Tanong
Ano ang Teolohiya ng Tipan (Covenant Theology) at ito ba ay Biblikal?
Sagot
Ang ‘Teolohiya ng Tipan’ (Covenant Theology) ay hindi isang sistematikong teolohiya kundi isang balangkas sa pagunawa sa Kasulatan. Ito ay laging inihahambing sa isa pang balangkas ng pagunawa sa Kasulatan na tinatawag namang ‘Dispensational Theology’ o ‘Dispensationalism.’ Ang ‘Dispensationalism’ ang pinakapopular na paraan ng interpretasyon ng mga Ebangheliko sa Amerika sa kasalukuyan at gayon din mula noong huling kalahating bahagi ng ika 19 siglo hanggang sa ika-21 siglo. Gayunman, ang Teolohiya ng Tipan (Covenant Theology), ay nananatiling isang paraan ng interpretasyon ng mga Protestante mula sa panahon ng repormasyon at ito ang sistemang pinapaboran ng ilang reformed at ng mga nanghahawak sa doktrina ni John Calvin.
Habang tinitingnan ng ‘dispensationalism’ ang Kasulatan sa pamamagitan ng paglalahad ng mga serye ng pitong (7) dispensasyon (partikular na pamamaraan ng Diyos sa pakikipag-ugnayan sa tao at sa sangnilikha sa bawat yugto ng kasaysayan ng Kanyang pagtubos sa Kanyang mga hinirang), ang Teolohiya ng Tipan naman ay tinitingnan ang Kasulatan sa pananaw ng mga Tipan. Mayroong dalawang pangunahing Tipan ang nakapaloob sa Teolohiya ng Tipan: ang Tipan ng Gawa at ang Tipan ng Biyaya. Ang ikatlong Tipan na kalimitang binabanggit ay ang Tipan ng Katubusan na lohikal na sumunod sa naunang dalawang Tipan. Ipaliliwanag namin ang mga Tipang ito ngunit mahalagang isaisip habang pinagaaralan ang paksang ito na lahat ng iba't ibang tipan na inilarawan sa Kasulatan (halimbawa ang tipan ng Diyos kay Noe, kay Abraham, kay Moises, kay David at ang Bagong Tipan) ay nakapaloob kung hindi man sa Tipan ng Gawa ay sa Tipan ng Biyaya.
Umpisahan natin ang pagsusuri sa iba't ibang tipan na idinetalye sa Teolohiya ng Tipan (Covenant Theology) mula sa Tipan ng Katubusan na sumunod sa dalawa pang ibang tipan. Ayon sa Teolohiya ng Tipan, ang Tipan ng Katubusan ay ang Tipan na ginawa ng tatlong Persona ng Diyos na humirang, tumubos at nagligtas sa piling grupo ng mga indibidwal para sa kaligtasan at buhay na walang hanggan. Gaya ng sinabi ng isang sikat na pastor/teologo sa Tipan ng Pagtubos, "Ang Diyos ay pumili ng babaeng ikakasal para sa Kanyang Anak." Habang ang Tipan ng Pagtubos ay hindi eksaktong binanggit sa Kasulatan, malinaw na itinuturo ng kasulatan ang eternal na kalikasan ng plano ng pagliligtas ng Diyos (Efeso 1:3-14; 3:11; 2 Tesalonica 2:13; 2 Timoteo 1:9; Santiago 2:5; 1 Pedro 1:2). Bilang karagdagan, tinutukoy ni Hesus sa tuwina ang Kanyang gawain bilang pagsunod sa kalooban ng Ama (Juan 5:3, 43; 6:38-40; 17:4-12). Ang kaligtasan ng mga hinirang na siyang layunin ng Diyos mula ng lalangin ang sanlibutan ay hindi maaaring pagdudahan at ginawang pormal ng Tipan ng Katubusan ang walang hanggang plano ng Diyos sa lenguwahe ng Tipan.
Mula sa pananaw ng kasaysayan sa pagtubos ng Diyos, ang Tipan ng Gawa ay ang unang Tipan na makikita sa Kasulatan. Nang lalangin ng Diyos ang tao, inilagay Niya ito sa hardin ng Eden at binigyan ng isang simpleng utos: "Sinabi ng Diyos sa tao, "Makakain mo ang alinmang bungangkahoy sa halamanan, maliban sa bunga ng punongkahoy na nagbibigay ng kaalaman tungkol sa mabuti at masama. Huwag na huwag mong kakanin ang bungang iyon; mamamatay ka kapag kumain ka niyon" (Genesis 2:16-17). Makikita natin ang Tipan sa utos na ito. Inilagay ng Diyos si Adan sa Hardin at pinangakuan ng buhay maging ang kanyang angkan kung susunod siya sa mga utos ng Diyos. Ang buhay ang gantimpala sa pagsunod at kamatayan naman ang kaparusahan ng pagsuway. Ito ang lenguwahe ng Tipan.
Nakikita ng ilang mga iskolar ng Bibliya ang Tipan ng Gawa sa anyo ng Tipan na tinatawag na Suzerain - Vassal. Sa ganitong uri ng Tipan, ang Suzerain (Halimbawa: isang hari) ay magaalok ng kasunduan sa isang vassal (halimbawa: alipin). Ipagkakaloob ng suzerain ang pagpapala at proteksyon sa alipin kapalit ng pagsunod. Sa kaso ng Tipan ng Gawa, ang Diyos (ang suzerain) ay nangako ng buhay na walang hanggan at pagpapala sa sangkatauhan (ang vassal na kinakatawan ni Adan bilang pangulo ng lahat ng tao), bilang kapalit sa pagsunod ng tao sa mga batas na nakapaloob sa Tipan, (halimbawa: huwag kakain ng bunga ng puno). Makikita natin ang kaparehong istruktura sa pagbibigay ng Lumang Tipan sa Israel sa pamamagitan ni Moises. Nakipagtipan ang Israel sa Diyos sa bundok ng Sinai. Ibibigay sa kanila ng Diyos ang lupang pangako (isang lupain na dinadaluyan ng gatas at pulot), at ang kanyang pagpapala at proteksyon laban sa kanilang kaaway bilang kapalit na kanilang pagsunod sa mga kundisyon ng Tipan. Ang kaparusahan sa pagsuway sa mga kundisyon ng Tipan ay ang pagpapalayas sa kanila sa lupain (na naganap noong sakupin ng Babilonia ang kaharian sa Hilaga noong 722 B.C. at ang pagsakop sa kaharian sa Timog noong 586 B.C.)
Nang mabigo si Adan sa pagsunod sa Tipan ng Gawa, itinatag ng Diyos ang Ikatlong Tipan, ang Tipan ng Biyaya. Sa Tipan ng Biyaya, malayang iniaaalok ng Diyos ang buhay na walang hanggan sa mga makasalanan (sa mga nabigong itaguyod ang Tipan ng Gawa) sa pamamagitan ng pananampalataya kay Hesu Kristo. Makikita natin ang probisyon para sa Tipan ng Biyaya pagkatapos mismo ng pagbagsak ni Adan sa kasalanan ng ipangako ng Diyos ang pagdating ng "binhi ng babae" sa Genesis 3:15. Habang ang pagpapala at sumpa ng Diyos sa ilalim ng Tipan ng Gawa ay nakasalalay sa pagsunod o pagsuway ng tao, ang Tipan ng Biyaya naman ay walang kundisyon at malayang ipinagkakaloob ayon sa biyaya ng Diyos. Ang Tipan ng Biyaya ay ayon sa anyo ng pagbibigay ng lupa noong unang panahon kung saan ipinagkakaloob ng isang hari ang isang lupain sa isang tao bilang isang regalo ng walang anumang kundisyon. Maaaring ikatwiran na ang pananampalataya ang kundisyon sa ilalim ng Tipan ng Biyaya. Maraming tagubilin sa Bibliya para sa mga tumanggap ng walang kundisyong biyaya ng Diyos na manatiling tapat hanggang wakas, kaya sa isang banda, ang pagpapanatili ng pananampalataya ang kundisyon sa ilalim ng Tipan ng Biyaya. Ngunit malinaw na itinuturo ng Bibliya na maging ang pananampalatayang nakapagliligtas ay isa ring biyaya na galing sa Diyos (Efeso 2:8-9)
Makikita natin na ang Tipan ng Biyaya ay nahayag sa maraming walang kundisyong tipan na ginawa ng Diyos sa ilang indibidwal sa Bibliya. Ang tipan ng Diyos kay Abraham (upang maging kanyang Diyos at upang maging bayan ng Diyos ang kanyang angkan) ay isang halimbawa ng Tipan ng Biyaya. Ang tipan ng Diyos kay David (na ang paghahari ng isang manggagaling sa kanyang lipi ay magpasa-walang hanggan) ay isa ring halimbawa ng Tipan ng Biyaya. Sa huli, ang Bagong Tipan ang pinakahuling ekspresyon ng Tipan ng Biyaya kung saan isinulat ng Diyos ang Kanyang kautusan sa ating puso at kumpletong pinatawad ang ating mga kasalanan. Isang bagay ang maliwanag habang tinitingnan natin ang iba't ibang mga tipan ng Diyos sa Lumang Tipan: ang lahat ng mga ito ay nagkaroon ng katuparan kay Hesu Kristo. Ang pangako kay Abraham na pagpapalain ang lahat ng bansa ay naganap sa pamamagitan ni Hesus. Ang hari na maghaharing walang hanggan mula sa lipi ni David ay natupad din kay Kristo at ang Bagong Tipan ay maliwanag na nagkaroon ng katuparan kay Kristo. Kahit na ang Lumang Tipan ay nagbigay ng senyales sa Tipan ng Biyaya. Halimbawa: ang lahat ng mga paghahandog at ritwal ay paglalarawan sa gawain ng pagliligtas ni Kristo, ang ating Dakilang Saserdote (Hebreo 8-10). Ito ang dahilan kung bakit nasabi ni Hesus sa kanyang sermon sa Bundok na hindi Siya dumating upang alisin ang kautusan kundi upang ganapin ito (Mateo 5:17).
Makikita din natin ang Tipan ng Biyaya sa aksyon ng Diyos sa Lumang Tipan ng hindi Niya ilapat ang parusang nararapat sa Kanyang bayan dahil sa kanilang paulit ulit na pagkakasala. Kahit na ang kundisyon sa Tipan ng Diyos kay Moises at mga Israelita (isang aplikasyon ng Tipan ng Gawa) na parurusahan ng Diyos ang kanilang pagsuway sa Kanyang mga utos, nagtimpi sa kanila ang Diyos at hindi sila pinarusahan na gaya ng nararapat. Ang pagtitimpi ng Diyos ay laging kalakip na salitang “inalala ng Diyos ang tipan na Kanyang ginawa kay Abraham” (1 Hari 13:23; Awit 105; Isaias 29:22; 41:8). Ang pangako ng Diyos na ganapin ang Tipan ng Biyaya (na sa pakahulugan ay tipan na may iisang mukha) ay laging pinawawalang bisa ang pagpapatupad Niya ng Tipan ng Gawa.
Ito ang maiksing paglalarawan sa Teolohiya ng Tipan (Covenant Theology) at kung paano nito inuunawa ang Kasulatan sa pamamagitan ng mga Tipan. Ang tanong na lumilitaw patungkol sa Teolohiya ng Tipan ay kung pinalitan ba ng Tipan ng Biyaya ang Tipan ng Gawa. Sa ibang salita, ang Tipan ba ng Gawa ay lumipas na dahil ang Lumang Tipan ay lumipas na (Hebreo 8:13)? Habang ang Lumang Tipan ay aplikasyon ng Tipan ng Gawa, hindi ito Tipan ng Gawa. Muli, ang Tipan ng Gawa ay makikita mula pa sa Hardin ng Eden ng ipangako ng Diyos ang buhay kapalit ng pagsunod at parusa at kamatayan kapalit ng pagsuway. Ang Tipan ng Gawa ay ipinaliwanag na malinaw kalaunan sa Sampung Utos, kung saan muling ipinangako ng Diyos ang pagpapala para sa pagsunod at parusa para sa pagsuway. Ang Lumang Tipan ay ang mga kautusang moral na ipinaliwanag sa Sampung Utos. Kasama dito ang mga kautusang sibil na sinusunod ng bansang Israel sa panahon ng teokrasya (paghahari ng Diyos) at monarkiya (paghahari ng tao). Sa pagdating ni Hesu Kristo, ang ipinangakong Tagapagligtas sa Lumang Tipan, maraming aspeto ng Lumang Tipan ang lumipas na dahil si Hesus ang tumupad ng mga tipo (types) at pigura (figures) sa Lumang Tipan (muli tingnan ang Hebreo 8-10). Ang Lumang Tipan ay kinakatawan ng mga ‘tipo’ at ‘anino’ kung saan si Kristo ang siyang ‘sustansya’ (Colosas 2:17). Muli, dumating si Kristo upang ganapin ang Kautusan (Mateo 5:17). Gaya ng sinasabi ni Pablo, "Sapagka't maging gaano man ang mga pangako ng Dios, ay nasa kaniya ang oo: kaya nga naman na sa kaniya ang Siya Nawa sa ikaluluwalhati ng Dios sa pamamagitan namin" (2 Corinto 1:20).
Gayunman, hindi pinawawalang bisa ng Tipan ng Biyaya ang Tipan ng Gawa na ipinaliwanag sa Sampung Utos. Hinihingi ng Diyos ang kabanalan sa Kanyang sariling bayan sa Lumang Tipan (Levitico 11:44) at patuloy pa ring hinihingi ito sa Kanyang mga hinirang sa Bagong Tipan (1 Pedro 1:16). Dahil dito, obligado pa rin tayo na sumunod sa mga kundisyon sa Tipan ng Gawa. Ang magandang Balita ay perpektong ginanap na ni Hesu Kristo, ang huling Adan, ang lahat ng kundisyon ng Tipan ng Gawa at ang Kanyang perpektong katuwiran ang dahilan upang ipagkaloob ang Tipan ng Biyaya sa kanyang mga hinirang. Si Adan ang kumakatawan sa lahat ng tao sa Hardin ng Eden at nabigo siyang pagtibayin ang Tipan ng Gawa na siyang nagdala sa lahat ng tao ng kasalanan at kamatayan. Si Hesu Kristo ang tumatayong kinatawan ng tao, mula sa pagtukso sa Kanya sa ilang, hanggang sa Kalbaryo at siyang perpektong gumanap sa Tipan ng Gawa. Kaya nga nasabi ni Apostol Pablo, "Sapagka't kung paanong kay Adam ang lahat ay nangamamatay, gayon din naman kay Cristo ang lahat ay bubuhayin" (1 Corinto 15:22).
Sa konklusyon, tinitingnan ng Teolohiya ng Tipan (Covenant Theology) ang Kasulatan bilang isang kapahayagan ng Tipan ng Gawa at Tipan ng Biyaya. Ang buong salaysay ng kasaysayan ng pagtubos ay makikita sa unti-unting paghahayag ng Tipan ng Gawa mula sa unang mga yugto nito (Genesis 3:15) hanggang sa katuparan nito kay Kristo. Samakatwid, Si Kristo ang sentro ng Teolohiya ng Tipan dahil inuunawa nito ang Lumang Tipan bilang pangako kay Kristo at ang bagong Tipan naman ang katuparan ni Kristo. May ilang nag-aakusa na ang itinuturo ng Teolohiya ng Tipan ay ‘Replacement Theology’ o ang turo na pinalitan ng Iglesya ang Israel. Ngunit wala itong katotohanan. Hindi gaya ng ‘dispensationalism’ walang nakikitang pagkakaiba ang Teolohiya ng Tipan sa pagitan ng Israel at ng iglesya. Binubuo ng Israel ang mga tao ng Diyos sa Lumang Tipan, at ang iglesya naman (na binubuo ng mga Hudyo at mga Hentil) ang binubuo ng mga tao ng Diyos sa Bagong Tipan; pareho silang binubuo ng mga tao ng Diyos (Galacia 2:11-20). Hindi pinalitan ng iglesya ang Israel; ang iglesya ay Israel at ang Israel ay iglesya (Galacia 6:16). Ang lahat ng tao na may pananampalataya gaya ni Abraham ay binigyan ng Tipan ng Diyos (Galacia 3:25-29).
Marami pang bagay ang masasabi tungkol sa Teolohiya ng Tipan (Covenant Theology), ngunit ang mahalagang bagay na dapat tandaan, ito ay isang balangkas ng pangunawa sa Kasulatan. Gaya ng ating nakita, hindi lamang ito ang paraan ng pangunawa sa Kasulatan. Ang Teolohiya ng Tipan at Dispensationalism ay maraming pagkakaiba, at minsan ay humahantong sa magkasalungat na konklusyon patungkol sa ilang mga hindi gaanong mahalagang katuruan, ngunit pareho silang nanghahawak sa mga pangunahing katuruan ng panananampalatayang Kristiyano gaya ng Kaligtasan sa Biyaya sa pamamagitan lamang ng pananampalataya kay Kristo at sa Diyos lamang nararapat iukol ang kapurihan.
English
Ano ang Teolohiya ng Tipan (Covenant Theology) at ito ba ay Biblikal?