settings icon
share icon
Tanong

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagka-agas ng sanggol?

Sagot


Maaaring ang isa sa pangkaraniwang tanong na mayroon ang mga tao pagkatapos ng pagka-agas ng isang sanggol ay, “Bakit ito nangyari?” o “Bakit ito ginawa ng Diyos sa akin?” Walang madaling sagot sa mga tanong na ito. Sa katunayan, walang kasiya-siyang konklusyon ang maaaring mabuo kung sinasagot ang tanong na, “Bakit nangyayari ang masasamang bagay sa mga tao lalo na sa mga inosenteng bata na hindi pa man lang nakaranas mabuhay sa mundo?” Dapat nating maunawaan na hindi sa atin kinukuha ng Diyos ang ating mga mahal sa buhay upang parusahan tayo. Sinasabi sa atin sa Bibliya na “wala nang anomang hatol sa mga na kay Cristo Jesus” (Roma 8:1).

Ang pagka-agas ng sanggol ay karaniwang sanhi ng abnormal na kaayusan ng chromosomes sa fetus. Dahil sa abnormalidad na ito, tumitigil ang paglaki ng fetus at ang resulta ay pag-kaagas ng sanggol. Sa ibang pagkakataon, ang pagka-agas ay sanhi ng hindi maayos na pormasyon ng matris, abnormalidad sa hormones, problema sa immune system, malalang impeksyon at mga sakit. Pagkaraan ng libu-libong taon ng kasalanan, kamatayan at pagkawasak, hindi nakapagtataka na ang pagkakaroon ng abnormalidad sa kaayusan ng genes ng tao ay naging pangkaraniwan na lamang.

Hindi binabanggit sa Biblya ang mga dahilan sa biglaang pag-kaagas ng sanggol. Gayunman, nakatitiyak tayo na nahahabag ang Diyos sa mga nakaranas ng ganitong pagsubok. Kasama natin ang Diyos sa ating pagluha at karamay sa ating mga pagdurusa dahil iniibig Niya tayo at alam Niya ang ating mga pinagdadaanan. Ipinangako ni Hesu Kristo, ang Anak ng Diyos, na ibibigay ang Kanyang Banal na Espiritu sa lahat ng mananampalataya upang hindi tayo sumuong sa mga pagsubok ng nagiisa (Juan 14:16). Sinabi ni Hesus sa Mateo 28:20, “ako'y sumasa inyong palagi, hanggang sa katapusan ng sanglibutan.”

Ang sinumang mananampalataya na naagasan ng sanggol ay dapat na magtiwala sa maluwalhating pag-asa na muli nilang makikita ang kanilang anak isang araw. Ang isang hindi pa isinisilang na bata ay hindi lamang isang fetus o “isang piraso ng laman” sa paningin ng Diyos, kundi isang anak. Sinasabi sa Jeremias 1:5 na kilala na Niya tayo kahit noong nasa tiyan pa lamang tayo ng ating ina. Ayon sa Panaghoy 3:33, ”Sapagka't siya'y hindi kusang dumadalamhati, o nagpapapanglaw man sa mga anak ng mga tao.” Ipinangako ni Hesus na iiwanan Niya tayo ng kaloob na kapayapaan na hindi katulad ng kapayapaan na ibinibigay ng mundo (Juan 14:27).

Ipinapaalala sa atin ng Diyos sa Roma 11:36 na ang lahat ng bagay ay umiiral sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos at itinalaga Niya para sa Kanyang kaluwalhatian. Bagamat hindi Niya tayo pinarurusahan sa tuwing may nararanasan tayong pagsubok, pinahihintulutan Niya na mangyari ang mga pagsubok at kahirapan sa ating mga buhay upang magbigay iyon ng kaluwalhatian sa Kanyang pangalan. Sinabi ni Hesus, “Sinabi ko ito sa inyo upang kayo'y magkaroon ng kapayapaan sa pakikipag-isa sa akin. Magdaranas kayo ng kapighatian sa mundong ito, ngunit tibayan ninyo ang inyong loob! Napagtagumpayan ko na ang sanlibutan!” (Juan 16:33).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagka-agas ng sanggol?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries