settings icon
share icon
Tanong

Ano ang Toronto Blessing?

Sagot


Ang Toronto Blessing ay tumutukoy sa ipinagpapalagay na pagbuhos ng Banal na Espiritu sa mga tao na dumalo sa isang pagtitipong pagsamba sa Toronto Airport Christian Fellowship Church, na noong panahong iyon ay tinatawag na Toronto Airport Vineyard Church. Noong Enero 20, 1994, isang pentecostal pastor na nagngangalang Randy Clark ang nagsalita sa Iglesya at nagbigay ng kanyang patotoo kung paano siya “nalalasing” at “tumatawa” sa Espiritu ng hindi niya napipigilan. Bilang tugon sa kanyang patotoo, nagkagulo ang kongregasyon at nagumpisa ang mga tao na tumawa, umungol, sumayaw, nangisay, kumahol na parang aso at may iba pa na tila naparalisado. Ang dahilan ng mga karanasang ito ay ipinagpalagay na manipestasyon ng pagpasok ng Espiritu Santo sa katawan ng tao. Tinukoy ng pastor ng Iglesya na nagngangalang John Arnott ang pangyayaring ito bilang isang malaking kasiyahan o “party” sa Banal na Espiritu. Kalaunan, tinawag ang kaganapang ito na “Toronto Blessing” at mula noon, napansin ang Iglesyang ito sa buong mundo.

Kung ihahambing ang pangyayaring ito sa tinatawag na pagpapala o “blessing” ayon sa pakahulugan ng Bibliya, hindi ito matatawag na “blessing” o pagpapala kundi isang kapusungan. Hindi matatagpuan saanman sa buong Bibliya ang mga nangyaring ito sa Toronto Airport church, maliban marahil sa pisikal na dinaranas ng mga taong inaalihan ng masamang espiritu. Sa katotohanan, nagkaroon sa pagtitipong ito ng bugso ng sobrang emosyon anupa’t tumigil si Pastor Arnott ng pangangaral tungkol sa kaligtasan at sa halip ay nangaral ng tungkol sa “kasiyahan” sa Espiritu Santo.” Itinuring nila na mas mataas ang awtoridad ng kanilang karanasan kaysa sa itinuturo ng Banal na Kasulatan. Hindi ito nakayanan ng Vineyard movement, at pinutol nito ang kaugnayan sa Toronto Airport church noong 1995, na siyang nagtulak upang palitan ng natirang grupo ang kanilang pangalan ng Toronto Airport Christian Fellowship.

Ang ating atensyon bilang mga mananampalataya ay dapat na nakatuon kay Kristo, ang “gumawa at sumakdal ng ating pananampalataya” (Hebreo 12:2), hindi sa ating sarili, sa ating mga karanasan, o maging sa “kaloob” ng Banal na Espiritu. Ang Toronto Blessing ay nakatuon sa mga “kaloob” ng Banal na Espiritu na nakasisira sa mga gawain at patotoo ng pananampalatayang naaayon sa Bibliya. Maaaring masiyahan, sumayaw, umawit o kahit sumigaw ang isang mananampalataya sa pagpupuri sa Panginoon. Gayunman, kung ang ginagawa sa pagsamba ay katulad na ng ginagawa ng mga taong may sira ang pagiisip, pagkatapos ay ibibintang ang kaguluhan sa gawain o kaloob ng Banal na Espiritu, dalawang salita lamang ang pumapasok sa isipan: HIDWANG PANANAMPALATAYA.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang Toronto Blessing?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries