settings icon
share icon
Tanong

Ano ang pag-ibig na agape?

Sagot


Ang salitang Griyegong agape ay laging isinasalin sa salitang "pag-ibig" sa Bagong Tipan. Ano ang ipinagkaiba ng pag-ibig na "agape" sa ibang uri ng pag-ibig? Ang esensya ng pag-ibig na agape ay magandang hangarin, walang kundisyon, at sinasadyang pagkalugod sa isang iniibig. Hindi ginamit ang salitang agape sa Bagong Tipan para tukuyin ang romantiko o sekswal na pag-ibig. Hindi rin ito tumutukoy sa malapit na pagkakaibigan o pag-ibig sa kapatid na siyang pinaggagamitan ng salitang Grieyegong philia. Kinapapalooban ang pag-ibig na agape ng katapatan, pagtatalaga, at ng gawang ayon sa kagustuhan. Naiiba ito sa ibang uri ng pag-ibig dahil sa mataas na moral na kalikasan at malakas na karakter nito. Ang pag-ibig na agape ay buong kagandahang inilarawan sa 1 Corinto 13.

Sa labas ng Bagong TIpan, ang salitang agape ay ginamit sa iba't ibang konteksto, ngunit ginamit ito ng Bagong Tipan para sa isang natatanging pakahulugan. Ginamit sa Bagong Tipan ang salitang agape para ilarawan ang pag-ibig ng Diyos at mula sa Diyos na ang mismong kalikasan ay pag-ibig: "… Ang Diyos ay pag-ibig" (1 Juan 4:8). Hindi lamang umiibig ang Diyos; Siya mismo ay pag-ibig. Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay nagmumula sa Kanyang pag-ibig. Inilarawan din ang pag-ibig sa ating pag-ibig para sa Diyos (Lukas 10:27), sa tapat na paggalang ng isang alipin sa kanyang panginoon (Mateo 6:24).

Ang uri ng pag-ibig na nagpapakilala sa Diyos ay hindi isang uri ng pag-ibig na na nakakapagpalutang ng pakiramdam, sentimental o madamdamin na gaya ng paglalarawan ng tao. Umiibig ang Diyos dahil iyon ang Kanyang mismong kalikasan at ang kapahayagan ng Kanyang kalikasan. Iniibig Niya ang hindi kaibig-ibig, hindi dahil karapatdapat tayong ibigin o dahil sa taglay nating magagandang katangian, kundi dahil likas sa Diyos ang umibig at ito ang Kanyang kalikasan.

Laging naipapadama ang pag-ibig na agape sa pamamagitan ng mga gawa. Ang pag-ibig ng Diyos ay napakalinaw na inilarawan doon sa krus. "Subalit napakasagana ng habag ng Diyos at napakadakila ng pag-ibig niya sa atin. Tayo'y binuhay niyang kasama ni Cristo noong tayo'y mga patay pa dahil sa ating pagsuway. Naligtas nga kayo dahil sa kanyang kagandahang-loob" (Efeso 2:4–5). Hindi tayo kaparatdapat para sa ganitong pagpapakasakit, "Ngunit pinatunayan ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang mamatay si Cristo para sa atin noong tayo'y makasalanan pa" (Roma 5:8). Ang pag-ibig ng Diyos (pag-ibig na agape) ay hindi pinagpapaguran, puno ng biyaya, at patuloy na hinahangad ang ikabubuti ng Kanyang iniibig. Sinasabi sa Bibliya na hindi tayo karapatdapat na tumanggap ng Kanyang masaganang pag-ibig (1 Juan 3:1). Ang pag-ibig na ito ng Diyos ang dahilan ng paghahandog ng Anak ng Diyos ng Kanyang buhay doon sa krus para sa Kanyang mga iniibig (Juan 3:16-18).

Dapat nating ibigin ang iba ng pag-ibig na agape, sila man ay ating mga kapwa mananampalataya (Juan 13:34) o mahigpit na kaaway (Mateo 5:44). Isinaysay ni Jesus ang talinghaga tungkol sa Mabuting Samaritano bilang isang halimbawa ng pagpapakasakit para sa kapakanan ng iba, kahit na sa mga taong ni hindi nagmamalasakit sa atin. Ipinamuhay ng Panginoong Jesu Cristo ang pag-ibig na hindi ayon sa pakiramdam; sa halip, ayon sa Kanyang desisyon, isang puno ng kagalakang pagpapasya para sa kapakanan ng iba ng higit sa Kanyang sariling kapakanan.

Hindi natural na nagmumula sa atin ang pag-ibig na agape. Dahil sa ating makasalanang kalikasan, wala tayong kakayahan na umibig ng walang kundisyon. Kung iibig tayo kung paanong inibig tayo ng Diyos – ang pag-ibig na agape – ay maaari lamang magmula sa pinanggalingan nito. Ito ang pag-ibig na ibinuhos ng Diyos sa ating mga puso sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na Kanyang ipinagkaloob sa atin ng tayo'y maging mga anak ng Diyos (Roma 5:5; cf. Galatia 5:22). "Dito natin nalalaman ang pag-ibig: inialay ni Cristo ang kanyang buhay para sa atin. Kaya't dapat din nating ialay ang ating buhay para sa mga kapatid" (1 Juan 3:16). Dahil sa pag-ibig ng Diyos sa atin, kaya din nating umibig sa isa't isa.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang pag-ibig na agape?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries