Aklat ng Efeso
Manunulat: Ipinakilala sa Efeso 1:1 si Apostol Pablo bilang manunulat ng Aklat ng Efeso.Panahon ng Pagkasulat: Ang Aklat ng Efeso ay naisulat sa pagitan ng 60 at 63 A.D.
Layunin ng Sulat: Ang intensyon ni Pablo ay tanggapin at pakinabangan ang sulat na ito ng lahat ng nagnanais na lumago sa kanilang pananampalataya kay Kristo. Tinalakay sa Aklat ng Efeso ang mga disiplinang kinakailangang gawin upang mahubog ang pananampalataya ng isang tunay na anak ng Diyos. Gayundin naman, ang pagaaral sa nilalaman ng Aklat ng Efeso ay magpapatibay sa isang mananampalataya upang kanyang magampanan ang layunin at pagkatawag sa kanya ng Diyos. Ang layunin ng sulat na ay upang kumpirmahin at palakasin ang isang lumalagong iglesya. Tinalakay sa sulat ang isang balanseng pananaw sa katawan ni Kristo at ang kalahagahan nito sa plano ng Diyos sa mundo.
Mga Susing Talata: Efeso 1:3: "Magpasalamat tayo sa Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo! Pinagkalooban niya tayo ng lahat ng pagpapalang espirituwal dahil sa ating pakikipag-isa kay Cristo."
Efeso 2:8-10: "Dahil sa kagandahang-loob ng Diyos ay naligtas kayo sa pamamagitan ng inyong pananalig kay Cristo. At ang kaligtasang ito'y kaloob ng Diyos, hindi mula sa inyo. Hindi ito dahil sa inyong mga gawa kaya't walang dapat ipagmalaki ang sinuman. Tayo'y kanyang nilalang, nilikha sa pamamagitan ni Cristo Jesus upang iukol natin ang ating buhay sa paggawa ng mabuti, na itinalaga na ng Diyos para sa atin noon pa mang una."
Efeso 4:4-6: "Iisa lamang ang katawan at iisa rin ang Espiritu; gayon din naman, iisa lamang ang pag-asa ninyong lahat, dulot ng pagkatawag sa inyo ng Diyos. May isa lamang Panginoon, isang pananampalataya, at isang bautismo, isang Diyos at Ama nating lahat. Siya'y higit sa lahat, gumagawa sa lahat, at sumasalahat."
Efeso 5:21: "Pasakop kayo sa isa't isa tanda ng inyong paggalang kay Cristo."
Efeso 6:10-11: "Sa wakas, magpakatibay kayo sa pamamagitan ng inyong pakikipag-isa sa Panginoon at sa tulong ng dakilang kapangyarihan niya. Isuot ninyo ang baluting kaloob ng Diyos, upang mapaglabanan ninyo ang mga lalang ng diyablo."
Maiksing Pagbubuod: Doktrina ang laman ng malaking bahagi ng Aklat ng Efeso. Kalahati sa nilalaman nito ay tumutukoy sa katayuan ng mananampalataya sa kanyang relasyon kay Kristo samantalang ang nalalabing bahagi ay bunga ng katayuang ito. Madalas na hindi binibigyan ng pansin ng mga gumagamit ng aklat na ito ang mga pundasyon sa katuruan sa mga unang kabanata sa halip pumupunta agad sila sa huling kabanata ng aklat. Ang huling kabanatang ito ay tungkol sa pakikibaka ng mga mananampalataya laban sa diyablo. Gayunman, upang makinabang ng husto sa nilalaman ng aklat, kailangang umpisahan ang aklat na ito sa mga unang kabanata.
Una, bilang mga tagasunod ni Kristo, dapat na maunawan natin ng lubos kung sino tayo sa kanyang harapan bilang mga mananampalataya. Dapat na alam natin ang ginawa ng Diyos para sa atin at sa buong sangkatauhan. Sumunod na tinalakay ang pangkasalukuyang kalagayan ng Kristiyano at mga gawain na kanyang dapat na sanayin. Dapat itong ipagpatuloy ng isang Kristiyano hanggang sa hindi na siya kayang tangayin ng maling katuruan at panlalansi ng mga taong nagtuturo ng maling doktrina.
May tatlong bahagi ang aklat ni Pablo para sa mga taga Efeso. (1) Tinalakay sa kabanata 1 hanggang 3 ang mga prinsipyo sa pagpapasalamat dahil sa mga ginawa ng Diyos para sa mananampalataya (2) Inilatag naman mula sa kabanata 4 at 5 ang mga katotohanan tungkol sa pangkasalukuyang kalagayan ng mga Kristiyano (3) Ang kabanata 6 naman ay tumatalakay sa mga pakikipagtunggali ng Kristiyano laban sa diyablo at sa kanyang mga kampon.
Koneksyon sa Lumang Tipan: Ang pangunahing koneksyon ng Aklat ng Efeso sa Lumang Tipan ay ang kagulat gulat (para sa mga Hudyo) na konsepto ng iglesya bilang katawan ni Kristo (Efeso 5:32). Ang kamangha-manghang hiwagang ito (isang misteryo na hindi pa noon nahahayag) ng iglesya ay ang katotohanan na "hindi ipinaalam sa mga tao noong mga nakaraang panahon, ngunit inihayag ngayon ng Diyos, sa pamamagitan ng Espiritu, sa kanyang mga banal na apostol at mga propeta." (Efeso 3:6). Ito ang hiwaga na lihim para sa mga mananampalataya sa Lumang Tipan (Efeso 3:5, 9). Pinaniniwalaan ng mga Israelita na sila lamang ang tunay na taga-sunod ng Diyos at sila lamang ang lahing hinirang (Deuteronomio 7:6). Napakahirap para sa kanila na tanggapin na may pantay na kalagayan sa paningin ng Diyos ang mga hindi Hudyo o mga Hentil at ito ang dahilan ng pagtatalo-talo sa pagitan ng mga mananampalatayang Hudyo at mga mananampalatayang Hentil. Binanggit din ni Pablo ang misteryo ng iglesya bilang "babaeng ikakasal" kay Kristo, isang konsepto na hindi nahayag sa Lumang Tipan.
Praktikal na Aplikasyon: Maaaring sa lahat ng aklat ng Bibliya, ang Aklat ng Efeso ang pinaka nagbibigay diin sa koneksyon ng tamang katuruan sa tamang pamumuhay sa buhay ng Kristiyano. Napakaraming tao ang hindi binibigyang pansin ang "teolohiya" sa halip, binibigyan diin lamang ang mga praktikal na pagsasabuhay ng kanilang nababasa sa Kasulatan. Sa Aklat ng Efeso, ipinakita ni Pablo na ang teolohiya ay praktikal din naman. Upang maipamuhay natin ang kalooban ng Diyos sa ating pang araw-araw na pamumuhay sa tamanag kaparaanan, dapat muna nating maunawaan ang tamang doktrina sa likod ng ating mga ginagawa mula sa Kasulatan.
English
Aklat ng Efeso