settings icon
share icon

Aklat ng Roma

Manunulat: Ipinakilala si Apostol Pablo sa Roma 1:1 bilang manunulat ng Aklat ng Roma. Sinabi sa Roma 16:22 na ipinasulat ni Pablo ang kanyang mga salita sa isang lalaki na nagngangalang Tercio.

Panahon ng Pagkasulat: Ang Aklat ng Roma ay maaaring nasulat sa pagitan ng A.D. 56 at 58.

Layunin ng Sulat: Gaya ng iba pang mga sulat ni Pablo sa mga iglesya, layunin ni Pablo sa pagsulat sa Aklat ng Roma na ipahayag ang kaluwalhatian ng Panginoong Hesu Kristo sa pamamagitan ng pagtuturo ng doktrina, pagpapalakas at pagpapatatag sa pananampalataya na kanyang sinulatan. Kapansin-pansin sa sulat na ito na Pablo ang kanyang pagmamalasakit sa kanyang mga sinulatan - sa mga taga Roma na: "mga inibig ng Diyos at tinawag upang maing banal" (Roma 1:7). Dahil siya mismo ay isang mamamayang Romano, mayroon siyang natatanging pagmamalasakit para sa mga mananampalataya sa Roma. Dahil hindi pa siya nakadalaw kahit minsan sa Roma ng isulat niya ang sulat na ito, ang sulat na ito ang nagpapakilala sa kanya sa kanila.

Mga Susing Talata: Roma 1:16, "Hindi ko ikinahihiya ang Mabuting Balita tungkol kay Cristo, sapagkat ito ang kapangyarihan ng Diyos sa ikaliligtas ng bawat nananampalataya---una'y sa mga Judio at gayon din sa mga Griego."

Roma 3:9-11, "Ano nga? Tayo bang mga Judio ay nakalalamang sa mga Hentil? Hindi! Sapagkat napatunayan namin na nasa ilalim ng kapangyarihan ng kasalanan ang lahat ng tao, maging Judio o Griego. Ayon sa nasusulat: "Walang matuwid, wala kahit isa; walang nakauunawa, walang humahanap sa Diyos."

Roma 3:21, "Ngunit ngayo'y nahayag na ang pagpapawalang-sala ng Diyos sa mga tao. Ito'y hindi sa pamamagitan ng batas, bagamat ito'y pinatotohanan ng Kautusan at ng mga propeta."

Roma 3:23: "Sapagkat ang lahat ay nagkasala at walang sinumang karapat-dapat sa paningin ng Diyos."

Roma 5:8, "Mapalad ang tao na ang mga kasalanan ay nilimot na ng Panginoon."

Roma 6:23, "Sapagkat kamatayan ang kabayaran ng kasalanan, ngunit ang kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon."

Roma 8:9, "Ngunit hindi na kayo namumuhay ayon sa laman kundi ayon sa Espiritu, kung talagang nananahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos. Kung ang Espiritu ni Cristo'y wala sa isang tao, hindi siya kay Cristo."

Roma 8:28: "Alam nating sa lahat ng bagay, ang Diyos ay gumagawang kasama ang mga nagmamahal sa kanya, ang mga tinawag ayon sa kanyang panukala, sa kanilang ikabubuti."

Roma 8:37-39, "Hindi! Ang lahat ng ito'y kayang-kaya nating pagtagumpayan sa pamamagitan niya na nagmamahal sa atin. Sapagkat natitiyak kong ang kamatayan, ang buhay, ang mga anghel, ang mga pamunuan, ang mga bagay sa kasalukuyan, ang mga bagay na darating, ang mga kapangyarihan, ang kataasan, ang kalaliman, o ang alinmang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos---pag-ibig na ipinadama niya sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon."

Roma 10:9-10, "Kung ipahahayag ng iyong mga labi na si Jesus ay Panginoon at mananalig ka nang buong puso na siya'y muling binuhay ng Diyos, maliligtas ka. Sapagkat nananalig ang tao sa pamamagitan ng kanyang puso at sa gayo'y napawawalang-sala; at nagpapahayag sa pamamagitan ng kanyang labi at sa gayo'y naliligtas."

Roma 12:1, "Kaya nga, mga kapatid, alang-alang sa masaganang habag ng Diyos sa atin, ako'y namamanhik sa inyo: ialay ninyo ang inyong sarili bilang handog na buhay, banal at kalugud-lugod sa kanya. Ito ang karapat-dapat na pagsamba ninyo sa Diyos."

Roma 12:19, "Mga minamahal, huwag kayong maghiganti; ipaubaya ninyo iyon sa Diyos. Sapagkat nasusulat, "Akin ang paghihiganti, ako ang gaganti, sabi ng Panginoon"

Roma 16:17, "Ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, tandaan ninyo ang mga lumilikha ng pagkakampi-kampi at nagiging sanhi ng pagtalikod sa mga aral na tinanggap ninyo; iwasan ninyo sila."

Maiksing Pagbubuod: Nananabik si Pablo na makapagministeryo sa iglesya sa Roma at alam ito ng lahat (Roma 1:8-15). Isinulat ang Aklat ng Roma mula sa Corinto bago magtungo si Pablo sa Jerusalem upang dalhin ang mga abuloy para sa mahihirap doon. Ninais niya na magtungo sa Roma at pagkatapos ay sa Espanya (Roma 15:24), ngunit nagbago ang kanyang plano ng hulihin siya sa Jerusalem. Sa huli, makakapunta din siya sa Roma bilang isang bilanggo. Maaaring sii Febe na isang miyembro ng Iglesya sa Cencrea malapit sa Corinto (Roma 16:1), ang nagdala ng sulat na ito ni Pablo sa Roma.

Ang Aklat ng Roma ay isang akat ng doktrina at maaaring hatiin sa apat na bahagi: ang pangangailangan ng katuwiran, 1:18-3:20; ang pagkakaloob ng katuwiran, 3:21"8:39; ang pagpapatibay sa katuwiran, 9:1-11:36; at pagsasanay sa katuwiran, 12:1-15:13. Ang pangunahing tema ng sulat ay katuwiran. Sa gabay ng Espiritu, unang kinundena ang lahat ng tao dahil sa kanilang kasalanan. Ipinahayag ni Pablo ang kanyang pagnanais na ipangaral ang Salita ng Diyos sa Roma. Ito ang kanyang pag-asa upang mananatili sila sa tamang daan ng pananampalataya. Binigyang diin niya na hindi niya ikinahihiya ang Ebanghelyo (Roma 1:16), dahil ito ang kapangyarihan ng Diyos sa sinumang sumasampalataya.

Ipinapahayag sa atin ng Aklat ng Roma kung sino ang Diyos at ano ang Kanyang ginawa. Ipinapahayag din nito sa atin si Hesu Krusto at kung ano ang ginawa ng Kanyang kamatayan. Isinasaysay nito kung sino tayo noong wala pa tayo kay Kristo at kung sino tayo pagkatapos nating sumampalataya kay Kristo. Isinaysay ni Pablo na walang anumang hiningi ang Diyos sa tao bago sila lumapit kay Kristo at namatay si Kristo para sa atin noong tayo'y makasalanan pa.

Koneksyon sa Lumang Tipan: Gumamit si Pablo ng mga pangalan maging ng mga pangyayari mula sa Lumang tipan bilang ilustrasyon ng maluwalhating katotohanan ng Aklat ng Roma. Sumampalataya si Abraham at ibinilang siyang matuwid ng Diyos hindi dahil sa kanyang gawa kundi dahil sa kanyang pananampalataya (Roma 4:1-5). Sa Roma 4:6-9, binanggit ni Pablo si David upang ulitin ang parehong katotohanan: "Kaya't tinawag ni David na mapalad ang taong pinawalang-sala nang di dahil sa mga gawa: "Mapapalad yaong ang mga pagsuway ay ipinatawad na, at ang mga kasalana'y napawi na. Mapalad ang tao na ang mga kasalanan ay nilimot na ng Panginoon." Ang pagpapala bang ito'y para sa mga tuli lamang? Hindi! Ito'y para rin sa mga hindi tuli. Sinasabi natin, batay sa Kasulatan, na pinawalang-sala si Abraham dahil sa kanyang pananalig." Ginamit din ni Pablo si Adan upang ipaliwanag ang doktrina tungkol sa minanang kasalanan at gayundin ang kuwento ni Sara at Isaac, ang ipinangakong anak, upang ilarawan ang prinsipyo ng pagiging anak ng Diyos ng mga Kristiyano sa pamamagitan ng Panginoong Hesu Kristo. Sa kabanata 9-11, inalala ni Pablo ang kasaysayan ng bansang Israel at idineklara na hindi tuluyang tinanggihan ng Diyos ang Israel (Roma 11:11-12), ngunit hinayaan Niya sila na "matisod" hanggang makaabot sa kaukulang bilang ang mga Hentil na maliligtas.

Praktikal na Aplikasyon: Nilinaw ng Aklat ng Roma na wala tayong magagawa upang iligtas ang ating sarili. Ang bawat "mabubuting gawa" na ating ginagawa ay pawang maruming basahan lamang sa paningin ng Diyos. Patay tayo sa ating mga kaasalanan at pagsuway at tanging ang grasya at habag lamang ng Diyos ang makapagliligtas sa atin. Ipinahayag ng Diyos ang kanyang biyaya at habag ng ipadala Niya ang Kanyang Anak na si Hesu Kristo upang mamatay sa krus para sa atin. Kung isusuko natin ang ating buhay kay Kristo, hindi na tayo maaalipin pa ng ating makasalanang kalikasan, sa halip pananahanan at kokontrolin tayo ng Banal na Espiritu. Kung ipahahayag ng ating mga labi na si Hesus ang Panginoon at mananampalataya na nabuhay Siyang muli mula sa mga patay, maliligtas tayo at isisilang na muli. Kailangan nating ipamuhay ang ating mga buhay bilang buhay na handog sa Diyos. Ang pagsamba sa Diyos na nagligtas sa atin ang nararapat na pinakamataas nating naisin sa buhay na ito. Maaaring ang pinakamagandang aplikasyon sa atin ng Aklat ng Roma ay ang Roma 1:16. Hindi natin dapat na ikahiya ang Ebanghelyo, sa halip, dapat tayong maging tapat sa pangangaral ng Ebanghelyong ito.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Aklat ng Roma
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries