settings icon
share icon
Tanong

Mayroon bang pagkakaiba sa pagitan ng aklat ng buhay at ng aklat ng buhay ng Kordero?

Sagot


May walong banggit sa Bagong Tipan sa "Aklat ng Buhay," at ang dalawa sa mga ito ay partikular na tinukoy na "Aklat ng Buhay ng Kordero," ang Panginoong Hesu Kristo. Ang pito sa mga reperensya ay makikita sa Aklat ng Pahayag. Ang mga taong nakasulat ang pangalan sa Aklat ng Buhay ay pagaari ng Diyos, ang mga pinagkalooban ng Diyos ng buhay na walang hanggan.

Binanggit ni Pablo na yaong mga naglingkod na kasama niya ay nakasulat ang pangalan sa Aklat ng Buhay (Filipos 4:3), muli tinukoy ang aklat ng Buhay bilang isang talaan ng mga pangalan ng mga tumanggap ng buhay na walang hanggan. Sa parehong paraan, tinukoy din ang "Aklat ng Buhay" sa Pahayag 3:5, bilang aklat na talaan kung saan matatagpuan ang mga pangalan ng mga nananampalataya sa Panginoong Hesu Kristo. Ang mga ito ay yaong mga nagtagumpay sa mga pagsubok sa buhay nila sa lupa, bilang katibayan na tunay ang kanilang kaligtasan. Nilinaw din sa talatang ito ang pangako ng Panginoon na kailanman ay hindi Niya buburahin ang mga pangalang nakasulat sa aklat ng buhay, isang katibayan na hindi nawawala ang kaligtasan. Sa bahaging ito ng Aklat ng Pahayag, Ipinangako ng Panginoong Hesu Kristo na Siyang sumulat sa mga iglesya sa pamamagitan ni Apostol Juan na kikilalanin Niya ang sa Kanya sa harapan ng Kanyang Ama. Gayundin din naman, ipinahahayag ng Pahayag 20:15 ang hantungan ng mga taong hindi nakasulat ang pangalan sa Aklat ng Buhay - ang walang hanggang kaparusahan sa dagat-dagatang apoy.

Sa Pahayag 13:8 at 21:27, binabanggit ang "Aklat ng buhay ng Kordero," kung saan nakasulat ang pangalan ng mga taong "hinugasan ng dugo ng Kordero," ang Panginoong Hesu Kristo. Ang Kordero na "pinatay bago pa lalangin ang sanlibutan" ay may isang aklat kung saan nakasulat ang lahat ng Kanyang mga tinubos sa pamamagitan ng Kanyang paghahandog. Sila ang mga papasok sa banal na lunsod, ang bagong Jerusalem (Pahayag 21:10) at mga mabubuhay magpakailanaman sa langit kasama ang Diyos. Dahil ang Aklat ng Buhay ay ang aklat din kung saan nakatala ang lahat ng may buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng Kordero, malinaw na ang "Aklat ng Buhay" at ang "Aklat ng Buhay ng Kordero" ay iisang aklat.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Mayroon bang pagkakaiba sa pagitan ng aklat ng buhay at ng aklat ng buhay ng Kordero?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries