Tanong
Ano ang ating matututunan sa buhay ni Abraham?
Sagot
Maliban kay Moises, walang ibang tauhan sa Lumang Tipan ang maraming beses na binanggit sa Bagong Tipan na katulad ni Abraham. Tinukoy ni Santiago si Abraham bilang "kaibigan ng Diyos" (Santiago 2:23), isang titulo na hindi ginamit para kaninuman sa Kasulatan. Ang lahat na mananampalataya sa lahat ng henerasyon ay tinatawag na mga "mga anak ni Abraham" (Galacia 3:7). Ang kahalagahan ng buhay ni Abraham sa kasaysayan ng pagliligtas g Diyos sa sangkatauhan ay malinaw na makikita sa Kasulatan.
Malaking bahagi ng Genesis ang tumalakay sa buhay ni Abraham mula sa Genesis 11:26 hanggang sa kanyang kamatayan sa Genesis 25:8. Bagama't marami tayong alam tungkol sa buhay ni Abraham, kakaunti lamang ang ating alam tungkol sa kanyang kapanganakan at kabataan. Una nating makikilala si Abraham sa Bibliya noong siya ay 75 taong gulang na. Itinala sa Genesis 11:28 ang tungkol sa ama ni Abraham na si Terah, na nakatira sa Ur, isang mahalagang siyudad sa Timog ng Mesopotamia malapit sa Ilog Eufrates may kalahati ang layo sa pagitan ng itaas ng gulpo ng Persia at ng makabagong siyudad ng Baghdad Iraq. Natutunan din natin na isinama ni Terah ang kanyang pamilya at naglakbay patungo sa Canaan ngunit hindi siya tumuloy, sa halip nanirahan siya sa lungsod ng Haran sa Hilaga ng Mesopotamia (sa daan ng kalakalan sa pagitan ng Ninive at Damasco).
Nagsimulang maging kawili-wili ang kuwento ng buhay ni Abraham sa pasimula ng Genesis 12. Sa unang tatlong talata, makikita natin ang pagtawag ng Diyos kay Abraham: "Sinabi ni Yahweh kay Abram, "Lisanin mo ang iyong bayan, ang tahanan ng iyong ama at mga kamag-anak, at pumunta ka sa bayang ituturo ko sa iyo. Pararamihin ko ang iyong mga anak at apo at gagawin ko silang isang malaking bansa. Pagpapalain kita, at gagawin kong dakila ang iyong pangalan at ikaw ay magiging pagpapala sa marami. Ang sa iyo'y magpapala ay aking pagpapalain, at ang sa iyo'y sumumpa ay aking susumpain; sa pamamagitan mo, lahat ng mga bansa sa daigdig ay aking pagpapalain" (Genesis 12:1-3).
Tinawag ng Diyos si Abraham sa kanyang tahanan sa Haran at sinabihan siya na pumunta sa isang lupain na Kanyang sasabihin sa kanya. Ibinigay din ng Diyos kay Abraham ang tatlong pangako: 1) Ang pangako para sa isang lupain para sa kanyang lahi; 2) Ang pangako na gagawin siyang isang malaking bansa; at 3) Ang pangako ng pagpapala. Ang mga pangakong ito ng Diyos kay Abraham ang basehan natin para sa tinatawag na "Tipan ng Diyos kay Abraham" (na itinatag at pinagtibay sa Genesis 17). Ang dahilan sa pagiging espesyal ni Abraham ay ang kanyang pagiging masunurin sa Diyos. Itinala sa Genesis 12:4 na pagkatapos na tawagin ng Diyos si Abraham, "Sumunod nga si Abram sa utos ni Yahweh." Ginamit ng manunulat ng Hebreo si Abraham bilang halimbawa ng pananampalataya ng ilang beses at partikular na tinukoy sa ganitong kahanga-hangang gawa: "Dahil sa pananampalataya, sumunod si Abraham nang siya'y utusan ng Diyos upang pumunta sa isang lupaing ipinangako sa kanya. Sumunod nga siya, kahit hindi niya alam kung saan siya pupunta" (Hebreo 11:8).
Ilan sa atin ang maaaring iwanan ang lahat sa ating buhay para pumunta sa isang hindi tiyak na destinasyon. Ang konsepto ng pamilya ay napakahalaga para sa isang taong nabubuhay sa panahon ni Abraham. Sa panahong iyon, napakalapit ng relasyon ng magkakapamilya sa isa't isa; at hindi normal sa magkakasambahay na mamuhay ng daan-daang milya ang agwat sa isa't isa. Bilang karagdagan, hindi sinabi sa atin ang tungkol sa buhay relihiyon ni Abraham at ng kanyang pamilya bago siya tawagin ng Diyos. Ang mga tao sa Ur at Haran ay sumasamba sa mga diyus-diyusan ng sinaunang Babilonia na isang paganong bansa, partikular sa diyos ng buwan na tinatawag na 'Sin.' Kaya nga tinawag ng Diyos si Abraham mula sa isang paganong kultura. Alam ni Abraham at kinilala ang tawag ni Yahweh, ang Panginoon at buong puso siyang sumunod ng walang pagaalinlangan.
Ang isa pang halimbawa ng pananampalataya sa buhay ni Abraham ay makikita sa kapanganakan ng kanyang anak na si Isaac. Walang anak sina Abraham at Sarah (na itinuturing na isang kahihiyan ng panahong iyon), ngunit ipinangako ng Diyos kay Abraham na magkakaroon sila ng anak (Genesis 15:4). Ang anak na ito ang magiging tagapagmana ng malaking kayamanan ni Abraham na ipinagkaloob sa kanya ng Diyos, at ang pinakamahalaga, ang magiging tagapagmana ng pangako ng Diyos at ang magpapatuloy sa makadiyos na lahi ni Set. Sumampalataya si Abraham sa pangako ng Diyos at ibinilang ng Diyos ang kanyang pananampalataya na katuwiran (Genesis 15:6).Inulit ng Diyos ang Kanyang pangako kay Abraham sa Genesis 17, at ginantimpalaan ang pananampalataya ni Abraham sa Genesis 21 sa pamamagitan ng pagsilang ni Isaac.
Masusubok ang pananampalatataya ni Abraham patungkol kay Isaac. Sa Genesis 22, inutusan ng Diyos si Abraham na ihandog si Isaac bilang handog na susunugin sa tuktok ng bundok ng Moriah. Hindi natin alam kung ano ang saloobin ni Abraham sa utos na ito ng Diyos. Ang makikita lamang natin ay ang kanyang tapat na pagsunod sa utos na ito ng Diyos na kanyang kalasag (Genesis 15:1) na naging mabuti at sagana ang biyaya sa kanya hanggang sa puntong ito. Gaya ng naunang pagsunod niya sa Diyos ng iwanan niya ang kanyang pamilya at tahanan, sumunod si Abraham sa Diyos (Genesis 22:3). Alam natin na nagwakas ang pagsubok na ito sa pagpigil ng Diyos kay Abraham sa paghahandog nito ng kanyang anak ngunit napakasakit ng naranasan ni Abraham. Matagal siyang naghintay para magkaroon ng sariling anak at ang Diyos mismo na nangako at nagbigay sa kanya ang kukuha nito. Ang punto sa kuwentong ito ay mas malaki ang pananampalataya ni Abraham sa Diyos kaysa sa kanyang pag-big sa kanyang anak, at nagtiwala siya sa Diyos na kaya Niyang buhayin si Isaac kahit na patayin niya ito (Hebreo 11:17-19).
May mga sandali rin ng kahinaan at kasalanan si Abraham (gaya nating lahat), at hindi iniwasang itala ang mga kasalanang iyon sa Bibliya. Alam natin na sa dalawang okasyon, nagsinungaling si Abraham patungkol sa kanyang relasyon kay Sarah para protektahan ang kanyang sarili sa potensyal na panganib (Genesis 12:10-20; 20:1-18). Sa parehong insidente, iningatan at pinagpala ng Diyos si Abraham sa kabila ng kanyang kawalan ng pananampalataya. Alam din natin ang kanyang naranasang pagkainip dahil sa hindi nila pagkakaroon agad ng anak ni Sarah, nagkaroon si Abraham ng anak sa alipin ng kanyang asawa na si Hagar. Iminungkahi ni Sarah kay Abraham na sipingan nito ang kanyang aliping si Hagar. Pumayag naman si Abraham (Genesis 16:1-15). Ang kapanganakan ni Ishmael ay hindi lamang inilalarawan ang kahangalan at kakulangan ng pananampalataya ni Abraham kundi maging ng biyaya ng Diyos (sa pagpapahintulot sapagsilang ni Ishmael at maging sa pagpapala kay Ishmael). Kapansin-pansin na tinatawag na Abram at Sarai sina Abraham at Sarah ng panahong iyon. Ngunit ng 13 taong gulang na si Ishmael, binigyan ng Diyos si Abraham ng bagong pangalan maging ng tipan ng pagtutuli at sinariwa ang Kanyang pangako na bibigyan Niya ito ng isang anak sa pamamagitan ni Sarai, na bibigyan din ng Diyos ng bagong pangalan (Genesis 17). Ang kahulugan ng pangalang Abram ay "mataas na ama," na ginawang Abraham, na ang ibig sabihin ay "ama ng maraming bansa." Tunay na nagkaroon si Abraham ng napakaraming pisikal na mga inapo, at ang lahat ng maglalagak ng pananampalataya sa Diyos sa pamamagitan ni Jesus ay ibinibilang din na espiritwal na tagapagmana ni Abraham (Galacia 3:29). Ang "Ama ng mga Tapat" ay nakaranas din ng mga sandali ng pagdududa at kawalan ng pananampalataya, ngunit itinaas siya ng Diyos sa lahat tao bilang isang halimbawa ng isang buhay na tapat sa Diyos.
Ang isang malinaw na aral na makukuha sa buhay ni Abraham ay dapat tayong mabuhay sa pananampalataya. Nakaya ni Abraham na dalhin si Isaac at nakahanda siyang ihandog ito sa Diyos sa Bundok ng Moriah dahil alam niyang tapat ang Diyos sa Kanyang mga pangako. Ang pananampalataya ni Abraham ay hindi isang bulag na panananampalataya kundi isang pananampalataya na may katiyakan at pagtitiwala sa Diyos na pinatunayan ang kanyang sarili na tapat at totoo. Kung lilingon tayo sa ating nakalipas, makikita natin sa kabuuan ang pagkilos ng probidensya ng Diyos. Hindi kailangan ng Diyos na bisitahin tayo kasama ang Kanyang mga anghel o magsalita sa atin sa pamamagitan ng isang nagliliyab na puno o hatiin ang dagat para maging aktibo sa ating mga buhay. Minsan, hindi natin nakikita ang pagkilos ng Diyos ngunit ang buhay ni Abraham ay isang ebidensya na tunay ang presensya ng Diyos sa ating mga buhay. Maging ang mga kabiguan ni Abraham ay nagpapakiya na habang hindi tayo pinoprotektahan ng Diyos minsan sa konsekwensya ng ating mga kasalanan, mabiyaya Niyang ginaganap ang Kanyang kalooban sa atin at sa pamamagitan natin; walang anuman sa ating ginagawa ang makakahadlang sa Kanyang mga plano.
Ipinakikita rin sa atin ng buhay ni Abraham ang pagpapala ng simpleng pagsunod. Nang utusan siya ng Diyos na iwanan ang kanyang pamilya, agad na sumunod si Abraham. Nang utusan siya ng Diyos na ihandog si Isaac, "maagang bumangon si Abraham kinaumagahan" para gawin iyon. Mula sa ating makikita sa salaysay ng Bibliya, walang pagaalinlangan si Abraham sa kanyang pagsunod. Gaya ng marami sa atin, maaaring naghirap ang kalooban ni Abraham sa mga desisyong iyon, ngunit ng kailangan na niyang kumilos, kumilos siya. Kung nararanasan natin ang isang tunay na pagtawag mula sa Diyos o nababasa ang kanyang tagubilin sa Kanyang mga salita, dapat tayong kumilos. Ang pagsunod sa Diyos kung mayroon Siyang iniuutos ay hindi isang pagpipilian.
Makikita din natin mula sa buhay ni Abraham kung ano ang isang buhay na may aktibong relasyon sa Diyos. Habang mabilis si Abraham sa pagsunod, hindi siya nahiyang magtanong sa Dios. Sumampalataya sa Diyos si Abraham na bibigyan sila ni Sarah ng anak ngunit nagtanong siya sa Diyos kung paano iyon mangyayari gayong matanda na sila at baog pa si Sarah (Genesis 17:17–23). Sa Genesis 18 mababasa natin ang tala kung saan namagitan si Abraham para sa Sodoma at Gomora. Sinang-ayunan ni Abraham na banal at makatarungan ang Diyos at hindi niya maubos-maisip kung paano Niya lilipulin ang mga matuwid na kasama ng masasama. Hiniling niya sa Diyos na iligtas mula sa makasalanang siyudad ang limampung matuwid at nagpatuloy siya sa pagtawad sa Diyos hanggang sa umabot sa sampu. Sa huli, natanto ni Abraham na walang kahit na sampung taong matuwid sa Sodoma, ngunit iniligtas din ng Diyos ang pamangkin ni Abraham na si Lot at ang pamilya nito (Genesis 19). Kapansin pansin na inihayag ng Diyos kay Abraham ang kanyang plano bago Niya lipulin ang dalawang siyudad at sinagot Niya ang mga tanong ni Abraham. Ipinapakita ng halimbawa ni Abraham kung paano magtanong sa Diyos patungkol sa Kanyang mga plano, mamagitan para sa iba, magtiwala sa katarungan ng Diyos, at magpasakop sa Kanyang kalooban.
Ang paminsan-minsang pagbagsak ni Abraham sa pananampalataya, partikular sa sitwasyon ni Hagar at Ishmael ay nagpapakita sa atin ng kahangalan ng pagtatangkang ilagay sa ating sarilng mga kamay ang katuparan ng pangako ng Diyos. Ipinangako ng Diyos kina Abraham at Sarah ang isang anak, ngunit dahil sa kanilang pagkainip, naranasan nila ang konsekwensya ng gumawa sila ng sariling paraan para magkaroon ng tagapagmana si Abraham. Una, nagkaroon ng awayan sa pagitan nina Hagar at Sarah at kalaunan sa pagitan nina Isaac at Ishmael. Ang mga inapo ni Ishmael ay naging mortal na kaaway ng bayan ng Diyos, gaya ng natutunan natin sa mga salaysay ng Lumang Tipan, at nagpatuloy ito hanggang sa kasalukuyan sa awayan sa pagitan ng Israel at ng mga Muslim na karatig-bansa. Hindi natin kayang tuparin ang kalooban ng Diyos sa ating sariling lakas; ang ating mga pagsisikap ay tiyak na magiging dahilan ng mga problema na hindi natin kayang lutasin. Ang aral na ito ay may malawak na paglalapat sa ating mga buhay. Kung ipinangako sa atin ng Diyos ang isang bagay, dapat tayong maging tapat at matiyaga at maghintay sa Kanya para sa Kanyang pagganap sa mga pangakong iyon sa Kanyang itinakdang panahon.
Kung teolohiya ang paguusapan, ang buhay ni Abraham ay isang buhay na halimbawa ng doktrina ng pananampalataya lamang o pagpapawalang sala sa pamamagitan lamang ng pananampalataya. Dalawang bses na ginamit ni apostol Pablo si Abraham bilang halimbawa ng napakahalagang doktrinang ito. Sa aklat ng Roma, inilaan ni Pablo ang buong ikalabing-apat na kabanata sa paglalarawan sa doktrina ng pagpapawalang sala sa pamamagitan ng pananampalataya sa pamamagitan ng buhay ni Abraham. Ginamit din ang parehong argumento sa aklat ng Galacia kung saan ipinakita ni Apostol Pablo sa pamamagitan ng buhay ni Abraham na ang mga hentil ay kasamang tagapagmana ng mga Hudyo sa mga pagpapala ni Abraham sa pamamagitan ng pananampalataya (Galacia 3:6-9, 14, 16, 18, 29). Ang pagpapawalang salang ito ay binanggit sa Genesis 15:6, "Si Abram ay sumampalataya kay Yahweh, at dahil dito, siya'y itinuring ni Yahweh bilang isang taong matuwid." Ang pananampalataya ni Abraham sa mga pangako ng Diyos ay sapat para ideklara siya ng Diyos na matuwid sa Kanyang paningin, at sa gayon ay pinatutunayan ang prinsipyo ng Roma 3:28. Walang ginawa si Abraham para mapawalang sala. Sapat na ang pagtitiwala niya sa Diyos.
Makikita sa pangyayaring ito ang mga gawa ng biyaya ng Diyos ng napakaaga pa sa Lumang Tipan. Hindi nagsimula ang Ebanghelyo sa buhay at kamatayan ni Jesus kundi sa aklat pa ng Genesis. Sa Genesis 3:15, ipinangako ng Diyos na "ïsang binhi ng babae" ang dudurog sa ulo ng ahas. Naniniwala ang mga teologo na ito ang unang pagbanggit sa Bibliya sa Ebanghelyo. Itinala sa Lumang Tipan ang pagsasakatuparan ng Ebanghelyo ng biyaya ng Diyos sa pamamagitan ng lahi na pinangakuan ng Diyos simula sa lahi ni Set (Genesis 4:26). Ang pagtawag ng Diyos kay Abraham ay isa lamang bahagi sa kuwento ng pagtubos ng Diyos. Sinasabi sa atin ni Pablo na unang ipinangaral ang Ebanghelyo kay Abraham, "Bago pa ito nangyari ay ipinahayag na ng Kasulatan na pawawalang-sala ng Diyos ang mga Hentil sa pamamagitan ng pananampalataya. Ang Magandang Balitang ito ay ipinahayag na kay Abraham, "Sa pamamagitan mo'y pagpapalain ang lahat ng bansa" (Galacia 3:8).
Ang isa pang matututunan natin sa buhay ni Abraham ay hindi namamana ang pananampalataya. Sa Mateo 3:9, Lukas 3:8, at Juan 8:39, natutunan natin na hindi sapat na manggaling ang isang tao mula kay Abraham sa pisikal na aspeto para maligtas. Ang aplikasyon nito sa atin ay hindi sapat na lumaki ang isang tao sa isang Kristiyanong pamilya para maligtas at hindi tayo magkakaroon ng relasyon sa Diyos o makakapasok sa langit dahil sa pananampalataya ng ibang tao. Hindi obligasyon ng Diyos na iligtas tayo dahil sa simpleng nanggaling tayo sa isang Kristiyanong pamilya. Ginamit ni Pablo si Abraham para ilarawan ito sa Roma 9 kung saan sinasabi niya na hindi lahat ng nanggaling sa lahi ni Abraham ay pinili ng Diyos para sa kaligtasan (Roma 9:7). Ayon sa walang hanggang kapamahalaan ng Diyos, pumili Siya ng tatanggap ng kaligtasan, ngunit ang kasangkapan para sa kaligtasang ito ay ang parehong pananampalataya na sinanay ni Abraham sa kanyang buhay.
Panghuli, makikita natin na ginamit ni Santiago ang buhay ni Abraham bilang ilustrasyon na ang pananampalatayang walang gawa ay patay (Santiago 2:21). Ang halimbawang kanyang ginamit ay ang kuwento ng paghahandog ni Abraham sa kanyang anak na si Isaac sa bundok ng Moriah. Ang simpleng paniniwala sa isip sa mga katotohanan ng Ebanghelyo ay hindi sapat para maligtas ang isang tao. Dapat na magbunga ang pananampalataya ng mabubuting gawa ng pagsunod para ipakita na ito ay isang buhay na pananampalataya. Ang ganitong uri ng pananampalataya ay sapat para mapawalang sala si Abraham at ituring siya ng Diyos na matuwid sa Kanyang paningin (Genesis 15). Ang parehong pananampalatayang ito ang nagtulak kay Abraham para kumilos sa kanyang pagsunod na ihandog sa Diyos ang kanyang anak na si Isaac. Pinawalang sala si Abraham sa pamamagitan ng pananampalataya, at pinatunayan niya ang kanyang pananampalataya sa pamamagitan ng kanyang mga gawa.
Sa huling pagsusuri, makikita natin na si Abraham ay isang natatanging indibidwal hindi dahil sa kanyang mabubuting gawa o perpektong buhay (dahil mayroon din siyang kahinaan gaya ng ating nalaman), kundi dahil ang kanyang buhay ang naglalarawan sa napakaraming katotohanan ng buhay Kristiyano. Tinawag ng Diyos si Abraham mula sa milyon-milyong tao sa mundo para tumanggap ng Kanyang mga pagpapala. Ginamit ng Diyos si Abraham para gumanap ng isang napakahalagang papel sa pagsasakatuparan Niya ng Kanyang plano ng pagtubos, na nagkaroon ng ganap na katuparan sa pagsilang ni Jesus. Si Abraham ay isang buhay na halimbawa ng pananampalataya at pag-asa sa mga pangako ng Diyos (Hebreo 11:8–10). Dapat nating ipamuhay ang ating mga buhay na sa paghantong natin sa kamatayan, gaya ni Abraham, ang ating pananampalataya ay mananatiling isang magandang patotoo para sa iba.
English
Ano ang ating matututunan sa buhay ni Abraham?