settings icon
share icon

Aklat ng Deuteronomio

Manunulat: Si Moises ang sumulat sa aklat ng Deuteronomio, na sa katotohanan ay koleksyon ng kanyang mga sermon sa Israel bago sila tumawid sa ilog ng Jordan. "Ito ang mga salita na sinabi ni Moises" (1:1). Maaaring ibang tao ang sumulat (si Josue) ng huling kabanata ng Deuteronomio.

Panahon ng Pagkasulat: Ang mga sermong ito ay ibinigay ni Moises sa loob ng 40 araw bago pumasok ang mga Israelita sa lupang pangako. Binigkas ang unang sermon sa unang araw ng ika 11 buwan (1:3), bago tumawid ang mga Israelita sa ilog Jordan pagkaraan ng 70 araw, sa ika 10 araw ng unang buwan (Josue 4:19). Kung babawasin ang 30 araw ng pagdadalamhati pagkatapos ng kamatayan ni Moises (Deuteronomio 34:8), ang matitira ay 40 araw. Ang taon ay 1410 B.C.

Layunin ng Sulat: Isang bagong henerasyon ng mga Israelita ang papasok sa Lupang Pangako. Ang mga Israelitang ito ay hindi nakaranas ng himala sa Dagat na Pula o narinig ang kautusan sa Bundok ng Sinai. Papasok sila sa isang bagong lupain na kakaharapin ang maraming panganib at pagsubok. Ang aklat ng Deuteronomio ay ibinigay upang ipaalala ang Kautusan at ang kapangyarihan ng Diyos.

Mga Susing Talata: "Huwag ninyo itong daragdagan ni babawasan. Sundin ninyo ito nang walang labis at walang kulang" (Deuteronomio 4:2)

"Dinggin ninyo mga Israelita: Si Yahweh lamang ang Diyos. Ibigin ninyo siya nang buong puso, kaluluwa at lakas. Ang mga utos niya'y itanim ninyo sa inyong isip. Ituro ninyo ito sa inyong mga anak; sa loob at labas ng inyong tahanan, sa oras ng paggawa at pamamahinga, sa lahat ng lugar at sa lahat ng panahon" (Deuteronomio 6:4-7).

"sinabi ni Moises, "Itanim ninyo sa isip ang mga salitang narinig ninyo sa akin, ituro ninyo sa inyong mga anak, at ipasunod sa kanila. Ito'y mahalaga pagkat dito nakasalalay ang inyong buhay. Kung susundin ninyong mabuti, mabubuhay kayo nang matagal sa lupaing pupuntahan ninyo sa kabila ng Jordan" (Deuteronomio 32:46-47).

Maiksing pagbubuod: Inutusan ng Diyos ang mga Israelita na tandaan ang apat na bagay: Ang katapatan ng Diyos, ang pagpapala ng Diyos, ang Kautusan ng Diyos at ang mga babala ng Diyos. Ang unang tatlong kabanata ay ang pagulit sa tala ng kanilang paglalakbay mula sa Ehipto patungo sa kanilang kasalukuyang lokasyon, sa Moab. Ang ika-apat na kabanata ay isang tawag sa pagsunod, na maging tapat sa Diyos na laging nagtatapat sa kanila.

Ang kabanata 5 hanggang 26 ay pagulit naman sa Kautusan. Ibinigay sa bagong henerasyon ang 10 Utos, ang mga kautusan, mga batas tungkol sa paghahandog at ang pagdiriwang ng Sabbath. Ipinangako ang pagpapala sa mga susunod (5:29; 6:17-19; 11:13-15), at salot naman ang mararanasan ng mga susuway (11:16-17).

Ang tema tungkol sa pagpapala at sumpa ay nagpatuloy hanggang sa kabanata 27 - 30. Ang bahaging ito ng aklat ay nagtapos sa pagpapaala sa resulta ng gagawing pagpapasya ng Israel: "Saksi ko ang langit at ang lupa na ngayo'y inilahad ko sa inyo ang buhay o kamatayan, at ang pagpapala o sumpa. Kaya, piliin ninyo ang buhay para kayo at ang inyong lahi ay magtagal." Nais ng Diyos sa kanyang mga anak na sundin ang kanyang payo: ang "piliin ang buhay" (30:19).

Sa mga huling kabanata ng aklat, pinalakas ni Moises ang loob ng mga tao; ipinahayag sa kanila kung sino ang kanyang kahalili - si Josue; umawit siya at ibinigay ang huling basbas sa bawat tribu ng Israel. Sa kabanata 34, itinala ang mga pangyayari sa kamatayan ni Moises. Umakyat siya sa bundok ng Pisgah, kung saan ipinakita sa kanya ng Diyos ang Lupang Pangako na hindi na niya mararating. Sa edad na 120 taon, ngunit hindi nanlabo ang mga mata o nanghina man ang katawan, namatay si Moises sa presensya ng Panginoon. Nagtapos ang aklat ng Deuteronomio sa maiksing obituaryo sa dakilang propetang ito.

Mga pagtukoy kay Kristo: Marami sa mga tema sa BagongTipan ang matatagpuan sa Akalat ng Deuteronomio. Ang pangunahin sa mga ito ay ang pangangailangan ng perpektong pagsunod sa Kautusan ni Moises at ang pagiging imposible sa pagtupad nito. Ang walang katapusang paghahandog na kailangan sa ikatutubos ng kasalanan ng tao - na patuloy na sumusuway sa kautusan - ay matatagpuan ang katuparan sa minsanang paghahandog ni Kristo (Hebreo 10:10). Dahil sa gawain ng pagtubos ni Hesus sa krus, hindi na kailangan pa ang maghandog para sa kasalanan.

Ang pagpili ng Diyos sa bansang Israel upang Kanyang maging sariling bayan ay naglalarawan sa pagtatalaga ng Diyos sa mga tao na mananampalataya kay Kristo (1 Pedro 2:9). Sa Deuteronomio 18:15-19, hinulaan ni Moses ang pagdating ng isa pang propeta - ang huling propeta na darating na Siya ring Mesiyas. Gaya ni Moises, susuguin Siya ng Ama at ipapangaral ang kapahayagan ng Diyos at mangunguna sa Kanyang sariling bayan, ang Kanyang iglesya (Juan 6:14; 7:40).

Praktikal na Aplikasyon: Binibigyan ng Deuteronomio ng mataas na pagpapahalaga ang Salita ng Diyos. Bagamat wala na tayo sa ilalim ng Kautusan ng Lumang Tipan, mananagot pa rin tayo sa ating pagpapasakop sa kalooban ng Diyos sa ating mga buhay. Ang pagsunod ay nagdudulot ng pagpapala, at laging may konsekewensya ang pagsuway.

Walang sinuman ang mas "mataas sa Kautusan." Maging Si Moises na tagapanguna at hinirang na propeta ng Diyos ay kinakailangang magpasakop at sumunod. Ang dahilan kung bakit hindi siya pinahintulutan na makapasok sa Lupang Pangako ay ang kanyang pagsuway sa malinaw na utos ng Diyos (Mga Bilang 20:13).

Nang tuksuhin si Hesus ng Diyablo sa ilang, binanggit ni Hesus ang aklat ng Deuteronomio ng tatlong beses (Mateo 4). Dahil dito, inilarawan ni Hesus ang pangangailangan ng pagiingat sa Salita ng Diyos sa ating mga puso upang huwag tayong magkasala laban sa Kanya (Awit 119:11).

Gaya ng Israel na inalala ang kabutihan ng Diyos, dapat ding gawin natin ang gayon. Ang pagtawid sa Dagat na Pula, ang presensya ng Diyos sa Bundok ng Sinai, at ang pagpapala ng manna sa ilang ay dapat na magsilbing kalakasan sa atin. Ang isang magandang paraan upang magpatuloy tayo ng buong sigasig ay ang pagbabalik tanaw sa kabutihan ng Diyos at sa Kanyang mga ginawa para sa atin sa nakalipas.

Sa aklat ng Deuteronomio, may isang napakagandang larawan ng isang mapagmahal na Diyos na nagnanais na magkaroon ng relasyon sa Kanyang mga anak. Sinabi ng Diyos na ang kanyang pag-ibig ang dahilan kung bakit inilabas Niya ang Israel sa Ehipto sa pamamagitan ng Kanyang "makapangyarihang kamay" (Deuteronomio 7:7-9). Anong dakilang bagay ang makalaya sa pagkaalipin sa kasalanan at mahalin ng isang makapangyarihang Diyos!

English



Pagsusuri sa Lumang Tipan

Aklat ng Deuteronomio
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries