settings icon
share icon
Tanong

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa AIDS/HIV? Ang AIDS/HIV ba ay hatol na mula sa Diyos?

Sagot


Ang lahat ng karamdaman ay hatol mula sa Diyos. Bago ang pagbagsak nina Adan at Eba sa kasalanan, hindi sila nakakaranas ng anumang karamdaman. Nang bumagsak sila sa kasalanan, inihayag ng Diyos ang Kanyang hatol kay Adan at pumasok ang kamatayan sa sanlibutan (Genesis 3:19; Roma 5:12). Lahat ng karamdaman mula sa pangkaraniwang sipon hanggang sa kanser ay bahagi ng parusa ng Diyos, at tayog mga naninirahan sa isang sinumpang mundo ay nasakop ng kabulukan. Kaya nga, Oo, ang AIDS / HIV, mga sakit na nakakahawa sa pamamagitan ng pakikipagtalik at lahat ng iba pang karamdaman ay resulta ng hatol ng Diyos sa makasalanang sangkatauhan.

Malinaw na itinuturo ng Bibliya na ang ating malayang pagpapasya ay may kalakip na konsekwensya. Aanihin ng tao anuman ang kanyang itinanim (Galacia 6:7-8). Ang katuwiran ay nagaani ng pagpapala “Ingatan mo ang aking mga utos at mabuhay ka” (Kawikaan 7:2); at “Siyang naghahasik ng kasamaan ay aani ng kapahamakan” (Kawikaan 22:8). Ang isa sa ating mga problema ay nais natin ng lubos na kalayaan sa ating pagpapasya, ngunit ayaw nating tanggapin ang mga konsekwensya ng mga iyon. Ngunit ang katotohanan, sa pagpapasyang gawin ang isang bagay, awtomatiko nating pinipili ang resulta ng ating desisyon. Binabalaan tayo ng Kasulatan na may katumbas na parusa ang sekswal na kasalanan. “Magsitakas kayo sa pakikiapid. Lahat ng kasalanang gawin ng mga tao ay nangasa labas ng katawan; nguni't ang gumagawa ng pakikiapid ay nagkakasala laban sa kaniyang sariling katawan” (1 Corinto 6:18). “Sapagka't ang mga mapakiapid at ang mga mapangalunya ay pawang hahatulan ng Dios” (Hebreo 13:4). Hindi matatanggihan na ang pamumuhay ayon sa mga prinsipyo ng Bibliya (katapatan sa asawa) ay pinapaliit ang tsansa ng pagkakaroon ng HIV/AIDS at iba pang sakit na nahahawa sa pamamagitan ng pakikipagtalik.

Ang Roma 1:18-32 ay isang babala laban sa mga pagano at sumasamba sa mga diyus diyusan. Nagsimula ang sitas sa ganitong pananalita: “Nahahayag mula sa langit ang poot ng Diyos laban sa lahat ng kalapastanganan at kasamaan ng mga taong dahil mismo sa kanilang kasamaan ay hinahadlangan ang katotohanan.” Itinuturo ng talatang ito na ang kasalanang homosekswal ay nag-ugat sa pagtanggi ng tao sa Diyos. Nagdadala ito ng kahihiyan, kawalan ng dangal at ng parusa. Dahil ang AIDS/HIV ay pangunahing nakukuha sa pamamagitan ng kasalanang sekswal, maaari itong ituring na kaparusahan na nagpapakita ng poot ng Diyos laban sa kasamaan ng kabaklaan (t. 18). Ang susing salita ay, “ibinigay sila ng Diyos,” na makikita ng tatlong beses sa mga talata. Ibinigay sila ng DIyos sa “maruruming pagnanasa hanggang sa hindi na nila mapigil ang paggawa ng kahalayan sa isa't isa (t. 24), sa mahahalay na pagnanasa (t. 26), at sa masasamang pag-iisip (t. 28). Nangangahulugan ito na pinili ng sangkatauhan na gawin ang anumang kanilang maibigan at pinayagan sila ng Diyos. Ang pagbibigay sa sangkatauhan ng kalayaan na magpakalayu-layo sa Diyos ay mas malalang kaparusahan para sa mga kasalanang dati ng ginagawa ng tao.

Hindi ito nangangahulugan na ang lahat ng may AIDS/HIV ay nakagawa ng sekswal na kasalanan o hindi kayang patawarin ng Diyos ang mga bakla at tomboy. Nakalulungkot na may mga taong nahawa ng AIDS/HIV dahil sa pagsasalin ng dugo, o sa pamamagitan ng inosenteng pakikipagtalik sa isang taong may AIDS/HIV, at higit na nakakaawa ay ang mga sanggol na nahawahan ng AIDS/HIV ng kanilang ina habang ipinagbubuntis. Ang dapat na tugon ng mga Kristiyano sa mga taong may AIDS/HIV ay habag at kaawaan. Kahit na sa anong kaparaanan nagkaroon ng AIDS ang isang tao, responsibilidad natin na magpakita sa kanila ng awa, pag-ibig at kahabagan. Wala tayong karapatan at kapamahalaan na ideklara na ang pagkakaroon ng AIDS/HIV ng isang tao ay partikular na hatol ng Diyos sa kanyang kasalanan. Responsibilidad natin bilang mga Kristiyano na gumawa ng mabuti sa lahat ng tao at ang Ebanghelyo na ating ibinabahagi pa rin ang “kapangyarihan ng Diyos para sa kaligtasan ng bawat sumasampalataya” (Roma 1:16).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa AIDS/HIV? Ang AIDS/HIV ba ay hatol na mula sa Diyos?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries