Aklat ng 1 Juan
Manunulat: Mula pa noong unang panahon, si Apostol Juan na ang kinikilalang manunulat ng 1, 2, at 3 Juan na siya ring sumulat ng Ebanghelyo ni Juan. Ang laman, istilo at mga pananalitang ginamit sa aklat ay sumusuporta sa pananaw na ang tatlong sulat na ito ay isinulat sa iisang grupo na siya ring mambabasa ng Ebanghelyo ni Juan.Panahon ng Pagkasulat: Ang Aklat ng 1 Juan ay maaaring nasulat sa pagitan ng A.D. 85 at 95.
Layunin ng Sulat: Ang Aklat ng 1 Juan ay isinulat sa paraan na ipinapalagay ni Juan na nabasa ng kanyang sinulatan ang kanyang Ebanghelyo tungkol kay Kristo at dahil dito tiniyak niya sa kanyang mambabasa kung ano ang kanilang pakinabang sa pananampalataya kay Kristo. Sinalungat ni Juan ang kamalian ng gnostisismo, isang maling paniniwala na naging seryosong problema ng iglesya noong ikalawang siglo. Ito ang paniniwala na ang katawan ay masama at ang espiritu lamang ang mabuti. Ang solusyon sa dalawang tensyong ito ay karunungan o gnosis, na siya diumanong instrumento upang makalaya ang tao mula sa pagiging makamundo patungo sa pagiging espiritwal. Nagbunga ang paniniwalang ito sa dalawang maling teorya tungkol sa persona ni Hesu Kristo. Una ay ang Dosetisismo (Doceticism), ang paniniwala na ang Hesus sa katawang tao ay isa lamang multo - at ang Serentiyanismo (Cerenthianism) - ang paniniwala na may dalawang personalidad si Hesus - na minsan siya ay Diyos at kung minsan naman Siya ay tao. Pangunahing layunin ng 1 Juan na bigyang linaw ang nilalaman ng pananampalataya ng mga Kristiyano at bigyan din sila ng katiyakan ng kaligtasan.
Mga Susing Talata: 1 Juan 1:9, "Kung ipinapahayag natin ang ating mga kasalanan, maaasahan nating ipatatawad sa atin ng Diyos ang mga ito at lilinisin tayo sa lahat ng ating kasamaan sapagkat siya'y matuwid."
1 Juan 3:6, "Ang nagsasabing nananatili siya sa Diyos ay dapat mamuhay tulad ng pagkapamuhay ni Jesu-Cristo."
1 Juan 4:4, "Mga anak, kayo'y sa Diyos at pinagtagumpayan ninyo ang mga bulaang propeta, sapagkat ang Espiritung nasa inyo ay makapangyarihan kaysa espiritung nasa mga makasanlibutan."
1 Juan 5:13, "Isinusulat ko ito sa inyo upang malaman ninyo na kayong nananalig sa Anak ng Diyos ay may buhay na walang hanggan."
Ang susing salita sa aklat ay karunungan at mga salitang may kinalaman dito na mababasa ng 13 beses sa Aklat ng 1 Juan.
Maiksing Pagbubuod: Malaking problema para sa unang mga iglesya ang mga bulaang guro. Dahil hindi pa noon kumpleto ang Bagong Tipan na siyang basehan ng katuruan ng mga mananampalataya, maraming mga iglesya ang nadaya ng mga impostor na nagturo ng kanilang mga maling doktrina at itinaas ang kanilang mga sarili bilang mga tagapanguna ng iglesya. Sumulat si Pablo upang bigyang linaw ang maraming mahahalagang isyu, lalo"t higit ang isyu tungkol sa tunay na pagkakakilanlan kay Hesu Kristo.
Dahil naglalaman ang sulat ni Juan ng mga panimulang aralin tungkol sa pananampalataya kay Kristo, tinulungan nito ang mga mambabasa na maging tapat sa kanilang pananampalataya. Tinulungan din sila ng aklat upang masagot ang tanong na ito: tayo ba ay tunay na mananampalataya? Sinabi ni Juan na matitiyak nila na tama kanilang sagot sa tanong na ito sa pamamagitan ng kanilang mga gawa. Kung iniibig nila ang isa't isa, ito ay palatandaan ng presensya ng Espiritu Santo sa kanilang buhay. Ngunit kung mag-aaway sila at magkakakagatan at magiging makasarili at hindi magmamalasakitan sa isa't isa, itinatanggi ng kanilang mga gawa ang pagkakilala nila sa Diyos.
Hindi ito nangangahulugan na perpekto na ang isang Kristiyano. Ang totoo, itinuturo ni apostol Juan na ang tunay na mananampalataya ay umaamin sa kasalanan at humihingi ng kapatawaran sa Diyos. Sa paglilinis ng Diyos sa budhi ng tao, at sa ating pag-amin sa ating nagagawang mga pagkakamali laban sa iba at sa pagtutuwid natin sa mga pagkakamaling iyon, makikita na tunay na nakikilala natin ang ating Panginoong Hesu Kristo.
Koneksyon sa Lumang Tipan: Ang isa sa mga talata na laging binabanggit patungkol sa kasalanan ay ang 1 Juan 2:16. Sa talatang ito, inilarawan ni Juan ang tatlong aspeto ng buhay kung saan tinukso ang tao at naging sanhi ng pagbagsak ng sangkatauhan sa kasalanan. Ang unang kasalanan - ang pagsuway ni Eba ay resulta ng pagbagsak sa tatlong aspeto ng buhay na matatagpuan sa Genesis 3:6: ang pita ng laman ("masarap ang bunga"); pita ng mata ("napakaganda sa paningin"); at kapalaluan sa buhay ("mabuti ang maging marunong").
Praktikal na Aplikasyon: Ang Aklat ni Juan ay aklat ng pag-ibig at kagalakan. Ipinaliliwanag dito ang uri ng pakikisama na mayroon ang Kristiyano sa ibang mananampalataya at gayundin kay Kristo. Inihambing niya ang kagalakan na mayroon ang mga Kristiyano at ang panandaliang kasiyahan na nagmumula sa mundo at itinuro niya kung paano makakamtan ang tunay na kagalakan. Kung susundin natin ang mga isinulat ni Juan at ilalapat natin ang mga ito sa ating pang araw-araw na buhay, mapapasaatin ang tunay na pag-ibig, pagtatalaga, pakikisama at kagalakan. Kilalang kilala ni Apostol Juan ang Panginoong Hesu Kristo. Ipinaaalam niya sa atin sa sulat na ito na maaari din tayong magkaroon ng malapit na kaugnayan kay Hesu Kristo. May patotoo tayo ng mga tao na nagkaroon ng direkta at personal na kaugnayan kay Hesus. Ang patotoo ng mga manunulat ng Ebanghelyo ay batay sa katotohanan ng kasaysayan. Paano natin mailalapat ang mga katotohanang ito sa ating mga buhay? Ipinaliwanag ni Juan na nagtungo si Hesus sa lupa bilang Anak ng Diyos upang makipagkasundo sa atin ayon sa kanyang biyaya, habag, pag-ibig at pagtanggap sa makasalanan.
Maraming tao ang nag-aakala na napakalayo sa kanila ni Hesus at wala Siyang pakialam sa dinaranas nilang mga kahirapan, suliranin at alalahanin sa buhay sa araw-araw. Ngunit ayon kay Juan, kasama natin mismo si Hesus sa mga simple at maging sa malalaking pangyayari sa ating mga buhay atnauunawaan Niya ang lahat ng nararanasan ng ating puso at kaluluwa. Pinatotohanan ni Juan bilang isang personal na saksi, na naging tao ang Diyos at namuhay na kasama ng mga tao. Mula sa langit, bumaba si Kristo sa lupa at nakisama sa mga tao at ngayon ay nananatiling kasama ng mga tao sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. Kung lumakad siyang kasama noon ni Apostol Juan, lumalakad din naman Siyang kasama natin sa bawat araw ng ating mga buhay ngayon. Kailangan nating isapamuhay ang katotohanan na kasama natin si Hesus sa tuwina. Kung gagawin natin ito, idadagdag ni Hesus sa ating buhay ang kabanalan at gagawin Niya tayong kagaya Niya sa pagdaan ng mga araw.
English
Aklat ng 1 Juan