Aklat ng Genesis
Manunulat: Hindi nagpakilala ang manunulat ng aklat ng Genesis. Sa tradisyon, laging ipinapalagay na si Moises ang manunulat ng aklat. Walang kapani-paniwalang dahilan upang hindi paniwalaan na si Moises ang manunulat ng Genesis.Panahon ng Pagkasulat: Hindi rin sinabi sa Genesis ang panahon ng pagkasulat ng aklat. Ang panahon ng pagkasulat ayon sa palagay ng mga iskolar ng Bibliya ay sa pagitan ng 1440 at 1400 B.C., sa pagitan ng pangunguna ni Moises sa paglabas ng Israelita sa Ehipto at ng kanyang kamatayan.
Layunin ng Sulat: Tinatawag din minsan ang Aklat ng Genesis na "punlaan" ng buong Bibliya. Karamihan ng mga pangunahing doktrina ng Bibliya ay ipinakilala sa anyo ng "punla" o "binhi" sa Aklat ng Genesis. Kasama sa pagbagsak ng tao sa kasalanan, itinala din ang pangako ng Diyos ng kaligtasan o katubusan (Genesis 3:15). Ang doktrina sa paglikha, pagpasa ng kasalanan ni Adan sa lahat ng tao, poot at biyaya ng Diyos, at ang kanyang walang hanggang kaalaman, responsibilidad ng tao, at marami pang mga doktrina ay tinalakay din sa aklat ng mga pasimula na tinatawag na Genesis.
Marami sa mga napakahalagang katanungan ng tao sa buhay ay binigyang kasagutan sa Genesis. Gaya ng, (1) Saan ako nanggaling? (nilikha tayo ng Diyos - Genesis 1:1) (2) Bakit ako naririto? (Narito tayo upang magkaroon ng relasyon sa Diyos - Genesis 15:6) (3) Saan ako patutungo? (mayroon tayong patutunguhan pagkatapos ng kamatayan - Genesis 25:8). Ang Genesis ay namamanhik sa tao tulad sa isang siyentipiko, mananalaysay, teologo, maybahay, magsasaka, manlalakbay, lalaki o babae ng Diyos. Ito ay angkop na pasimula para sa kasaysayan ng plano ng Diyos para sa sangkatauhan, ang Bibliya.
Mga Susing Talata: Genesis 1:1, "Nang pasimula ay nilikha ng Dios ang langit at ang lupa."
Genesis 3:15, "At papagaalitin ko ikaw at ang babae, at ang iyong binhi at ang kaniyang binhi: ito ang dudurog ng iyong ulo, at ikaw ang dudurog ng kaniyang sakong."
Genesis 12:2-3, "At gagawin kitang isang malaking bansa, at ikaw ay aking pagpapalain, at padadakilain ko ang iyong pangalan; at ikaw ay maging isang kapalaran: At pagpapalain ko ang mga magpapala sa iyo, at susumpain ko ang mga susumpa sa iyo: at pagpapalain sa iyo ang lahat ng angkan sa lupa."
Genesis 50:20, "At tungkol sa inyo ay inyong ipinalagay na kasamaan laban sa akin; nguni't ipinalagay ng Dios na kabutihan upang mangyari ang gaya sa araw na ito, na iligtas ang buhay ng maraming tao."
Maiksing pagbubuod: Maaaring hatiin ang aklat ng Genesis sa dalawang bahagi: Ang kasaysayan ng sinaunang panahon at ang kasaysayan ng mga Patriyarka o ng mga ninuno ng bansang Israel. Itinala sa kasaysayan ng sinaunang panahon ang (1) Paglikha (Genesis kabanata 1-2); (2) Ang pagbagsak ng tao sa kasalanan (Genesis kabanata 3-5); (3) Ang Baha (Genesis kabanata 6-9); at (4) Ang pangangalat (Genesis kabanata 10-11). Itinala naman sa kasaysayan ng mga Patriyarka ang buhay ng apat na mga dakilang tao: (1) Abraham (Genesis 12-25:8); (2) Isaac (Genesis 21:1-35-29); (3) Jacob (Genesis 25:21-50:14); at (4) Jose (Genesis 30:22-50:26).
Nilkha ng Diyos angbuong sangnilikha na mabuti at malaya sa kasalanan. Nilikha ng Diyos ang tao upang magkaroon ng personal na relasyon sa Kanya. Nagkasala si Adan at Eba at ang kanilang kasalanan ang naging nagdala ng kasamaan at kamatayan sa mundo at sa lahat ng tao. Lumala ng lumala ang kasalanan sa mundo hanggang isa na lamang pamilya ang kinatagpuan ng Diyos ng kabutihan. Ipinadala ng Diyos ang Baha upang puksain ang lahat ng makasalanan sa mundo ngunit iniligtas Niya si Noe at ang kanyang pamilya kasama ang mga hayop sa Arko. Pagkatapos ng baha, nagsimula muli ang tao na dumami at kumalat sa buong mundo.
Pinili ng Diyos si Abraham, na siyang panggagalingan ng Kanyang bayang hinirang at ng ipinangakong Mesiyas. Ang piniling lahi ay ang anak ni Abraham na si Isaac, at pagkatapos ay ang anak ni Isaac na si Jacob. Binago ng Diyos ang pangalan ni Jacob at ginawang Israel at ang labindalawang anak ni Jacob ang naging ninuno ng labindalawang lipi ng Israel. Sa walang hanggang kapamahalaan ng Diyos, ipinadala Niya ang anak ni Jacob na si Jose sa Ehipto sa pamamagitan ng kasuklam suklam na gawa ng kanyang mga kapatid. Ang kasamaang iyon ay ginamit ng Diyos para sa kanilang ikabubuti at sa huli, iyon ang dahilan ng kaligtasan ni Jacob at ng kanyang buong pamilya mula sa nakamamatay na tag-gutom sa pamamagitan ni Jose na itinaas sa kapangyarihan bilang gobernador ng buong Ehipto.
Mga pagtukoy kay Kristo: Marami sa mga tema sa Bagong Tipan ang nag-ugat sa aklat ng Genesis. Si Hesu Kristo ang "Binhi ng Babae" na wawasak sa kapangyarihan ni Satanas (Genesis 3:15). Gaya ng nangyari kay Jose, ang plano ng Diyos ay para sa ikabubuti ng sangkatauhan sa pamamagitan ng paghahandog ng Kanyang Anak na naganap para sa ating ikabubuti, kahit na ang pagkapako sa Kanya sa krus ay dahil sa masamang intensyon ng tao. Si Noah at ang kanyang pamilya ay ang una sa maraming mga "nalabi" na inilalarawan sa Bibliya. Sa kabila ng napakalaking kahadlangan at mahihirap na pangyayari, laging iniingatan ng Diyos ang mga nalalabing tapat para sa Kanyang sarili. Nagbalik sa Jerusalem ang mga nalabing Israelita pagkatapos ng pagkabihag nila sa Babilonia; iningatan ng Diyos ang mga nalabi sa gitna ng mga paguusig na inilarawan ni Isaias at Jeremias; ang nalabing 7000 propeta ay itinago ng Diyos at iningatan sa poot ni Dyesebel; ipinangako ng Diyos na ang mga nalalabi sa mga Hudyo ay yayakapin Siya isang araw at sasampalatayan ang kanilang tunay na Mesiyas (Roma 11). Ang pananampalataya na ipinakita ni Abraham ay kaloob din ng Diyos at siyang basehan ng kaligtasan para sa mga Hudyo at mga Hentil (Efeso 2:8-9; Hebreo11).
Praktikal na Aplikasyon: Ang pinakamahalagang tema ng Genesis ay ang walang hanggang pananatili ng Diyos at ang kanyang paglikha sa sangnilikha. Walang pagtatangka sa bahagi ng manunulat na ipagtanggol ang pagkakaroon ng Diyos; simpleng inihayag Niya na ang Diyos ay naroon na sa pasimula pa at hindi kailan man magwawakas at Siyang makapangyarihan sa lahat. Sa parehong paraan, may pagtitiwala tayo sa mga katiotohanan ng Genesis, sa kabila ng mga pag-aangkin ng mga tao na tinatanggihan ang katotohanan ng aklat na ito. Ang lahat ng tao, anuman ang kultura, nasyonalidad o wika, ay mananagot sa Manlilikha. Dahil sa kasalanan, na pumasok sa sanlibutan dahil sa pagkahulog ng unang taong si Adan sa kasalanan, nahiwalay tayo sa Diyos. Ngunit sa pamamagitan ng isang maliit na bansa ng Israel, ang plano ng pagtubos ng Diyos sa sangkatauhan ay nahayag at iniaalok para sa lahat. Nagagalak tayo sa planong ito ng Diyos.
Nilikha ng Diyos ang buong sansinukob, ang mundo, at ang bawat nabubuhay dito. Maipagkakatiwala natin sa Kanya ang lahat ng ating mga alalahanin sa ating mga buhay. Kaya ng Diyos na gumawa ng mga kahanga hangang mga bagay sa mga walang pag-asang sitwasyon sa ating buhay, gaya ng kawalan ng anak ni Abraham at Sarah, kung magtitiwala lamang tayo at susunod sa Kanya. Ang mga masasakit na mga pangyayari ay maaaring maganap sa ating buhay, gaya ng nangyari kay Jose, ngunit laging gumagawa ang Diyos sa lahat ng mga bagay para sa ating ikabubuti kung mananampalataya tayo sa kanya at sa kanyang walang hanggang layunin para sa atin. "At nalalaman natin na ang lahat ng mga bagay ay nagkakalakip na gumagawa sa ikabubuti ng mga nagsisiibig sa Dios, sa makatuwid baga'y niyaong mga tinawag alinsunod sa kaniyang nasa" (Roma 8:28).
English
Aklat ng Genesis