settings icon
share icon
Tanong

Sino si Adan sa Bibliya?

Sagot


Si Adan ang kauna-unahang tao sa mundo (Genesis 1:27; 1 Corinto 15:45). Nilikha siya ng Diyos bilang kauna-unahang tao at inilagay sa hardin ng Eden na ginawa para lamang sa kanya (Genesis 2:8, 10). Si Adan ang ama ng buong sangkatauhan; at ang bawat taong nabuhay sa buong mundo ay direktang nagmula sa lahi ni Adan, at sa pamamagitan ni Adan, nagmana ang lahat ng tao ng makasalanang kalikasan (Roma 5:12).

Nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay maliban kay Adan sa pamamagitan lamang ng Kanyang salita (Genesis 1). Ngunit sa ikatlong araw, gumawa ang Diyos sa kakaibang paraan. Bumaba Siya sa lupa at inanyuan si Adan mula sa lupa (ang pangalan ni Adan ay adamah, ang salitang Hebreo para sa "lupa" o "alabok"). Pagkatapos, hiningahan ng Diyos sa ilong ng Kanyang sariling hininga ang taong Kanyang nilikha, "at ang tao ay naging isang kaluluwang may buhay" (Genesis 2:7). Ang hininga ng Diyos sa tao ang kaibahan ng mga tao sa mga hayop (Genesis 1:26–27). Mula kay Adan, ang lahat ng tao na isinisilang sa mundo ay may imortal na espiritu. Gumawa ang Diyos ng isang nilalang na halos katulad niya anupa't ang tao ay nakakapagisip, nakakapagbulay, nakakaunawa at nakakapili ng daang kanyang lalakaran.

Si Eva, ang unang babae ay ginawa mula sa tadyang ni Adan (Genesis 2:21–22). Inilagay sila ng Diyos sa isang perpektong mundo na may isa lamang bawal: hindi sila dapat kumain ng bunga ng punongkahoy ng kaalaman tungkol sa mabuti at masama (Genesis 2:16–17). Kailangang may kalayaan si Adan na pumili dahil kung wala, hindi magiging ganap na malaya ang tao. Nilikha ng Diyos sina Adan at Eba bilang mga malayang nilalang, at pinahintulutan Niya sila na magpasya ayon sa kanilang malayang kalooban.

Idinetalye sa Genesis 3 ang tala tungkol sa malayang pagpapasya ni Adan na magkasala. Parehong sumuway sa utos ng Diyos sina Adan at Eba at kumain sila ng bunga ng puno na ipinagbabawal ng Diyos (talata 6). Sa isang aksyon ng pagsuway, dinala nila ang kasalanan at ang lahat ng konsekwensya nito sa pepektong mundo ng Diyos. Sa pamamagitan ni Adan, pumasok ang kasalanan sa sanlibutan, at kasabay nito ang kamatayan (Genesis 3:19, 21; Roma 5:12).

Alan natin na si Adan ay isang aktwal na tao, hindi lamang isang alegorya dahil tinukoy siya bilang isang tunay na tao sa buong Bibliya (Genesis 5:1; Roma 5:12–17). Tinunton ng dakilang mananalaysay na si Lukas, ang linya ng lahing pinanggalingan ni Jesus pabalik kay Adan (Lukas 3:38). Bilang karagdagan sa kanyang pagiging isang tunay na tao, si Adan ang modelo para sa lahat ng taong nanggaling sa kanya. Ang mga propeta, saserdote at mga hari na isinilang na may makasalanang kalikasan ay anak lahat ng unang Adan. Si Jesus, na isinilang ng isang birhen at walang kasalanan ay ang "ikalawang Adan" (1 Corinto 15:47). Dinala ng unang Adan ang kasalanan sa mundo; ang ikawalang Adan naman ang nagdala ng buhay (Juan 1:4). Si Jesus, ang ating ikalawang Adan, ang nagbibigay ng ikalawang kapanganakan (Juan 3:3) na may bagong kalikasan at bagong buhay para sa sinumang sumasampalataya (2 Corinto 5:17; Juan 3:16–18). Ang paraisong naiwala ni Adan ay nabawi ni Jesus.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Sino si Adan sa Bibliya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries