Tanong
Ano ang teorya ng agwat (gap theory)? Mayroon bang radikal na nangyari sa pagitan ng Genesis 1:1 at Genesis 1:2?
Sagot
Ayon sa Genesis 1:1-2, “Nang pasimula ay nilikha ng Dios ang langit at ang lupa; At ang lupa ay walang anyo at walang laman; at ang kadiliman ay sumasa ibabaw ng kalaliman; at ang Espiritu ng Diyos ay sumasa ibabaw ng tubig.” Ang Teorya ng agwat (gap theory) ay ang pananaw na nilikha diumano ng Diyos na ganap ng gumagana ang mundo kasama ang lahat ng mga hayop, kabilang ang mga dinosaur at iba pang nilalang na nalalaman lang natin ayon sa rekord ng mga nahukay na buto. Ayon sa teoryang ito, pagkatapos ng Genesis 1:1 ay may naganap na pagkawasak sa buong mundo - ang iba ay inaakala na ito ay ang pagbaba ni Satanas sa daigdig - upang wasakin at ubusin ang mga nilikha. Pagkatapos, nagsimula uli ang Diyos mula sa simula, nilikha muli ang mundo sa paraiso nitong anyo na siyang inilalarawan sa Genesis.
Maraming problema sa teoryang ito, isa na dito ay kung may pangyayari ngang naganap na sadyang mahalaga sa pagitan ng Genesis 1:1 at 1:2. Kung mayroon man, tiyak na sinabi ito ng Diyos sa Bibliya. Hindi tayo itutulot ng Diyos sa kamangmangan ukol sa isang napakahalagang pangyayari sa kasaysayan ng mundo. Ikalawa, ipinahayag ng Diyos sa Genesis 1:31 na ang kanyang mga nilikha ay “mabuti,” hindi Niya ito sasabihin kung nakapasok na ang kasamaan sa mundo sa pamamagitan ni Satanas sa “agwat” na sinasabi. Sa nasabi ring pahayag, kung ang mga rekord ng fossils ay nagsasaad ng milyong taong agwat, ito ay nangangahulugan na ang kamatayan, sakit, at pagdurusa ay nangyayari na bago pa man ang pagkahulog ni Adan sa kasalanan. Ngunit ayon sa Bibliya, ang pagkakasala ni Adan ang naging dahilan ng kamatayan, sakit at pagdurusa. “Kaya, kung paano na sa pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanglibutan, at ang kamataya'y sa pamamagitan ng kasalanan” (Roma 5:12).
Ang mga taong naniniwala sa teoryang ito ay naglalayon na pagtugmain ang iba pang teorya ng makabagong siyensya na naniniwala sa teorya ng matandang mundo - ang paniniwala na ang mundo ay bilyong taon na mas matanda kaysa sa pinasama-samang bilang ng mga taon ng mga angkan na matatagpuan sa Bibliya. Maging ang ilan sa mga mahuhusay na mangangaral ng ebanghelyo ay sumang-ayon sa teoryang ito, ang pagintindi nila sa Genesis 1 ay sa patalinghagang paraan, habang tinatangkang bigyan ng literal na interpretasyon ang nalalabing bahagi ng Banal na Kasulatan. Ang panganib dito ay ang pagtukoy kung saan hihinto sa alegorikal na pagpapakahulugan pagkatapos magsimula sa literal na interpretasyon. Si Adan ba ay literal na tao? Paano natin ito malalaman? Kung hindi, totoo bang siya ang nagdulot ng kasalanan sa sangkatauhan, o pati ito ay talinghaga rin lang? At kung walang literal na Adan na nagpakilala sa kasalanan kung saan natin minana ang kasalanan, walang dahilan upang si Hesus ay mamatay sa krus. Ang pagiging hindi literal ng orihinal na kasalanan ay pagtanggi sa dahilan kung bakit dumating si Kristo, na ipinaliwanag sa Corinto 15:22: - Sapagka't kung paanong kay Adan ang lahat ay nangamamatay, gayon din naman kay Cristo ang lahat ay bubuhayin.” Kung hindi literal si Adan at ang kasalanan, ang Kristiyanismo mismo ay magiging kabulaanan at ang Bibliya ay isa lamang magandang aklat ng mga kwento at alamat. Hindi ba natin nakikita kung saan tayo dadalhin ng ganitong uri ng pangangatwiran?
Ang Genesis 1 ay hindi lamang tala sa paniniwala na ang paglikha ay nangyari sa mahabang yugto ng panahon, o ang panahong ito ay nangyari sa pagitan ng Genesis 1:1 at 1:2. Anong nangyari sa pagitan ng Genesis 1:1 at 1:2? Walang dudang wala! Sinabi sa Genesis 1:1 na nilikha ng Diyos ang langit at ang lupa. Ipinagbigay-alam sa atin sa Genesis 1:2 na Kanyang unang nilikha ang lupa na walang anyo, walang laman at madilim; ito'y hindi pa tapos at hindi pa tinatahanan ng mga nilalang. At ang ibang natitirang bahagi ng unang kabanata ng Genesis ay nagsasalaysay kung paano pinuno ng Diyos ang walang anyo, walang laman at madilim na lupa sa pamamagitan ng paglikha ng hayop na may buhay. Ang Bibliya ay totoo, literal, at perpekto (Awit 19:7-9). Wala pang napasinungalingan ang agham na kahit anong katotohanan sa Bibliya at wala silang mapapasinungalingan kailanman. Ang Bibliya ang pinakamataas na pamantayan ng katotohanan, samakatuwid ito ang dapat maging basehan at pamantayan ng mga teorya ng mga siyentipiko sa kanilang pagsusuri at hindi ang anupamang basehan.
English
Ano ang teorya ng agwat (gap theory)? Mayroon bang radikal na nangyari sa pagitan ng Genesis 1:1 at Genesis 1:2?