Aklat ng 2 Samuel
Manunulat: Hindi tinukoy sa Aklat ng 2 Samuel kung sino ang manunulat. Hindi maaaring si Propeta Samuel ang sumulat dahil namatay na siya sa 1 Samuel. Ang mga posibleng sumulat nito ay si Nathan at Gad (tingnan ang Mga Cronica 29:29).Panahon ng Pagkasulat: Sa orihinal, ang mga aklat ng 1 at 2 Samuel ay iisang aklat. Pinaghiwalay ito ng mga tagasalin ng Septuagint, at magbuhat noon ay pinanatili na ang pagkakahiwalay ng mga ito. Ang mga kaganapan sa 1 Samuel ay nangyari sa loob ng 100 taon, mula c. 1100 B.C. hanggang c. 1000 B.C. Ang mga kaganapan naman sa 2 Samuel ay nangyari sa loob ng 40 taon. Sinulat ang aklat pagkatapos ng 960 B.C.
Layunin ng Sulat: Ang aklat ng 2 Samuel ay tala ng pamumuno ni Haring David. Inilagay ng aklat na ito sa makasaysayang konteksto ang pangako ng Panginoon kay Haring David.
Mga Susing Talata: "At ang iyong sangbahayan at ang iyong kaharian ay matitiwasay magpakailan man sa harap mo: ang iyong luklukan ay matatatag magpakailan man." (2 Samuel 7:16).
"At tinakpan ng hari ang kaniyang mukha, at ang hari ay sumigaw ng malakas. Oh anak kong Absalom, Oh Absalom, anak ko, anak ko!" (2 Samuel 19:4).
"At kaniyang sinabi, Ang Panginoo'y aking malaking bato at aking katibayan, at tagapagligtas sa akin, sa makatuwid baga'y akin; Ang Diyos, ang aking malaking bato, na sa kaniya ako'y manganganlong; Aking kalasag, at siyang sungay ng aking kaligtasan, aking matayog na moog at ampunan sa akin; Tagapagligtas sa akin, ikaw ang nagliligtas sa akin sa karahasan; Ako'y tatawag sa Panginoon na karapat-dapat purihin: Sa ganya'y maliligtas ako sa aking mga kaaway" (2 Samuel 22:2-4).
Maiksing pagbubuod: Ang aklat ng 2 Samuel ay maaaring hatiin sa dalawang bahagi" ang pagtatagumpay ni Haring David (mga kabanata 1-10) at ang mga pagsubok ni David (mga kabanata 11-20). Ang huling bahagi ng aklat (mga kabanata 21-24) ay walang partikular na pagkakasunod-sunod ngunit nagtataglay pa rin ng mga karagdagang detalye tungkol sa pamumuno ni David.
Ang aklat ay nagsimula ng matanggap ni David ang balita na si Saul at ang mga anak nito ay patay na. Ipinagluksa niya ang mga nangyari. Kalaunan, si David ay kinilalang hari ng Juda, habang si Isboset, isa sa mga natitirang anak ni Saul ay kinoronahang hari ng Israel (kabanata 2). Nagkaroon ng digmaang sibil, ngunit pinatay si Isboset, at hiniling ng mga Israelita na pamunuan sila ni David (mga kabanata 4-5).
Pinalitan ni David ang kabisera, mula Hebron ay naging Jerusalem at pagkatapos ay inilipat din ang Kaban ng Tipan (mga kabanata 5-6). Ang plano ni David na magtayo ng templo sa Jerusalem ay hindi pinahintulutan ng Diyos, sa halip ay ipinangako ng Diyos kay David ang mga sumusunod: 1) Magkakaroon ng anak na lalaki si David na siyang susunod na hari pagkatapos ng kanyang pamumuno; 2) Ang kanyang anak ang magtatayo ng templo; 3) ang trono ng kaharian ni David ay itatatag magpakailanman (2 Samuel 7:4-16).
Pinamunuan ni David ang tagumpay ng Israel laban sa mga kaaway na bansang nakapaligid sa kanila. Nagpakita rin siya ng kabutihang loob sa pamilya ni Jonathan ng kanyang kunin si Mefiboset, ang lumpong anak ni Jonathan (mga kabanata 8-10).
Nahulog si David sa kasalanan. Natukso siya sa isang magandang babae na nagngangalang Bathsheba, at nagkasala siya ng pangangalunya at sadyang pagpatay ng asawa nito (kabanata 11). Nang pagsabihan ng propetang si Nathan si David tungkol sa kanyang kasalanan, kanya itong inamin agad at pinatawad siya ng Diyos. Gayon pa man, sinabi ng Panginoon kay David na magkakaroon ng malalaking pagsubok sa kanyang tahanan.
Nagsimula nga ang pagsubok, ginahasa ng panganay na anak ni David na si Amnon ang kanyang kapatid na babae sa ama na si Tamar. Bilang ganti, pianatay naman ng kapatid ni Tamar na si Absalom si Amnon. Nilisan ni Absalom ang Jerusalem sa halip na harapin ang galit ng kanyang ama. Pagkatapos, pinamunuan ni Absalom ang isang paghihimagsik laban kay David, at ang ilan sa mga dating kasamahan ni David ay umanib sa rebelyong ito (mga kabanata 15-16). Napilitan si David na lisanin ang Jerusalem, idineklara ni Absalom ang sarili bilang hari sa loob ng maiksing panahon. Subalit napabagsak din ang huwad na pinuno, at pinatay siya kahit labag sa kalooban ni David. Ipinagdalamhati ni David ang kamatayan ng anak.
Nangibabaw ang halos walang katapusang problema sa paghahari ni David. Nagbanta ang mga Israelita ng paghiwalay sa Juda, at kinailangang sugpuin ni David ang panibagong namumuong pag-aaklas (kabanata 20).
Kabilang sa mga karagdagang pahina ng aklat ang mga kabatiran ukol sa tatlong taong ng tag-gutom sa bansa (kabanata 21), ang awit ni David (kabanata 22), talaan ng mga pagsasamantala ng mga pinakamatatapang na mandirigma ni David (kabanata 23), at mga listahan ng kasalanan ni David at mga salot na bunga ng mga ito (kabanata 24).
Mga pagtukoy kay Kristo: Makikita ang Panginoong HesuKristo sa dalawang pangunahing bahagi ng 2 Samuel. Una, ang pangako ng Diyos kay David ayon sa 2 Samuel 7:16: "At ang iyong sangbahayan at ang iyong kaharian ay matitiwasay magpakailan man sa harap mo: ang iyong luklukan ay matatatag magpakailan man." Inulit ito sa Lucas 1:3-33 sa mga salita ng anghel na nagpakita kay Maria upang ipaalam ang kanyang pagsilang kay Hesus: "Siya'y magiging dakila, at tatawaging Anak ng Kataastaasan; at sa Kaniya'y ibibigay ng Panginoong Diyos ang luklukan ni David na kaniyang ama; At Siya'y maghahari sa angkan ni Jacob magpakailan man; at hindi magkakawakas ang Kaniyang kaharian." Si Kristo ang katuparan ng pangako ng Panginoon kay David; Siya ang Anak ng Diyos na magmumula sa lahi ni David na maghahari magpakailanman.
Ikalawa, si Hesus ay nakita rin sa awit ni David sa katapusan ng kanyang buhay (2 Samuel 22:2-51). Kanyang binanggit sa awit ang kanyang "Bato, Katibayan at Tagapagligtas, ang kanyang Kanlungan at Tagapagligtas." Si Hesus ay ating Bato (1 Corinto 10:4; 1 Pedro 2:7-9), Tagapagligtas ng Israel (Mga Taga-Roma 11:25-27), ang Katibayan kung saan tayo "nangagsitakas na sumakanlong upang mangapit sa pag-asang nalalagay sa ating unahan" (Hebreo 6:18), at ang ating Tanging Tagapagligtas (Lucas 2:11; 2 Timoteo 1:10).
Praktikal na Aplikasyon: Kahit sino ay maaaring mahulog sa kasalanan. Maging ang gaya ni David, na tunay na nagnanasang sumunod sa Diyos at lubos na biniyayaan ng Diyos, ay maaaring mahulog sa tukso. Ang pagkakasala ni David ng pakikiapid kay Bathsheba ay dapat na magsilbing babala sa ating lahat na palagiang bantayan ang ating mga puso, mata at pag-iisip. Ang ating pagmamalaki sa ating kalaguang espiritwal at ang pagtitiwala natin sa ating kakayanan na labanan ang tukso sa ating sariling lakas ang unang hakbang sa pagbagsak (1 Mga Taga-Corinto 10:12).
Ang Diyos ay tunay na Maginoo at mapagpatawad maging sa pinakakasuklam-suklam na kasalanan na ating nangawa kung tunay tayong magsisisi. Gayunman, ang paghilom ng sugat na dulot ng kasalanan ay hindi laging nabubura ang pilat. Ang kasalanan ay may likas na bunga, matapos patawarin si David ng Diyos, kanyang inani ang kanyang itinanim. Ang kanyang anak sa asawa ng iba ay kinuha sa kanya ng Panginoon (2 Samuel 12:14-24) at naghirap ang kanyang kalooban dahil sa pagkasira ng kanyang relasyon sa kanyang Ama sa langit (Mga Awit 32 and 51). Hindi ba'y mas mabuting umiwas sa kasalanan sa umpisa pa lamang, sa halip na magdusa at humingi ng kapatawaran pagkatapos?
English
Aklat ng 2 Samuel