Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa aborsyon o pagpapalaglag?
Sagot
Hindi partikular na tinukoy sa Bibliya ang isyu ng aborsyon. Gayun pa man, napakaraming mga talata sa Bibliya ang malinaw na nagpapakita kung ano ang pananaw ng Diyos tungkol sa aborsyon. Sinasabi sa atin ng Jeremias 1:5 na kilala na tayo ng Diyos sa simula pa at Siya ang humuhugis sa atin sa tiyan ng ating ina. Ipinahayagi naman ng Mga Awit 139:13-16 ang aktibong pagkilos ng Diyos sa paglikha at paghugis sa kaanyuan ng bata sa tiyan ng kanyang ina. Sa Exodo 21:22-25 naman ay ipinahayag ang hatol na kamatayan sa sinumang magiging dahilan ng kamatayan ng sanggol na nasa tiyan pa lamang ng kanyang ina. Ito ay malinaw na nagtuturo na itinuturing ng Diyos ang sanggol sa tiyan ng ina na gaya sa isang matanda na mayroon ng sapat na pag-iisip. Para sa mga Kristiyano, ang pagpapalaglag ay hindi maituturing ng karapatan ng ina upang mamili. Ito ay patungkol sa buhay o kamatayan ng isang tao na ginawa ayon sa wangis ng Diyos (Genesis 1:26-27; 9:6).
Ang unang argumento upang ipagtanggol ang aborsyon ay ang tanong na: "Paano kung ang ina ay biktima ng panggagahasa ng ibang tao o ng sariling kapamilya?" Ang pagpatay ba sa sanggol sa sinapupunan ang solusyon sa karimarimarim na nangyari sa isang babae? Hindi ba nakakapanghilakbot din ang pagpatay ng isang inosenteng sanggol sa sinapupunan? Ang isang kasalanan ay hindi puwedeng itama ng isa pang kasalanan. Ang bata na bunga ng panggagahasa ng ibang tao o ng sariling kapamilya ay maaaring ampunin ng mag-asawang hindi magkaanak upang magkaroon sila ng sariling pamilya o kaya nama'y palakihin siya ng kanyang sariling ina. Ang bata ay walang kinalaman sa lahat ng nangyari at hindi siya ang kailangang magdusa sa kasalanang nagawa ng kanyang ama.
Ang isa pang argumento sa pagtataguyod ng aborsyon ay kung nakataya ang buhay ng ina. Sa totoo lang, ito ang isa sa pinakamahirap na sitwasyon patungkol sa isyu ng aborsyon. Una, dapat nating tandaan na ang ganitong sitwasyon ay napakaliit lamang na porsyento sa mga kaso ng aborsyon na nagaganap sa buong mundo. Mas maraming aborsyon ang isinasagawa upang iwasan ang mga obligasyong kalakip ng pagsisilang ng sanggol kaysa sa protektahan sariling buhay ng isang ina. Ikalawa, tandaan natin na ang Diyos ay Diyos ng himala. Kaya Niyang ingatan ang buhay ng ina at ng sanggol sa kanyang sinapupunan sa kabila ng hatol ng mga doktor. Sa huli, ang ganitong kaso ito ay mapapagpasyahan lamang sa pagitan ng mag asawa at ng Diyos. Ang sinumang mag asawa na humaharap sa ganitong napakahirap na sitwasyon ay nararapat na manalangin ng taimtim upang bigyan sila ng karunungan ng Diyos sa gagawing pagpapasya (Santiago 1:5).
Mahigit sa 95 porsyento ng aborsyon ang isinasagawa sa panahon ngayon dahilan lamang sa ayaw pa na magkaroon ng anak. Kulang sa 5 porsyento lamang ng aborsyon ang isinasagawa dahil sa kaso ng panghahalay, o kaya nama'y dahil sa panganib sa buhay ng ina. Kahit sa 5 porsyentong nabanggit, hindi dapat na maging pangunahing solusyon ang aborsyon. Ang lahat ng pagsisikap na iligtas ang buhay ng isang tao sa tiyan ng ina ay kalugod lugod sa paningin ng Diyos.
Para sa mga nakapag sagawa na ng aborsyon, tandaan na ang aborsyon ay katulad din ng ibang kasalanan na kayang patawarin ng Diyos. Sa pamamagitan ng pananampalataya at paghingi ng tawad sa Panginoong Hesu Kristo, lahat ng kasalanan maliban sa pamumusong sa Espiritu ay mapapatawad (Juan 3:16; Roma 8:1; Colosas 1:14). Ang isang babae na nagpalaglag ng sanggol, ang isang lalaki nagmungkahi sa aborsyon at ang doktor na nagsagawa ng aborsyon, silang lahat ay kayang patawarin ng Diyos kung sila ay taus-pusong magisisi sa kanilang mga kasalanan at mananampalataya sa Panginoong Hesu Kristo.
English
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa aborsyon o pagpapalaglag?