Tanong
Ang pagpapalaglag o aborsyon ba ay intensyonal na pagpatay (murder)?
Sagot
Ang paksa tungkol sa aborsyon o pagpapalaglag ng sanggol ay maaaring isa sa pinaka kontrobersyal at pinakamainit na isyu sa ating panahon. Kailangan ang katapangan para sa paghahanap ng tapat na sagot sa tanong na “Ang pagpapalaglag o aborsyon ba ay intensyonal na pagpatay?” lalo’t higit para sa mga sumailalim sa pagpapalaglag o sila mismo ay nagpalaglag ng kanilang sanggol sa nakalipas. Malinaw ang Bibliya tungkol sa katotohanan na mali ang pagpatay (Exodo 20:13). Gayunman, sa ilang pagkakataon at sitwasyon, hindi ipinagbabawal ng Bibliya ang pagpatay. Inaasahan ang mga sundalo na kumakatawan sa kanilang bansa na pumatay ng mga sundalo ng kalabang bansa (Josue 11:20). Hindi ito intensyonal na pagpatay. Pinapatay din ang mga hayop para sa pagkain at paghahandog (Exodo 24:5; Genesis 9:3–4). Hindi rin ito intensyonal na pagpatay.
Pinakahuluganan ang intensyonal na pagpatay bilang “pagpatay na hindi naaayon sa batas, pinagisipang pagpatay ng isang tao sa kanyang kapwa tao.” Ang intensyonal na pagpatay ay pagpatay ng hindi naaayon sa batas - ito ay kung ginawa ito dahil sa paghatol ng isang tao sa kanyang kapwa tao para sa personal na kadahilanan. Paulit-ulit na kinokondena ng Bibliya ang pagpatay bilang katangian ng isang makasalanang sosyedad (Deuteronomio 5:17; Isaias 1:21; Oseas 4:2; Mateo 5:21). Sa pagtukoy kung ang aborsyon o pagpapalaglag ay intensyonal na pagpatay, dalawang kunsiderasyon ang dapat na isaalang-alang: Una, ang fetus ba sa sinapupunan ay isa ng aktwal na sanggol, at ikalawa, kung ang fetus ay isang sanggol, ang pagpapalaglag ba ay hindi matatawag na intensyonal na pagpatay dahil sa legal ito sa maraming bansa? Kung ang intensyonal na pagpatay ay pagpatay ng hindi naaayon sa batas, lohikal na masasabi na ang pagpatay ng naaayon sa batas ay hindi intensyonal na pagpatay.
Ang isang dahilan kung bakit ang intensyonal na pagpatay ay hindi naaayon sa batas ay dahil hindi katanggap-tanggap na ang isang tao ang magdesisyon sa magiging kapalaran ng kapwa tao. Sa ilalim ng Batas ng Lumang Tipan, ang isang taong nakapatay ay hindi maaaring patayin malibang may mga saksi laban sa kanya: "Sinomang pumatay sa kaninoman, ay papatayin ang pumatay sa patotoo ng mga saksi: nguni't ang isang saksi ay hindi makapagpapatotoo laban sa kaninomang tao upang patayin” (Bilang 35:30). Sa digmaan, hindi dapat na magdesisyon ang mga sundalo na pumatay para sa kanilang sariling layunin, kundi pumapatay sila para sa interes ng kanilang bansa - kung ipinagtatanggol nila ang isang kagalang galang na bansa - upang protektahan ang mga inosenteng mamamayan mula sa masamang banta ng mga kaaway. Naiiba ang pagpapalaglag. Ang pagpapalaglag o aborsyon ay pagpatay base sa pagpili at paghusga ng isang ina, na siyang dahilan upang ituring ito na intensyonal na pagpatay. Ngunit kung ang fetus ay hindi pa ganap na tao - kung ang fetus ay isa pa lamang masa ng tisyu na wala pang buhay - ang pagpapalaglag ba ay hindi maituturing na pagpatay?
Ang tanong ay, ang fetus ba ay isa ng ganap na tao o hindi? Kung biolohiya ang paguusapan, ang buhay ng tao ay naguumpisa sa pagbubuntis. Sa oras na magsanib ang itlog ng ina at punla ng ama, lumilikha sila ng bagong DNA na personal at natatangi. Ang DNA ay kodigo ng mga itinakdang impormasyon at ang pinagbabatayan para sa pagbuo at paglaki ng tao. Wala ng iba pang materyales ang dapat na idagdag; ang zygote sa sinapupunan ng ina ay isa ng ganap na tao. Ang pagkakaiba sa isang fetus at sa sinuman sa atin ay ang edad, lokasyon, at antas ng pagiging depende sa iba. Kung magpalaglag ang isang ina habang nasa proseso ng paglaki ang fetus sa kanyang sinapupunan, winawakasan niya ang isang natatanging buhay.
Malinaw na itinuturo sa Bibliya na nagsisimula ang buhay ng tao sa sinapupunan ng ina. Sinabi ni Samson, “sapagka't ako'y naging Nazareo sa Dios mula sa tiyan ng aking ina” (Hukom 16:17). Tinutukoy niya ang kanyang sarili at sinasabi na nakatalaga na ang plano ng Diyos para sa Kanya - na maging isang Nazareo - kahit na hindi pa siya isinisilang. Sinabi ni David, “Sapagka't iyong inanyo ang aking mga lamang loob: iyo akong tinakpan sa bahay-bata ng aking ina” (Awit 139:13). Muli, makikita natin na tinutukoy niy David ang kanyang sarili bilang isa ng ganap na tao sa sinapupunan pa lamang ng kanyang ina. Idinugtong pa ni David, “Nakita ng iyong mga mata ang aking mga sangkap na di sakdal, at sa iyong aklat ay pawang nangasulat, kahit na ang mga araw na itinakda sa akin, nang wala pang anoman sa kanila” (Awit 139:16). Sinasabi ni David na itinakda na ng Diyos ang lahat ng mangyayari sa kanyang buhay kahit nasa tiyan pa lamang siya ng kanyang ina. Muli, ang ebidensyang ito ay nagpapatunay na naguumpisa ang pagiging tao sa sinapupunan ng ina sa halip na sa oras na mailuwal na ang sanggol. Makikita natin ang parehong katotohanan na ito sa buhay ng hindi pa isinisilang na si Jeremias: “Bago kita inanyuan sa tiyan ay nakilala kita, at bago ka lumabas sa bahay-bata ay pinapaging banal kita; inihalal kitang propeta sa mga bansa” (Jeremias 1:5).
Itinuturing ng Bibliya ang isang fetus bilang isang ganap na tao na hindi pa isinisilang, isang taong ayon sa plano ng Diyos na Kanyang binubuo sa proseso ng pagbubuntis. Dahil dito, hindi talaga mahalaga kung ano ang sinasabi ng batas ng tao o kung gaano man katanggap-tanggap ang aborsyon ayon sa batas at pananaw ng tao. Ang batas ng Diyos ang dapat na masunod. Ang isang ina na nagdesisyon na ipalaglag ang kanyang sanggol ay mag-isang gumagawa ng desisyon upang wakasan ang buhay ng isa pang tao - at laging ito ang kahulugan ng intensyonal na pagpatay sa kasaysayan. English
Ang pagpapalaglag o aborsyon ba ay intensyonal na pagpatay (murder)?