Tanong
Totoo ba ang Diyos? Papaano ako lubusang makatitiyak na totoo ang Diyos?
Sagot
Alam natin na totoo ang Diyos sapagkat ipinakilala Niya ang Kanyang sarili sa tatlong kaparaanan: Una, sa pamamagitan ng kanyang sangnilikha. Pangalawa, sa pamamagitan ng Kanyang Salita, ang Bibliya at pangatlo, sa pamamagitan ng Kanyang anak na si Hesu Kristo.
Ang pinakasimpleng patunay na totoo ang Diyos ay ang Kanyang sangnilikha. "Mula pa nang likhain Niya ang sanlibutan, ang kalikasang di nakikita, ang kanyang walang hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos ay maliwanag na inihahayag ng mga bagay na ginawa Niya. Kaya't wala na silang maidadahilan" (Roma 1:20). “Ang langit ay naghahayag na ang Diyos ay dakila! Malinaw na nagsasaad kung ano ang kanyang gawa (Awit 19:1)!”
Kung makakakita ako ng isang relo sa gitna ng bukid, hindi ko iisipin na ito ay lumitaw na lang ng kusa at wala itong pinagmulan o di kaya ang naturang relo ay nandoon na sa simula't simula pa. Base sa disenyo ng relo, iisipin kong mayroong matalinong lumikha dito. Subalit nakikita kong napakalayo ng kaibahan ng disenyo at pagkakatugma ng ating mundo kung ikukumpara sa isang relo. Ang sukat ng ating panahon ay hindi nakabase sa relong ating isinusuot, kung hindi sa gawa at kagustuhan ng Diyos, tulad ng regular na pag-ikot ng mundo. Ang buong sandaigdigan ay isang napakalaking disenyo at dahil dito, ito rin ay nangangailangan ng isang Dakilang manlilikha.
Kung makakakita ako ng isang mensaheng nakasulat sa pamamagitan ng mga simbolo, hahanap ako ng isang taong may kakayahang magbasa nito upang tulungan akong maunawaan ang nakatagong mensahe. Iisipin kong ang pinagmulan at ang sumulat ng naturang mensahe ay isang napakatalinong tao. Gaano ba kasalimuot ang "DNA Code" na dinadala natin sa bawat bahaging ating katawan? Hindi ba't ang pagiging kumplikado at pagkamasalimuot ng ating DNA ay nangangailangan din ng isang napakatalinong Manlilikha?
"Iniangkop Niya ang lahat ng bagay sa kapanahunan. Ang tao'y binigyan Niya ng pagnanasang alamin ang bukas ngunit hindi binigyan ng pagkaunawa sa ginawa ng Diyos mula sa pasimula hanggang sa wakas" (Mangangaral 3:11)
Likas sa tao ang kaisipan na mayroong nakahihigit sa lahat ng may buhay at sa nakikita lang ng mata at mayroon pang buhay na mas mataas kaysa sa buhay na nakagawian na natin dito sa mundo. Ang ating pandama sa mga bagay na walang hanggan ay nakikita sa dalawang paraan: Sa paggawa ng batas at pagsamba.
Ang bawat sibilisasyon sa kasaysayan ay may pinapahalagahang mga moral na batas, na nakapagtatakang kapareho ng iba't ibang mga kultura sa ibang panig ng mundo. Kagaya halimbawa na ang pagmamahal ay pinupuri sa buong mundo samantalang kinokondena naman ang pagsisinungaling. Ang naturang magkaparehong moralidad, ang pandaigdigang kaalaman kung ano ang tama at mali ay nagtuturo lamang na may isang Dakilang Manlilikha na nagbigay sa atin ng naturang kaalaman.
Ganoon din naman, ang lahat ng tao sa buong mundo, anuman ang kultura ay laging may iniingatang sistema ng pagsamba. Magkakaiba ang paraan ng pagsamaba at ang pinaguukulan nila ng pagsamba subalit ang pagkaalam na may isang Makapangyarihan sa lahat ay hindi maipagkakailang bahagi ng pagiging tao. Ang ating pagnanais na sumamba ay ayon sa katotohanang ginawa tayo ng Diyos ayon sa kanyang wangis (Genesis 1: 27).
Inihayag din ng Diyos ang Kanayang sarili sa pamamagitan ng Kanyang salita, Ang Bibliya. Sa buong Bibliya ang katotohanan ng Diyos ay itinuturing na hindi mapapasubaliang katotohanan (Genesis 1:1, Exodo 3:14). Nang isulat ni Benjamin Franklin ang kanyang talambuhay, hindi niya sinayang ang kanyang oras para patotohanan na siya ay totoo at siya ay nabubuhay. Kagaya nito, hindi rin nagsayang ng panahon ang Diyos para patotohanan na Siya ay totoo sa kanyang Aklat. Ang katangian ng Bibliya na magbago ng buhay ng tao, ang kanyang integridad at ang mga himalang nakasaad dito ay sapat ng dahilan para pagtuunan ito ng pansin.
Ang ikatlong paraan ng kapahayagan ng Diyos sa Kanyang sarili ay sa pamamagitan ng Kanyang Anak na si Hesus ( Juan 14:6-11) "Sa pasimula pa'y naroon na ang Salita. Kasama ng Diyos ang Salita at ang Salita ay Diyos"Naging tao ang Salita at Siya'y nanirahan sa piling natin" (Juan 1:1,14). "Sapagkat ang buong kalikasan ng Diyos ay na kay Kristo nang Siya'y maging tao" (Colosas 2:9).
Sa buong buhay ni Hesus, perpekto Niyang nasunod ang lahat ng kautusan sa Lumang Tipan at natupad ang mga propesiya na may kinalaman sa Mesiyas (Mateo 5:17). Maraming beses din na tinulungan ni Hesus ang kanyang kapwa at gumawa ng mga himala upang patotohanan ang Kanyang mensahe at ang Kanyang kabanalan (Juan 21:24-25). Pagkatapos ng tatlong araw matapos na Siya'y ipako sa krus, bumangon Siya mula sa libingan, isang pangyayari na pinatunayan ng daan-daang mga saksi (1 Corinto 15:6) Ang mga tala sa kasaysayan ay punong puno ng mga katibayan kung sino talaga si Hesus. Ayon pa kay Apostol Pablo, ang bagay na ito ay hindi ginawa lamang sa isang sulok ng sanlibutan (Gawa 26:26).
Ating napag-alaman na mayroon talagang mga taong nagdududa at may mga sariling ideya patungkol sa Diyos. "Wala namang Diyos!" ang sabi ng hangal, ito ang palagi nilang katuwiran; kaya naman ngayon ang kanilang buhay, kakila-kilabot at kasuklam-suklam; Masasamang gawa'y kanilang libangan, wala nang matuwid wala ni isa man" (Awit 14:1). Subalit ang lahat ay mauuwi lahat sa pananampalataya. "At hindi kinalulugdan ng Diyos ang hindi nananalig sa Kanya. Sapagkat ang sinumang lumalapit sa Diyos ay dapat maniwalang may Diyos, at Siya ang nagbibigay ng gantimpala sa mga humahanap sa Kanya" (Hebreo 11:6).
English
Totoo ba ang Diyos? Papaano ako lubusang makatitiyak na totoo ang Diyos?