settings icon
share icon

Aklat ng 2 Mga Hari

Manunulat: Hindi pinangalanan kung sino ang sumulat ng Aklat ng 2 Mga Hari. Ayon sa nakaugalian, ang Propetang si Jeremiah ang manunulat ng mga aklat ng 1 at 2 Mga Hari.

Panahon ng Pagkasulat: Ang Aklat ng 2 Mga Hari, kasama ang 1 Mga Hari, ay naisulat sa pagitan ng 560 and 540 B.C.

Layunin ng Sulat: Ang Aklat ng 2 Mga Hari ay kasunod ng Aklat ng 1 Mga Hari. Ipinagpatuloy dito ang mga kwento ng mga hari sa nahating kaharian (Israel at Juda.) Ang Aklat ng 2 Mga Hari ay nagtapos sa huling pagbagsak at pagpapatapon sa mga mamamayan ng Israel at Juda sa Asiria at Babilonia.

Mga Susing Talata: 2 Mga Hari 17:7-8 "At nagkagayon, sapagka't ang mga anak ni Israel ay nangagkasala laban sa Panginoon nilang Diyos, na siyang nag-ahon sa kanila mula sa lupain ng Ehipto, mula sa kamay ni Faraon na hari sa Ehipto, at sila'y natakot sa ibang mga diyos; At lumakad sa mga palatuntunan ng mga bansa, na pinalayas ng Panginoon sa harap ng mga anak ni Israel, at ng mga hari ng Israel, na kanilang ginawa."

2 Mga Hari 22:1a-2 "Si Josias ay may walong taon nang magpasimulang maghari; at siya'y nagharing tatlongpu't isang taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Idida na anak ni Adaia na taga Boscat; At siya'y gumawa ng matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon, at lumakad sa buong lakad ni David na kaniyang magulang, at hindi lumiko sa kanan o sa kaliwa."

2 Mga Hari 24:2 - At ang Panginoon ay nagsugo laban sa kaniya ng mga pulutong ng mga Caldeo, at ng mga pulutong ng mga taga Siria, at ng mga pulutong ng mga Moabita, at ng mga pulutong ng mga anak ni Ammon, at sinugo sila laban sa Juda upang lipulin ayon sa salita ng Panginoon, na kaniyang sinalita sa pamamagitan ng kaniyang mga lingkod na mga propeta."

2 Mga Hari 8:19 "Gayon ma'y hindi giniba ng Panginoon ang Juda, dahil kay David na Kanyang lingkod gaya ng Kanyang ipinangako sa kaniya na bibigyan siya ng isang ilawan sa ganang kaniyang mga anak magpakailan man."

Maiksing pagbubuod: Ang Aklat ng Ikalawang Mga Hari ay naglalarawan ng pagbagsak ng nahating kaharian. Patuloy na binalaan ng mga propeta ang mga tao na ang paghuhukom ng Diyos ay nalalapit na, ngunit sila'y di nagsisipagsisi. Ang kaharian ng Israel ay paulit-ulit na pinamunuan ng mga masasamang hari, at kahit na may ilang mabubuting hari na namuno sa Juda, karamihan sa kanila ay inilayo ang mga tao sa pagsamba sa Diyos. Ang ilang mabubuting pinuno kasama sina Eliseo at iba pang propeta at hindi napigilan ang pagtanggi ng bansa. Ang Hilagang Kaharian ng Israel ay kalaunang nawasak ng mga Taga-Assyria , at matapos ang mahigit 136 taon, ang Katimugang Kaharian ng Juda ay nawasak naman ng Babilonia.

May tatlong mahahalagang paksa ang matatagpuan sa Aklat ng 2 Mga Hari. Una, ang hahatulan Panginoon ang Kanyang mga anak kung sila ay susuway at tatalikod sa Kanya. Ang kataksilan ng mga Israelita ay masasalamin sa kasamaan ng mga hari at nagresulta sa paggamit ng Diyos sa Kanyang matuwid na pagkapoot laban sa kanilang rebelyon. Ikalawa, ang mga salita ng mga tunay na mga propeta ng Diyos ay laging nagaganap. Dahil ang Panginoon ay tapat sa Kanyang mga Salita, gayon din ang mga salita ng Kanyang mga propeta. Ikatlo, ang Panginoon ay laging tapat. Kanyang inaalala ang Kanyang pangako kay David (2 Samuel 7:10-13) at, kahit pa hindi naging masunurin ang mga tao at ang mga masasamang hari na namuno sa kanila, hindi pinahintulutan ng Panginoon na magwakas ang angkan ni David.

Mga pagtukoy kay Kristo: Ginamit ni Hesus ang mga kwento ng balo sa Zarepta sa 1 Mga Hari at Naaman sa 2 Mga Hari upang ilarawan ang dakilang katotohanan ng kahabagan ng Diyos sa mga Hudyo na hindi karapat-dapat sa pagpapala ng Diyos - mga mahihirap, mahihina, mga inaapi, maniningil ng buwis, mga Samaritano at mga Hentil. Sa halimbawa ng mahirap na balo at ketongin, ipinakita ni Hesus na Siya ang Dakilang Manggagamot na nagbibigay lunas at tumutulong sa mga higit na nangangailangan ng Kanyang Banal at Dakilang pagpapala. Ito rin ang batayan sa hiwaga sa katawan ni Kristo, ang Kanyang Iglesya, na manggagaling mula sa iba't ibang antas ng lipunan, lalaki at babae, mahirap at mayaman, mga Hudyo at Hentil (Mga Taga-Efeso 3:1-6).

Marami sa himala ni Eliseo ang nagpapahiwatig sa mga magaganap sa panahon ni Hesus. Binuhay ni Eliseo ang anak ng isang babae mula sa Shunem (2 Mga Hari 4:34-35), ginamot si Naaman na may ketong (2 Mga Hari 5:1-19), at nagparami ng tinapay upang mapakain ang ilang daang tao (2 Mga Hari 4:42-44).

Praktikal na Aplikasyon: Galit ang Diyos sa kasalanan at hindi Niya ito pahihintulutang magpatuloy. Kung tayo ay sa Kanya, asahan natin na tayo ay Kanyang didisiplinahin dahil sa ating pagsuway. Itinutuwid ng mapagmahal na ama ang Kanyang mga anak para sa kanilang ikabubuti at upang patunayan na sila nga'y tunay na sa Kanya. Maaaring gumamit minsan ang Diyos ng mga hindi-mananampalataya upang ituwid ang Kanyang mga anak, at nagbibigay babala din sa atin bago ang Kanyang paghuhukom. Bilang mga Kristiyano, nasa atin ang Kanyang mga Salita upang gumabay at magbigay babala sa atin kung tayo ay naliligaw ng landas. Tulad ng mga propeta noon, ang Kanyang mga Salita ay mapagkakatiwalaan at laging nagsasabi ng katotohanan. Ang katapatan ng Diyos sa Kanyang mga anak ay hindi magbabago kailanman.

Ang mga kwento ng balo at ng ketongin ay mga halimbawa para sa atin sa pagdating ni Kristo. Gaya ng pagkaawa ni Eliseo sa mga tao mula sa pinakamababang antas ng lipunan, nararapat lamang na ating malugod na tanggapin ang lahat ng nabibilang kay Kristo sa ating iglesya. Ang Diyos ay hindi "nagtatangi ng tao" (Mga Gawa 10:34) at walang sinuman sa atin ang karapatdapat.

English



Pagsusuri sa Lumang Tipan

Aklat ng 2 Mga Hari
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries