Aklat ni Josue
Manunulat: Hindi partikular na tinukoy sa aklat ang pangalan ng manunulat. Ngunit walang ibang ipinapalagay na sumulat ng aklat kundi si Josue na anak ni Nun, ang kahalili ni Moises. Ang huling bahagi ng aklat ay maaaring isinulat ng ibang tao pagkatapos ng kamatayan ni Josue. Posible rin na ang ilan sa mga bahagi ng aklat ay ini-edit o inipon pagkatapos na mamatay si Josue.Panahon ng Pagkasulat: Ang aklat ni Josue ay isinulat sa pagitan ng 1400 and 1370 B.C.
Layunin ng Sulat: Isinalaysay sa Aklat ni Josue ang mga kampanyang militar ng Israel sa pagsakop sa mga kaharian na nakatira sa lupang ipinangako ng Diyos. Pagkalabas sa Ehipto at pagkatapos ng apatnapung taon ng paglalagalag sa ilang, ang bagong bansa ay handa na upang pasukin ang Lupang Pangako, lupigin ang mga naninirahan doon at okupahan ang teritoryo. Ang pangkalahatang salysay na mababasa sa Aklat ni Josue ay nagbibigay sa atin ng mga pinili at maiiksing detalye ng maraming labanan at pamamaraan hindi lamang kung paano nila sinakop ang lupain kundi kung paano rin hinati ang lupain sa bawat lipi ng Israel.
Mga Susing Talata: Josue 1:6-9, "Magpakatatag ka, at lakasan mo ang iyong loob. Ikaw ang mamumuno sa bayang ito sa pananakop nila sa lupaing ibibigay ko sa kanila, ayon sa aking pangako sa inyong mga ninuno. Ngunit dapat kang magpakatatag at magpakatapang. Sundin mong mabuti ang Kautusang ibinigay sa inyo ni Moises. Huwag mong susuwayin ang anumang itinatagubilin doon, at magtatagumpay ka sa lahat mong gagawin. Huwag mong kaliligtaang basahin ang aklat na yaon. Dili-dilihin mo iyon araw-gabi upang matupad mo ang lahat ng nasusulat doon. Sa gayon, giginhawa ka at magtatagumpay. Alalahanin mong lagi itong aking tagubilin: Magpakatatag ka at tibayan mo ang iyong loob. Huwag kang matatakot o mawawalan ng pag-asa. Ako, si Yahweh, ang iyong Diyos, ay sasaiyo saan ka man pumunta."
Josue 24:14-15, "Kaya naman ngayon, sambahin ninyo si Yahweh at paglingkuran ninyo siya nang tapat. Kalimutan na ninyo ang mga diyus-diyusang dating sinasamba ng inyong mga ninuno sa Mesopotamia at sa Ehipto. Si Yahweh lamang ang inyong paglingkuran. At kung ayaw ninyong maglingkod kay Yahweh, sabihin ninyo kung kanino kayo maglilingkod: sa diyus-diyusang sinamba ng inyong mga ninuno sa Mesopotamia, o sa mga diyus-diyusan ng mga Amorreo, na sinasamba dito sa lupaing inyong tinatahanan. Ngunit ako at ang aking angkan ay kay Yahweh lamang maglilingkod."
Maiksing pagbubuod: Ipinagpatuloy ng Aklat ni Josue ang kasaysayan ng mga Isrelita pagkatapos ng kanilang paglabas sa Ehipto. Isinalaysay sa aklat ang humigit kumulang sa 20 taon ng pangunguna ni Josue sa mga Israelita matapos na hirangin siya ng Diyos bilang kahalili ni Moises sa pagtatapos ng aklat ng Deuteronomio.
Kabanata 1-12: Pagpasok at pagsakop sa Lupang Pangako
Kabanata 13-22: Direksyon sa paghahati sa mga bahagi ng Lupang Pangako
Kabanata 23-24: Ang mga salita ng pamamaalam ni Josue
Mga pagtukoy kay Kristo: Ang kuwento ng patutot na si Rahab at ang kanyang malaking pananampalataya sa Diyos ng mga Israelita ay binigyang halaga kasama ng mga taong pinarangalan dahil sa kanilang pananampalataya sa Hebreo 11:31. Ang kanyang kuwento ay kuwento ng biyaya ng Diyos sa makasalanan at kaligtasan sa pamamagitan lamang ng pananampalataya. Ang pinakamahalaga sa lahat, sa biyaya ng Diyos ay nakabilang siya sa lahing pinanggalingan ni Hesus (Mateo 1:15).
Ang isa sa mga seremonyang pang ritwal sa Josue 5 ay may perpektong katuparan sa Bagong Tipan. Inilarawan sa talata 1-9 ang utos ng Diyos na ang mga ipinanganak sa ilang ay dapat tuliin pagpasok nila sa Lupang Pangako. Sa pamamagitan nito, "aalisin nila ang kahihiyan ng Ehipto" mula sa kanila, na nangangahulugan na nilinis Niya sila sa mga kasalanan ng dati nilang buhay. Inilalarawan sa Colosas 1:10-12 ang mga mananampalataya bilang mga taong tinuli ni Kristo ang puso, at sa pamamagitan nito ay pinutol na ang makasalanang kalikasan ng ating mga dating buhay na wala si Kristo.
Ipinatayo ng Diyos ang mga taguang lunsod upang makatira doon ang mga tao na aksidentend nakamatay ng hindi natatakot sa paghihiganti ng mga kamag-anak ng kanilang aksidenteng napatay. Si Kristo ang ating kanlungan, "tayong nakatagpo sa kanya ng kalinga ay panatag ang loob na umaasa sa mga pangako niya."
Ang tema ng aklat ni Josue ay ang teolohiya ng kapahingahan. Pagkatapos ng paglalagalag ng mga Isrelita sa ilang sa loob ng 40 taon, sa wakas ay nakatagpo din sila ng kapahingahan na inihanda sa kanila ng Diyos sa lupain ng Canaan. Ginamit ng manunulat ng Hebreo ang insidenteng ito bilang babala na huwag nating hayaan na ang kasalanan ng hindi paniniwala ay makahadlang sa atin upang hindi makapasok sa kapahingahan ng Diyos na matatagpuan kay Kristo (Hebreo 3:7-12).
Praktikal na Aplikasyon: Isa sa mga susing talata ng aklat ni Josue ay ang 1:8, "Huwag mong kaliligtaang basahin ang aklat na yaon. Dili-dilihin mo iyon araw-gabi upang matupad mo ang lahat ng nasusulat doon. Sa gayon, giginhawa ka at magtatagumpay." Ang Lumang Tipan ay puno ng kuwento ng mga tao na nalimutan ang Diyos at ang Kanyang Salita at nakaranas ng nakakakilabot na konsekwensya. Para sa Kristiyano, ang Salita ng Diyos ang ating buhay. Kung kalilimutan natin ito, magdurusa tayo sa buhay na ito. Ngunit kung isasapuso natin ang mga prinsipyo sa 1:8 ng Josue, magiging kumpleto tayo at magagamit tayo ng Diyos sa Kanyang kaharian (2 Timoteo 3:16-17), at gayundin naman, makakamtan natin ang mga pangako ng Diyos sa Josue 1:8-9.
Si Josue ang pangunahing halimbawa ng pakinabang sa isang karapatdapat na tagapagturo. Nanatili siyang malapit kay Moises sa loob ng maraming taon. Nakita niya kung paano sumunod sa Diyos si Moises sa isang pamamaraan na halos walang kapintasan. Natuto siyang manalangin sa isang personal na paraan dahil sa halimbawa ni Moises. Natutuhan niyang sumunod sa Diyos sa pamamagitan ng halimbawa ni Moises. Natuto din si Josue mula sa mga maling desisyon ni Moises na naging dahilan upang hindi niya maranasan ang kagalakan ng pagpasok sa Lupang Pangako. Kung nabubuhay ka, Ikaw rin ay isang tagapagturo. May isang tao, saan man, na nagmamasid sa iyo. May mga kabataan o mga tao na iyong naiimpluwensyahan sa pamamagitan ng pagmamasid sa iyong pamumuhay. May isang taong natututo sa iyo. May isang tao na susunod sa iyong halimbawa. Ang pagtuturo ay higit sa mga salita na sinasabi ng isang guro. Ang kanyang buong buhay, kilos at gawa ay nakikita ng lahat at nagsisilbing modelo sa mga nagnanais na sumunod sa Diyos.
English
Aklat ni Josue