settings icon
share icon
Tanong

Posible ba na mas marami pang aklat ang maaaring madagdag sa Bibliya?

Sagot


Walang dahilan upang isipin at paniwalaan na magbibigay pa ang Diyos ng mga dagdag na kapahayagan sa Kanyang mga Salita sa Bibliya. Ang Bibliya ay nagumpisa sa mismong pinagmulan ng sangkatauhan, sa aklat ng Genesis at nagtapos sa pagwawakas ng kasaysayan ng sangkatauhan, sa Aklat ng Pahayag. Ang lahat ng aklat sa gitna ng dalawang aklat na ito ay para sa kapakinabangan natin bilang mga mananampalataya upang bigyan tayo ng kalakasan sa ating pang araw-araw na pamumuhay. Nalaman natin ito mula sa 2 Timoteo 3:16-17 kung saan sinasabi, “Lahat ng kasulata'y kinasihan ng Diyos at magagamit sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagpapabulaan sa maling aral, sa pagtutuwid sa likong gawain, at sa pag-akay sa matuwid na pamumuhay. Sa gayon, ang lingkod ng Diyos ay magiging handa sa lahat ng mabubuting gawain.”

Kung may iba pang aklat ang maaaring idagdag sa Bibliya, ito ay katumbas ng paniniwala na ang Bibliya na mayroon tayo ngayon ay hindi kumpleto at sapat at hindi nito kayang ituro sa atin ang lahat ng dapat nating malaman. Itinuturo sa Pahayag 22:18-20 ang napakahalagang katotohanan na hindi na kailangan pang magdagdag ng anumang hula o aklat man sa Bibliya. “Akong si Juan ay nagbababala sa sinumang makarinig sa mga hulang nasasaad sa aklat na ito: Sa sinumang magdagdag sa nilalaman ng aklat na ito, idaragdag ng Diyos sa kanyang parusa ang mga salot na nakasulat dito. At ang sinumang mag-alis ng anuman sa mga hulang nasasaad dito ay aalisan naman ng Diyos ng karapatan sa bunga ng punongkahoy na nagbibigay-buhay at sa Banal na Lunsod.”

Nasa atin na ang lahat ng ating dapat malaman sa kasalukuyang 66 na mga Aklat ng Bibliya. Walang kahit isang sitwasyon sa buhay na hindi kayang bigyang kasagutan ng Kasulatan. Ang pinasimulan sa Genesis ay binigyang wakas sa Pahayag. Ang Bibliya ay kumpleto at sapat. Kaya pa bang magdagdag ng Diyos sa Bibliya? Siyempre, kaya Niyang gawin ito dahil Siya ay Diyos. Gayunman, walang anumang dahilan, Biblikal man o teolohikal upang isipin at paniwalaan na gagawin Niya ito.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Posible ba na mas marami pang aklat ang maaaring madagdag sa Bibliya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries