settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ating matututunan sa buhay ni Aaron?

Sagot


Si Aaron ay kilala dahil sa kanyang papel na ginampanan sa paglaya ng mga Israelita mula sa Ehipto at sa pagiging pinakaunang saserdote mula sa lipi ni Levi. Isinilang siya sa isang pamilya ng mga Levita sa panahon na alipin ang Israel sa Ehipto at panganay siyang kapatid ni Moises na mas matanda dito ng tatlong taon (Exodo 7:7). Una nating nakilala si Aaron sa ikaapat na kabanata ng Exodo ng sabihan ng Diyos si Moises na susuguin Niya si Aaron na kanyang kapatid para maging tagapagsalita niya sa harapan ng Faraon.

Nanatili ang mga Israelita sa Ehipto pagkatapos na mamatay si Jose at ang kanyang henerasyon, at nagsimula silang dumami. Isang bagong Faraon ang natakot sa mga Israelita sa pangambang baka lumaban ang mga ito kaya ginawa niya silang mga alipin at pinagmalupitan niya ang mga Israelita (Exodo 1:8–14). Iniutusan din niya ang mga hilot na patayin ang lahat ng batang lalaking isisilang ng mga babaeng Israelita. Nang hindi sumunod ang mga hilot, iniutos ng Faraong sa mga tao na ihagis sa ilos Nilo ang lahat ng batang lalaki mula sa mga Israelita. Ipinatupad ang batas na ito ng isilang si Moises. Maaaring isinilang si Aaron bago ipinatupad ng Faraon ang batas na ito, o nakatakas siya sa kamatayan dahil natakot ang mga hilot sa Diyos sa halip na sundin ang Faraon (Exodo 1:15–22). Wala tayong mababasa tungkol kay Aaron malibang noong isugo siya ng Diyos sa noo'y walumpung taong gulang na si Moises.

Nang kausapin ng Diyos si Moises sa pamamagitan ng isang nagliliyab na puno at sabihan siyang bumalik sa Ehipto at hilingin sa Faraon na palayain ang mga Israelita (Exodo 3—4), idinahilan ni Moises na hindi siya ang karapatdapat para sa gawaing iyon. Sa huli, hiniling ni Moises sa Diyos na magsugo ng iba (Exodo 4:13)." Dahil dito, nagalit si Yahweh kay Moises. Sinabi niya, "Hindi ba kapatid mo ang Levitang si Aaron? Alam kong mahusay siyang magsalita. Darating siya at makikipagkita sa iyo; matutuwa siya sa pagkikita ninyo'" (Exodo 4:14). Sinabi ng Diyos kay Moises na si Aaron ang kanyang magiging tagapagsalita (Exodo 4:15–17).

Kinausap din ng Diyos si Aaron at sinabihan ito na salubungin si Moises sa ilang, Sumunod agad si Aaron. Sinabi ni Moises kay Aaron ang mga sinabi ng Diyos maging ang mga tagubilin tungkol sa mga tanda na Kanyang gagawin sa harap ng Faraon. Sa Ehipto, tinipon ni Moises at Aaron ang matatandang Israelita at sinabi sa kanila ni Aaron ang lahat ng sinabi ng Diyos kay Moises (Exodo 4:27–31). Mahalagang pansinin kung paanong mabilis na naniwala si Aaron sa sinabi sa kanya ni Moises. Nakahanda si Aaron sa gawain na ipinagagawa sa Kanya ng Diyos ng walang tanong-tanong at handang tulungan ang kanyang kapatid at maging tagapagsalita nito. Maaaring nagsilbi ding tagapamagitan si Aaron sa pagitan ni Moises at ng mga Israelita dahil nabuhay si Moises ng malayo sa kanyang bayan sa malaking bahagi ng kanyang buhay—una, bilang prinsipe sa palasyo ng Ehipto ay bilang isang takas sa Madian. Sa negosasyon sa kanilang pagalis sa Ehipto, makikita natin sina Moises at Aaron sa harap ng Faraon na gumagawa ng maraming tanda at himala habang hinihiling na pabayaang umalis ang mga Israelita. Ginamit ng Diyos ang tungkod ni Aaron sa maraming tanda at mga salot. Naging masunurin ang dalawa sa mga tagubilin ng Diyos at sa wakas nakalaya din ang mga Israelita.

Nagpatuloy si Aaron sa pangunguna kasama ni Moises habang naglalagalag ang mga Israelita sa ilang at nagsilbing katulong at tagapagsalita nito. Nang magreklamo ang mga Israelita laban kina Moises at Aaron (Exodo 16:2), "sinabi nina Moises at Aaron sa mga Israelita, "Mamayang gabi, mapapatunayan ninyo na si Yahweh ang naglabas sa inyo sa Egipto. At bukas ng umaga, makikita ninyo ang kanyang kapangyarihan. Narinig niya ang inyong reklamo laban sa kanya. Laban sa kanya, sapagkat tuwing gagawin ninyo ito ay sa kanya kayo nagrereklamo, hindi sa amin." Idinugtong pa ni Moises, "Mamayang gabi, bibigyan niya kayo ng karne. Bukas ng umaga ay tinapay ang ibibigay niya sa inyo hanggang gusto ninyo. Iyan ang sagot niya sa inyo. Ang totoo, anumang reklamo ninyo ay laban sa kanya, hindi sa amin, sapagkat sino ba kami para pagreklamuhan ninyo?" (Exodo 16:6–8). Sinabihan ni Moises si Aaron na tawagin ang mga tao sa harap ng Panginoon at nagpakita sa kanila ang kaluwalhatian ng Panginoon sa isang ulap (Exodo 16:10). Sa panahong iyon nagkaloob ang Diyos sa mga Israelita ng pugo at manna. Inutusan ng Diyos si Moises na magtabi ng isang omer ng manna sa isang jar na kanilang iingatan hanggang sa susunod na mga henerasyon; inutusan ni Moises sa Aaron na kolektahin ito (Exodo 16:32–35).

Pagkatapos ng pagrerebelde ni Kore laban kina Moises at Aaron, gumawa ang Diyos ng himala para kumpirmahin na si Aaron at ang kanyang lahi ang tunay na pinili ng Diyos para maglingkod sa Kanyang presensya. Labindalawang tungkod ang kinolekta mula sa bawat tribo. Nakaukit ang pangalan ni Aaron sa kanyang tungkod na kumakatawan sa tribo ni Levi. Ang mga tungkod ay inilagay sa tabernakulo sa harapan ng kaban ng tipan sa loob ng magdamag, at kinaumagahan, hindi lamang nagdahon, kundi namulaklak at namunga pa ng almendro ang tungkod ni Aaron (Bilang 17:8). Inutusan ng Diyos si Moises na ilagay ang tungkod ni Moises sa loob ng kaban ng tipan at sinabi, "Ito ang magpapatigil ng pagrereklamo laban sa Akin"(talata 10).

Habang nakikipaglaban sa mga Amalekita, nagtatagumpay lamang si Josue, ang pinuno ng hukbo ng Israel habang nakataas ang kamay ni Moises. Nangalay si Moises kaya naglagay sina Aaron at Hur ng bato sa paanan ni Moises para gawing tuntungan at tinulungan nilang itaas ang kamay nito. Sa maraming paraan, ito ang larawan ng paglilingkod ni Aaron kay Moises. Sinuportahan niya ang kanyang kapatid na pinili ng Diyos para pangunahan ang mga Israelita sa kanilang paglaya sa Ehipto.

Sa bundok ng Sinai, binalaan ng Diyos ang mga tao na huwag lalapit sa bundok habang kinakausap Niya si Moises para ibigay dito ang Sampung Utos. Sa isa sa mga pagakyat ni Moises sa bundok, iniutos sa kanya ng Diyos na isama niya si Aaron (Exodo 19:24). Habang nananatili si Moises sa bundok kasama ng Diyos, ibinigay ng Diyos kina Aaron at Hur ang kapamahalaan sa pagaayos ng kaguluhan na maaaring maganap habang wala si Moises (Exodo 24:14).

Ang malungkot, hindi naging maayos ang lahat habang si Aaron ang namumuno sa Israel. Nainip ang mga tao sa paghihintay sa pagbaba ni Moises sa bundok at hiniling kay Aaron na kunin ang kanilang mga gintong alahas, at gumawa ng isang diyus-diyusan. Nagtayo pa si Aaron ng isang altar sa harapan ng guyang ginto at nagtakda ng isang pista para dito (Exodo 32:1–6). Tila mahirap maunawaan kung paanong magagawa ito ng isang taong nakahandang sumunod sa Diyos para tulungan ang kanyang kapatid na pangunahan ang Israel sa paglabas sa Ehipto, at nakita ng mismong mga mata ang mga kahanga-hangang gawa ng Diyos, at nitong nakaraan lamang ay nakita ang Diyos sa Bundok ng Sinai. Ang larawan ng kabiguan ni Aaron ay isang demonstrasyon sa ating kalikasan bilang tao. Hindi natin alam ang motibo ni Aaron, ngunit mahirap isipin na maaaring pinagdudahan niya ang Diyos at natakot siya sa mga tao.

Nang sabihin ng Diyos kay Moises ang ginagawang pagsamba ng mga Israelita sa guyang ginto, pinagbantaan ng Diyos na Kanyang pupuksain ang mga tao at muling gagawa ng isang bansa mula kay Moises. Namagitan si Moises sa Diyos para sa mga Israelita at bumalik sa kanila (Exodo 32:7–18). Nang Makita ni Moises kung ano ang mismong nangyayari, "nagpuyos siya sa galit at inihagis ang mga tapyas ng bato mula sa kanyang mga kamay, at nagkapira-piraso ang mga iyon sa paanan ng bundok (Exodo 32:19). Nakasulat sa mga tapyas ng batong iyon ang tipan ng Diyos sa Israel, at tila hindi iyon binitawan ni Moises dahil lamang sa ilang sandali ng pagkagalit kundi dahil din sa sumira ang mga tao sa kanilang tipan sa Diyos sa pamamagitan ng kanilang pagsuway. Sinunog ni Moises ang diyus-diyusan, inihalo ang abo niyon sa tubig at ipinainom sa mga Israelita (Exodo 32:20). Nang tanungin ni Moises si Aaron kung bakit ginawa iyon ng mga tao, naging tapat si Aaron sa kanyang dahilan kung bakit niya iginawa ang mga tao ng diyus-diyusan at iyon ay dahil sa kanilang pagrereklamo at kahilingan, bagama't hindi niya inako ang kanyang responsibilidad. Inamin ni Aaron na kinolekta niya ang kanilang mga gintong alahas ngunit sinabi kay Moises na "ïtinapon ko ang mga iyon sa apoy,… at lumabas ang isang guya!" (Exodo 32:24). "Nakita ni Moises na nagkakagulo ang mga tao dahil pinabayaan sila ni Aaron na sumamba sa diyus-diyusan. At naging katawatawa sila sa paningin ng mga kaaway sa paligid" (Exodo 32:25). Pinamili ni Moises ang mga tao kung sino ang nais maglingkod sa Diyos at sa guyang ginto. Kumampi sa kanya ang mga Levita at iniutos ni Moises sa kanila na patayin ang mga sumamba sa guyang ginto. Muli, namagitan si Moises at nanalangin sa Diyos para sa mga tao. Tiniyak naman ng Diyos kay Moises na bibigyan sila muli ng pagkakataon ngunit magpapadala din Siya ng salot sa mga tao dahil sa kanilang mga kasalanan (Exodo 32:33–35).

Hindi lamang ang insidente ng guyang ginto ang pagkakamali ni Aaron. Sa aklat ng mga Bilang kabanata 12, nilabanan ni Miriam (kapatid na babae ni Moises) at Aaron si Moises: "Sina Miriam at Aaron ay nagsalita ng laban kay Moises dahil sa babaing Cusita na kanyang pinakasalan—sapagkat siya'y nag-asawa nga ng isang babaing taga-Cus. Ang sabi nila, "Sa pamamagitan lang ba ni Moises nagsasalita si Yahweh? Hindi ba't sa pamamagitan din natin?" Narinig ni Yahweh ang usapan nilang ito." (Bilang 12:1–2). Hindi tama ang ganitong pagmamataas, ngunit ito ang karaniwang panganib sa mga tagapanguna; marami sa atin ang maaaring nakakaunawa sa nangyari kay Aaron. Tinawag ng Diyos ang tatlong magkakapatid para katagpuin sila, ipinagtanggol si Moises sa harapan ni Aaron at Miriam at tinanong kung bakit hindi sila natatakot na magsalita laban sa Kanya. Nang umangat ang ulap kung saan nagsalita ang Diyos sa magkakapatid, tinubuan si Miriam ng ketong. Dumalangin sina Moises at Aaron para sa kagalingan ni Miriam; umiyak si Moises sa Diyos, at pagkatapos ng pitong araw sa labas ng kampo, gumaling si Miriam (Bilang 12:3–16). Mahalagang pansinin na nagkaketong si Miriam samantalang hindi nagkaketong si Aaron. Kapansin-pansin din ang pagmamakaawa ni Aaron kay Moises at sa pagkilala niya sa kanyang pagkakasala at paghiling kay Moises na huwag hahayaang maghirap si Miriam. Makikitang tila tunay na nagsisi si Aaron sa pagkakataong iyon.

Itinalaga ng Diyos si Aaron at ang kanyang mga anak bilang mga saserdote para sa mga tao, at si Aaron bilang kauna-unahang punong saserdote. Ibinigay ng Diyos kay Moises sa bundok ng Sinai ang mg kautusan sa pagiging saserdote, at ang mga tagubilin kung paano gagawing karapat-dapat ang mga saserdote at kung anong uri ng kasuutan ang kanilang isusuot. Sinabi ng Diyos kay Moises na ang pagkasaserdote ay kanyang ibibigay kay Aaron at sa kanyang lahi sa pamamagitan ng isang walang hanggang ordinansa (Exodo 29:9). Ginawang punong saserdote si Aaron, at nagpatuloy ang kanyang pamilya sa paglilingkod bilang mga saserdote hanggang sa mawasak ang templo noong 70 AD. Ang aklat ng mga Hebreo sa Bagong Tipan ay naglaan ng maraming panahon sa pagkukumpara sa permanenteng pagkasaserdote ni Jesus at sa pansamantalang pagkasaserdote ni Aaron. Ang mga saserdote mula sa lahi ni Levi ay kinailangang magpatuloy sa pagaalay ng mga handog para sa kanilang sariling mga kasalanan at para sa mga kasalanan ng mga tao. Si Jesus ay walang kahit anong kasalanan, at ang Kanyang handog para sa mga tao ay ginawa ng minsan para sa lahat ng panahon at iyon ay sapat na (tingnan ang Hebreo 4—10).

Habang sumunod ang mga anak ni Aaron sa pagiging saserdote, dalawa sa kanyang mga anak na sina Nadab at Abihu ang pinatay ng Diyos dahil naghandog sila gamit ang apoy "na hindi nararapat, sapagkat hindi ito iyong iniutos sa kanila ni Yahweh" (Levitico 10:1). Nang sabihan ni Moises si Aaron na ang pagkamatay ng kanyang mga anak ang katibayan ng kabanalan ng Diyos, nanahimik si Aaron (Levitico 10:3). Hindi sinubukang ipagtanggol ni Aaron ang kanyang mga anak, o inakusahan man ang Diyos ng pagkakamali. Tila naunawaan ni Aaron ang kabanalan ng Diyos at tinanggap ang hatol ng Diyos sa kanyang mga anak. Gaya ni Moises, hindi pinahintulutan ng Diyos si Aaron na pumasok sa Lupang Pangako dahil sa kanilang kasalanan sa Meriba (Bilang 20:23). Inutusan ng Diyos sina Moises, Aaron at ang anak ni Aaron na si Eleazar na umakyat sa bundok ng Hot. Doon, ginawang punong saserdote si Eleazar bago namatay si Aaron (Bilang 20:26–29).

Ang buhay ni Aaron ay isang kapahayagan ng biyaya at kabanalan ng Diyos. Nagumpisang maging isang masunurin at tapat na alipin si Aaron na handang sumama kay Moises at maglingkod sa kanya bilang kanyang tagapagsalita. Naglingkod din siya ng tapat bilang isang saserdote sa sistema ng paghahandog na ginamit ng Diyos bilang isang larawan ng Kanyang plano ng pagliligtas sa pamamagitan ni Jesu Cristo. Gaya ng isang normal na tao, si Aaron ay isa ring makasalanan. Pagkatapos na makita ang mga kahanga-hangang gawa ng Diyos, gumawa pa rin siya ng isang guyang ginto at pinangunahan ang mga tao sa pagsamba doon. Ngunit tila natuto si Aaron at lumago sa kanyang relasyon sa Diyos. Inamin niya ang kanyang kasalanan sa pagsasalita laban kay Moises, at tinanggap ang pagkamatay ng kanyang mga taksil na anak. Mula sa buhay ni Aaron, matututunan natin kung paano maglingkod sa iba, kung paano makibahagi sa responsibilidad ng pangunguna at ang pagpapasakop at pagsunod sa Diyos

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ating matututunan sa buhay ni Aaron?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries