Aklat ng 1 mga Hari
Manunulat: Hindi pinangalan ang manunulat ng Aklat ng 1 mga Hari. Ang tradisyonal na kinikilalang manunulat ay si Propeta Jeremias.Panahon ng Pagkasulat: Ang Aklat ng 1 mga Hari ay maaaring nasulat sa pagitan ng 560 at 540 B.C.
Layunin ng Aklat: Ang Aklat na ito ay kadugtong ng 1 at 2 Samuel at nagsisimula sa pagtatalaga kay Solomon sa trono ng Israel pagkatapos ng kamatayan ni David. Nagsimula ang kuwento sa nagkakaisang kaharian, ngunit nagtapos sa pagkahati ng kaharian sa dalawang bansa na nakilala sa tawag na Judah at Israel. Sa Bibliya na salin sa Hebreo, ang 1 at 2 mga Hari ay iisang Aklat.
Mga Susing Talata: 1 mga Hari 1:30, "Nanumpa ako noon sa ngalan niya, na ang anak mong si Solomon ang siyang hahalili sa akin. Tutuparin ko ngayon ang aking pangako."
1 mga Hari 9:3, "Sinabi sa kanya: "Ipinagkakaloob ko ang lahat mong hiniling sa iyong panalangin. Pinababanal ko ang Templong ito at lalagi rito ang aking pangalan magpakailanman. Lilingapin ko at mamahalin ang pook na ito habang panahon."
1 mga Hari 12:16, "Nang makita ng bayan na hindi sila pinansin ng hari ay sinabi nila: "Ano ang mahihita natin kay David? Wala tayong pakialam sa anak ni Jesse. Umuwi na tayo, mga anak ni Israel. David, buhat ngayo'y bahala ka na sa iyong sambahayan." na nga sa kani-kanilang tahanan ang sampung lipi ng Israel."
1 mga Hari 12:28, "Kaya nga, matapos mapagkuru-kuro ang bagay na ito, gumawa siya ng dalawang toreteng ginto at sinabi sa bayan: "Huwag na kayong mag-abalang umahon sa Jerusalem. Narito, bayang Israel, ang inyong Diyos na humango sa inyo sa Egipto.'"
1 mga Hari 17:1, "v1Nagsalita kay Acab si Elias na taga-Tisbe: "Isinusumpa ko, sa ngalan ni Yahweh, ang Diyos ng Israel na pinaglilingkuran ko: hindi uulan, ni hindi man lamang magkakahamog sa mga darating na taon hanggang hindi ko sinasabi."
Maiksing Pagbubuod: Nagsimula ang Aklat ng 1 mga Hari kay Solomon at nagtapos kay Elias. Ang pagkakaiba sa dalawa ang magbibigay sa atin ng ideya kung ano ang nangyari sa kalagitanaan. Isinilang si Solomon pagkatapos ng isang iskandalo sa palasyo sa pagitan ni David at Batsheba. Gaya ng kanyang ama, babae ang kanyang kahinaan na siyang nagpabagsak sa kanya. Naging maayos ang pamamahala ni Solomon sa una. Nanalangin siya para sa karunungan at itinayo niya ang templo sa loob ng 7 taon, ngunit gumugol siya ng 13 taon para itayo ang kanyang sariling palasyo. Ang pagkakaroon niya ng maraming asawa ang nagtulak sa kanya sa paglayo sa Diyos at sa pagsamba sa mga diyus diyusan. Nang mamatay si Solomon, ang Israel ay pinamunuan ng mga haring nag-agawan sa trono. Marami sa kanila ay masama at sumasamba sa diyus diyusan. Ito ang dahilan kung bakit lumayo sa Diyos ang bansang Israel na kahit na ang pangangaral ni Elias ay walang nagawa upang papanumbalikin sila sa Diyos.
Isa sa pinakamasamang Hari ng Israel ay si Haring Ahab at ang kanyang reynang si Dyesebel. Sinikap ni Elias na papanumbalikin ang Israel sa pagsamba kay Jehovah, hanggang humantong iyon sa isang hamon sa mga saserdote na sumasamba sa mga diyus diyusan sa isang paligsahan sa bundok ng Carmelo. Nanalo siyempre ang Diyos. Ito ang naging dahilan ng matinding pagkagalit ni Dyesebel. Iniutos niya na patayin si Elias na tumakas naman at nagtago sa ilang. Pagod at pinanghihinaan ng loob, sinabi ni Elias sa Diyos, "hayaan mo na akong mamatay." Ngunit nagpada ang Diyos ng pagkain at pinalakas ang kanyang loob at nagsalita ang Diyos sa Kanya sa isang mahinang tunog. Sa gayon nanumbalik ang lakas ni Elias at naligtas ang kanyang buhay upang gampanan ang mga sa susunod pa niyang mga gawain.
Mga pagtukoy kay Kristo: Ang templo sa Jerusalem kung saan nananahan sa dakong kabanal-banalan ang Espiritu ng Diyos ay naglalarawan ng mga mananampalataya kay Kristo na pinananahanan ng Banal na Espiritu sa oras ng kanilang kaligtasan. Gaya ng mga Israelita na kailangang itakwil ang kanilang mga diyus diyusan, kailangan din nating itakwil ang anumang bagay na naghihiwalay sa atin sa Diyos. Tayo ang Kanyang bayan, ang templo ng Diyos na buhay. Sinasabi sa atin ng 2 Corinto 6:16, "O ng templo ng Diyos sa diyus-diyusan ng mga pagano? Tayo ang templo ng Diyos na buhay! Siya na rin ang may sabi: "Mananahan ako at mamumuhay sa piling nila, ako ang magiging Diyos nila, at sila'y magiging bayan ko.'"
Ang propetang si Elias ay larawan ni Hesus at ng mga propeta sa Bagong Tipan. Binigyan si Elias ng Diyos ng kakayahan na gumawa ng mga himala upang patunayan na isa siyang tunay na lingkod ng Diyos. Binuhay niya ang anak ng babaeng balo sa Zarepta na dahilan upang sabihin ng balo, "Ngayon ay nalalaman ko na ikaw ay isang lingkod ng Diyos ang Salita ng Diyos na nagumumula sa iyong bibig ang katotohanan." Sa ganito ring paraan ang mga lingkod ng Diyos sa Bagong Tipan ay gumawa rin ng himala ayon sa kapangyarihan ng Diyos. Hindi lamang binuhay ni Hesus si Lazaro mula sa mga patay, kundi binuhay din Niya ang anak na lalaki ng babaeng balo sa Nain (Lukas 7:14-15) at ang anak na babae ni Jairo (Lukas 8:52-56). Binuhay din ni apostol Pedro si Dorcas (Mga Gawa 9:40) at binuhay naman ni Pablo si Eutico (Mga Gawa 20:9-12).
Praktikal na Aplikasyon: Maraming aral ang Aklat ng 1 mga hari para sa mga mananampalataya. Makikita natin ang mga babala ng Diyos sa ating pakikipagrelasyon lalo na sa pagaasawa. Ang mga hari ng Israel na gaya ni Solomon na nag-asawa ng mga taga ibang bansa ay inilantad ang kanilang sarili at ang bayan na kanilang pinamamahalaan sa kasamaan. Bilang mga mananampalataya ni Kristo, dapat tayong magingat sa pagpili ng ating kaibigan, kasosyo sa negosyo at magiging asawa. "Kaiingat kayo: "Ang masasamang kasama'y nakasisira ng magagandang ugali." 1 Corinto 15:33).
May mahalagang aral na itinuturo sa atin ang karanasan ni Elias sa ilang. Pagkatapos ng kanyang kahangahangang tagumpay laban sa 450 propeta ni Baal sa Bundok ng Carmelo, ang kanyang kagalakan ay napalitan ng kalungkutan ng habulin siya ni Dyesebel at tumakas siya para sa kanyang kaligtasan. Ang karanasan ng pagtatagumpay ay kalimitang sinusundan ng kabiguan, depresyon at panghihina ng loob. Dapat na lagi tayong magbantay sa ganitong mga uri ng sitwasyon sa ating buhay Kristiyano. Ngunit ang ating Diyos ay tapat at hindi tayo iiwan ni pababayaan man. Ang mahinahong tunog na nagbigay ng lakas kay Elias ang siya ring magbibigay kalakasan sa atin.
English
Aklat ng 1 mga Hari