Tanong
Ang kasabihan bang 'aanihin mo ang iyong itinanim' ay naaayon sa Bibliya?
Sagot
Ang kasabihang aanihin ng tao ang kanyang itinanim ay naaayon ba sa Bibliya? Ang prinsipyo ng pagtatanim at pagaani ay pangkaraniwan sa buong Bibliya dahil ito ay isang bagay na nauunawaan ng mga tao. Ang gawain ng paggawa sa bukid para umani ay halos kasintanda na ng sangkatauhan. Bahagi ng sumpa ng Diyos kay Adan ang pagtubo ng mga tinik at dawag sa lupa bilang bahagi ng sumpa sa kanya ng Diyos na "sa pagod at pawis pagkain mo'y manggagaling" (Genesis 3:19). Naunawaan ni Adan ang konsepto ng "pagaani sa itinanim" sa paraang literal at espiritwal.
Ang kasabihang "aanihin mo ang iyong itinanim" ay maaaring direktang pagtukoy sa isa o dalawang talata sa Bagong Tipan. Ang isa ay makikita sa 2 Corinto 9:6, "Ito ang ibig kong sabihin: ang nagtatanim ng kakaunti ay aani ng kakaunti, at ang nagtatanim ng marami ay aani ng marami." Ang isa pang talata ay sa Galatia 6:7, "Huwag ninyong linlangin ang inyong sarili; hindi maaaring tuyain ang Diyos. Kung ano ang itinanim ng tao, iyon din ang kanyang aanihin." Bilang isang pangkalahatang prinsipyo, totoo ba na ang pagtatanim ay magbubunga sa pagaani? Totoo ito sa agrikultura at totoo din ito sa ating mga pagpili sa buhay? Kaya nga, naaayon ba sa Bibliya ang kasabihang ito?
Maraming mga talata sa Lumang Tipan ang tumutukoy din sa parehong prinsipyo ng "pagaani sa itinanim." Sinabi ni Haring Solomon, "Siyang naghahasik ng kasamaan ay aani ng kapahamakan; at ang pamalo ng kaniyang poot ay maglilikat" (Kawikaan 22:8). "Ngunit naghasik kayo ng kalikuan, at kawalang-katarungan ang inyong inani, kumain din kayo ng bunga ng kasinungalingan (Hosea 10:13). Sinasabi naman sa Kawikaan 1:31, "Kaya nga, inyong aanihin ang bunga ng inyong gawa, at kayo ay uusigin ng inyong pagnanasang ubod sama." Sa parehong kaso, ang batas ng pagtatanim at pagaani ay nagtuturo sa hustisya ng Diyos.
Habang may tunay na espiritwal na prinsipyo sa likod ng kasabihan, kung magtatanim tayo ng masasamang bagay, mayroon din namang kahabagan. Sa biyaya ng Diyos, hindi natin laging inaani ang bunga ng ating itinatanim. Ang Diyos ang may karapatang magpakita ng habag sa sinumang Kanyang maibigan, gaya ng Kanyang sinabi kay Moises, "Mahahabag ako sa nais kong kahabagan at maaawa ako sa nais kong kaawaan" (Roma 9:15). Dahil lamang sa awa at kahabagan ng Diyos kaya tayo maaaring tumira sa tahanan sa langit sa kabila ng ating mga kasalanan. Nagtanim tayo ng kasalanan at kasamaan, at inani ni Jesus ang kaparusahan sa krus. Purihin ang Diyos magpakailanman.
Minsan, ang pagaani sa itinatanim ay hindi agad nakikita. Noong nagdurusa si Job, itinuring ng kanyang mga kaibigan na ang kanyang mga nararanasang pagsubok ay makatuwirang kaparusahan sa kanya ng Diyos dahil sa kanyang mga lihim na kasalanan. Sinabi ng kaibigan ni Job na si Elifaz: "Ang alam ko'y ang mga naghahasik ng kasamaan ay sila ring nag-aani ng kaguluhan" (Job 4:8). Ngunit mali si Elifaz. Hindi inaani ni Job ang kanyang itinanim. Hindi pa dumarating kay Job ang pagaani—at hindi iyon darating hanggang sa huling bahagi ng aklat (Job 42:10–17). Ang pagdanas ng mga pangit na karanasan ay hindi nangangahulugan na nagtanim tayo ng mga negatibong bagay. Ang prinsipyo ng pagaani at pagtatanim, ay hindi laging totoo sa lahat ng panahon, bagama't madalas na nangyayari sa maraming sitwasyon.
Ang kasabihang ito ay totoo sa positibo at negatibong aspeto. "Ang nagtatanim para sa sarili niyang laman ay aani ng pagkabulok mula sa laman. Ngunit ang nagtatanim para sa Espiritu ay aani ng buhay na walang hanggan" (Galatia 6:8). Binuod sa talatang ito ang prinsipyong ito. Kung tayo ay makasarili, mayabang, hindi makatarungan, makasalanan at nagtitiwala sa ating sariling kakayahan para iligtas ang ating sarili, nagtatanim tayo sa "laman," at naghihntay sa atin ang kapahamakan. Ngunit kung tayo ay hindi makasarili, mapagbigay, mabuti at umaasa sa mga pagpapala ng Diyos at pagliligtas, "nagtatanim" tayo sa Espiritu at magaani ng buhay na walang hanggan.
Ang pananampalataya kay Jesus at paghahangad ng kabanalan ay "pagtatanim sa Espiritu." Ang pagtatanim sa laman, pagtitiwala sa sarili, at sa ating kakayahan para gumawa ng daan ng walang tulong mula sa Diyos ay walang patutunguhan. Ngunit, kung ilalagak natin ang ating pagtitiwala kay Cristo, magaani tayo ng buhay na walang hanggan. Ang Kanyang pag-ibig ay isang matabang lupa.
English
Ang kasabihan bang 'aanihin mo ang iyong itinanim' ay naaayon sa Bibliya?