Tanong
Sino o ano si Abadon/Apolyon?
Sagot
Ang pangalang ‘Abadon’ o ‘Apolion’ ay mababasa sa Pahayag 9:11: “Ang pinuno nila'y ang anghel na bantay sa napakalalim na hukay. Ang kanyang pangalan sa wikang Hebreo ay Abadon, at sa wikang Griego'y Apolion.” Sa Hebreo, ang salitang Abadon ay nangangahulugang “lugar ng pagkawasak”; ang titulong Griyego naman ay literal na nangangahulugang “Ang tagapagwasak.”
Sa Pahayag 8 hanggang 9, inilarawan ni Juan ang yugto ng panahon sa mga huling araw kung kailan hihipan ng mga anghel ang pitong trumpeta na siyang hudyat sa pagdating ng pitong hatol ng Diyos sa mga tao sa mundo. Nang hipan ng ikalimang anghel ang kanyang trumpeta, Binuksan ng bituin ang napakalalim na hukay at may lumabas na makapal na usok mula roon, tulad sa usok ng isang malaking hurno, kaya't nagdilim ang araw at ang himpapawid. Mula sa usok ay may naglabasang mga balang na kumalat sa lupa (Pahayag 9:1–3). Binigyan ang mga nilalang na ito ng kapangyarihan upang pahirapan ang sinuman na hindi nagtataglay ng tatak ng Diyos (talata 4). Napakasakit ng daranasin ng mga tao na anupa’t hihilingin na nilang mamatay, ngunit hindi iyon ipagkakaloob sa kanila (talata 6). Ang Abadon/Apolion ay ang pinuno sa napakalalim na hukay at ang hari ng mga balang na pakawala ng mga demonyo.
Ang Abadon/Apolion ay laging ginagamit na isa sa mga pangalan para kay Satanas. Gayunman, tila ipinapahiwatig sa Bibliya na may pagkakaiba sa pagitan ni Satanas at Apolion. Makikita nating muli si Satanas ng ikulong ito sa loob ng isanlibong (1,000) taon sa Pahayag 20:1–3. Pagkatapos ay pinakawalan siya upang gumawa ng kaguluhan at pagkawasak sa mundo (talata 7–8) at sa wakas, tatanggapin niya ang walang hanggang parusa ng Diyos (talata 10). Maaaring si Abaddon/Apolion ay isa sa mga pangunahing kampon ni Satanas, isang demonyo na may kakayahang mangwasak at isa sa “mga pinuno,” “mga maykapangyarihan,” o “mga tagapamahala” sa himpapawid na binanggit sa Efeso 5:12.
Inilarawan sa klasikong alegorya ni John Bunyan na pinamagatang ‘The Pilgrim’s Progress’ ang isang hindi malilimutang eksena ng pakikipaglaban ni “Kristiyano” sa isang demonyong halimaw na nagngangalang Apolion. Totoo sa pangalan nito, muntik ng mapatay ng demonyong ito si “Kristiyano.” Nakayanan ng manlalakbay na si “Kristiyano” ang pagatake ng demonyo ng gamitin niya ang kanyang tabak upang itaboy ang halimaw. Ginamit ni Bunyan si ‘Apolion’ bilang isang simbolo ng ating espiritwal na kaaway ngunit ang pinagkunan ng karakter ay literal. Ang Abaddon/Apolion sa aklat ng Pahayag ay tunay na nilalang na isang araw ay magdudulot ng sakit sa mga tao sa panahon ng paghatol ng Diyos sa sangkatauhan.
English
Sino o ano si Abadon/Apolyon?