Tanong
Paano gagaling at makakabangon ang isang babae na nakaranas ng aborsyon?
Sagot
Nakakalungkot isipin na isang karaniwang karanasan na lamang ang magpalaglag at magsisi pagkatapos. Bagamat hindi na maibabalik pa ang buhay ng nawalang sanggol, maaaring makaranas ng kagalingan at makabangong muli ang isang babaeng nakaranas ng aborsyon. Kaya ng Diyos ng lahat ng kaaliwan at kagalingan na pawiin ang pagdadalamhati at sakit na dulot ng aborsyon at muling ibalik ang kagalakan sa buhay ng mga nahulog sa kasalanang ito.
Bagamat laging pagpapala ang mga bata, hindi sila laging dumarating sa magandang sitwasyon. Ang isa sa mga konsekwensya ng pagtatalik ng hindi pa kasal ay ang hindi inaasahang pagbubuntis. Maaaring ito ay isang nakakatakot na karanasan para sa isang taong hindi pa handa sa mga responsibilidad, sa pinansyal, emosyonal at pisikal. Maraming babae at mga kabataan ang nagdesisyon na magpalaglag ang natatakot, nalilito, desperado at pinanghihinaan ng loob. Sa paghahanap nila ng solusyon sa kanilang problema, nalinlang sila sa paniniwala na ang mga mga hindi pa isinisilang na bata ay isa lamang namuong laman o tisyu at hindi pa isang ganap na tao. Kadalasang nauunawaan na lamang nila ito pagkatapos at ang bunga ay pagkabagabag, paguusig ng budhi at depresyon.
May magandang balita para sa sinuman na nagpalaglag at ito ay ang kapatawaran ng Diyos sa sinumang magsisisi sa kanilang mga kasalanan. Sinasabi sa Roma 3:22, “Pinapawalang-sala ng Diyos ang lahat ng sumasampalataya kay Jesu-Cristo, sa pamamagitan ng kanilang pananalig sa kanya, maging Judio man o Hentil.” Hindi pa huli ang lahat upang lumapit sa Diyos para sa kagalingan. Walang malaking kasalanan na hindi kayang patawarin ng Diyo. Ipinagkakaloob ang Diyos ng kapatawaran gayundin ang kapayapaan ng puso at isip, kung tatanggapin natin ito sa pamamagitan ng paglalagak ng pananampalataya sa Panginoong Hesu Kristo. Siya ang mananahan at maghahari sa ating buhay sa pamamagitan ng Banal na Espiritu.
May ilang Kristiyano ang nagpalaglag dahil sa takot na itakwil ng kanilang mga kapwa mananampalataya kung malalaman na sila ay nabuntis ng hindi pa kasal. Kahit na alam ng isang Krstiyano na kasalanan sa Diyos ang pagpapalaglag, maaaring dahil sa pagiging desperado, nadama niya na kailangan niyang tanggalin ang “ebidensya” ng kanyang pagkakasala. Maaaring ito ay dahil hindi ginagampanan ng Iglesya ang responsibilidad nito sa mga babaeng nasa ganitong sitwasyon na tulad sa inaasahan sa mga lider ng Iglesya. Mahalaga na tiyakin sa mga babaeng ito na bagamat hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang kanilang ginawang aksyon, handa Niya silang patawarin at iligtas sa kanilang kalagayan. Ganito rin ang isyu sa mga babaeng Kristiyano na dati ng nagpalaglag ng kanilang sanggol. Oo, mali nga ito. Ito ay pagpatay, ngunit hindi ito isang kasalanang walang kapatawaran. Sinasabi ng Bibliya na wala ng anumang hatol na kaparusahan para sa mga na kay Kristo (Roma 8:1), kaya sa tuwing humihingi tayo ng tawad sa Kanya, lagi Niya tayong pinatatawad sa ating mga kasalanan. Ipinagkakaloob Niya ang kapatawaran ng walang bayad, hindi dahil karapat dapat tayo sa kapatawaran, kundi dahil ito ang kalikasan ng ating Panginoon.
Kadalasan, kung matanto ng isang babae ang mga konsekwensya ng pagpapalaglag, nahihirapan siyang mapatawad ang kanyang sarili. Ngunit hindi nais ng Diyos na mamuhay tayo sa sa paguusig ng budhi sa habampanahon. Nais Niya na matuto tayo sa ating mga pagkakamali at gamitin natin ang mga iyon sa ating ikabubuti. Kailangan ang maraming panalangin, na isang simpleng pagpapaabot sa Diyos ng ating mga saloobin at kabigatan. Makakatulong ito, maging ang pagaaral ng Salita ng Diyos upang lumalim ang pagkakilala natin sa Diyos at maging handa sa paggawa ng Kanyang kalooban para sa ating buhay. Sa halip na ituon ang isip sa nakalipas, dapat na magkaroon ng lakas ng loob ang isang babaeng nakaranas magpalaglag na gamitin ang kanyang karanasan upang tulungan ang iba. Maaaring kinakailangan muna niyang dumaan sa pagpapayong Kristiyano upang makabangon sa kanyang mapait na karanasan. Ngunit pagkatapos ng lahat, kung magtitiwala siya sa Panginoon, mas magiging malakas at maunlad siya sa kanyang pananampalataya. Dumaan siya sa isang karanasan na gagamitin ng Diyos upang magpalakas at magministeryo sa iba.
English
Paano gagaling at makakabangon ang isang babae na nakaranas ng aborsyon?