ang ibig sabihin ay ito ay isang pintuan sa labas ng templo, hindi isang pintuan ng siyudad.
Ikalawa, ang Tarangkahan sa Silangan ng Jerusalem ay hindi pareho sa pintuan kung saan pumasok si Jesus sakay ng isang asno sa Kanyang matagumpay na pagpasok sa Jerusalem. Ang makabagong Tarangkahan sa Silangan ay itinayo ilang siglo pagkatapos na dumating si Cristo. Ang orihinal na tarangkahan na itinayo ni Nehemias (na posibleng itinayo noong panahon ni Solomon) ay nasa ilalim ng lupa, sa ilalim ng kasalukuyang tarangkahan gaya ng idinokumento ni James Fleming na isang archaeologist noong 1969. Sa ibaba ng Tarangkahan sa Silangan (na ngayon ay nasa ilalim ng lupa) dumaan si Jesus papasok sa Jerusalem noong AD 30.
Ikatlo, ang templo na nakita ni Ezekiel sa mga kabanatang 40–47 ay hindi ang parehong templo na pinasok ni Jesus at ang Jerusalem na kanyang inilalarawan ay kakaiba sa Lumang Siyudad ng Jerusalem na alam natin ngayon. Ang templo sa Kahariang Milenyal (ang ikatlong templo) ay sinukat ni Ezekiel at iyon ay di hamak na mas malaki sa naunang dalawang templo. At ang Jerusalem sa panahon ng isanlibong taon ay may labindalawang pinto hindi lang walo (Ezekiel 48:30–35).
Panghuli, at ang pinakamahalaga, ang “pinuno” sa Ezekiel 46 ay hindi ang Mesiyas. Sa halip, siya ang tagapangasiwa ng Jerusalem sa panahon ng isanlibong taon ng paghahari. Hindi siya si Jesus pero maglilingkod siya sa ilalim ng awtoridad ni Jesus. Alam natin na ang pinunong ito ay hindi ang Panginoon dahil kailangan niyang maghandog para sa kanyang sariling kasalanan gayundin para sa kasalanan ng mga tao: “Sa araw na iyon, ang pinuno ng Israel ay maghahanda ng isang toro bilang handog para sa kasalanan niya at ng buong bayan” (Ezekiel 45:22). Sino man ang pinunong ito, siya ay isang lalaki na may makasalanang kalikasan na kailangan ding tubusin.
Sa paglalagom, ang “Tarangkahang nakaharap sa Silangan” na inilalarawan ni Ezekiel ay kakaiba sa Tarangkahan sa Silangan na makikita ngayon sa lumang pader ng Jerusalem. Ang kasalukuyang nakasaradong tarangkahan ay wala pa noong panahon ni Cristo sa lupa kaya hindi doon pumasok ang Panginoon. Ang lokasyon ng mas naunang tarangkahan sa Silangan (ang pinasukan ng Panginoon) ay nasa ilalim ng lupa at ang sukat nito ay hindi ayon sa detalyadong paglalarawan sa templo sa hinaharap sa Ezekiel 40–42.
Ipinagpapalagay namin na ang Pintuan sa Silangan sa Ezekiel 44 ay magiging bahagi ng isang lugar na masasakop ng gusali ng templo sa kahariang milenyal sa hinaharap. Hindi pa ito naitatayo.
Paano natin ngayon ipapaliwanag ang pagpasok at paglabas ng kaluwalhatian ng Diyos at ang pagsasara sa pintuan sa Silangan sa hula ni Ezekiel? Sa ganitong paraan: nakita ni Propeta Isaias ang kaluwalhatian ng Panginoon na umaalis mula sa templo sa kabanata 10 dahil sa sobrang kasamaan ng mga tao—ito ang unang templo na winasak ng mga taga Babilonia noong 586 BC. Pagkatapos, sa kabanata 43, nakita ni Ezekiel ang kaluwalhatian ng Diyos na nagbalik sa templo—ito ang bago at pinalaking templo sa Kahariang Milenyal. Sa kabanata 44, sinabihan si Ezekiel na “mananatiling nakasara ang pintong ito. Walang dadaan dito sapagkat ito'y dinaanan ni Yahweh” (talata 2). Sa ibang salita, ang Kahariang Milenyal o sa panahon ng isanlibong taon ng paghahari ni Cristo, ang kaluwalhatian ng Panginoon ay hindi na muling aalis pa sa templo. Ang dating daanan palabas (sa Silangan) ay nakasarado, at ito ay sumisimbolo sa permanenteng presensya ng Panginoon kasama ng Kanyang bayan. Muli lamang bubuksan ang Tarangkahan sa Silangan sa Sabbath, sa Bagong Buwan para sa paghahandog ng darating na pinuno (Ezekiel 46:1–2).
English
Ano ang kahalagahan ng Tarangkahan sa Silangan ng Jerusalem?