Tanong
Ano ang Aklat ng Buhay?
Sagot
Sinasabi sa Pahayag 20:15, “At kung ang sinoman ay hindi nasumpungang nakasulat sa aklat ng buhay, ay ibinulid sa dagatdagatang apoy.” Ang Aklat ng Buhay sa kontekstong ito ay ang listahan ng pangalan ng mga taong makakasama ng Diyos sa Kanyang kaluwalhatian magpakailanman. Ito ang aklat talaan ng mga ligtas. Ang Aklat na ito ng Buhay ay binanggit din sa Pahayag 3:5; 20:12; at Filipos 4:3. Tinatawag din ang aklat na ito na Aklat ng Buhay ng Kordero dahil naglalaman ito ng mga pangalan ng mga taong tinubos ng dugo ng Panginoong Hesu Kristo (Pahayag 13:8; 21:27).
Paano ka makatitiyak na ang iyong pangalan ay nakasulat sa Aklat ng Buhay? Tiyakin mo na ikaw ay ligtas na. Magsisi ka sa iyong mga kasalanan at sumampalataya sa Panginoong Hesu KRisto bilang iyong Tagapagligtas (Filipos 4:3; Pahayag 3:5). Kung nakasulat ang iyong pangalan sa Aklat ng Buhay, hindi na iyon mabubura kailanman (Pahayag 3:5; Roma 8:37-39). Walang sinumang totoong mananampalataya ang dapat na pagdudahan ang kanilang walang hanggang kaligtasan kay Kristo (Juan 10:28-30).
Ang Dakilang Paghuhukom sa harap ng Puting Trono na inilarawan sa Pahayag 20:11-15 ay ang paghatol sa mga hindi mananampalataya. Malinaw na itinuturo sa mga talatang ito na walang sinumang nakasulat ang pangalan sa AKlat ng Buhay ang huhukuman ni Kristo (Pahayag 20:12-14). Ang hantungan ng mga hindi mananampalataya ay itinakda na at hindi na magbabago; hindi nakasulat ang kanilang mga pangalan sa Aklat ng Buhay at tiyak ang kanilang kaparusahan.
May ilang ginagamit ang Pahayag 3:5 na “katibayan” na maaaring mawala ang kaligtasan ng isang tao. Gayunman, malinaw ang pangako ng Panginoon sa Pahayag 3:5 na hindi hindi Niya buburahin ang pangalan ng sinumang nakasulat sa Aklat ng Buhay: “Ang magtagumpay ay… hindi ko papawiin sa anomang paraan ang kaniyang pangalan sa aklat ng buhay...” Ang isang mapagtagumpay ay isang taong nananaig laban sa mga tukso, pagsubok at kasamaan sa mundong ito – sa ibang salita ito ang isang taong tinubos. Ang mga ligtas na ay nakasulat sa aklat ng Diyos at pinangakuan Niya sila ng walang hanggang kaligtasan.
Ang isa pang talata na nagdudulot minsan ng pagkalito ay ang Awit 69:28, “At dagdagan mo ng kasamaan ang kanilang kasamaan: at huwag silang masok sa iyong katuwiran. Mapawi sila sa aklat ng buhay, at huwag masulat na kasama ng matuwid. ” Ang aklat na ito ng mga “nabubuhay” ay kakaiba sa sa Aklat ng Buhay ng Kordero. Ang tinutukoy dito ni David ay ang panlupa at pisikal na buhay sa mundo hindi ang walang hanggang buhay sa langit. Ito rin ang aklat na tinutukoy sa Exodo 32:32-33.
Nagiingat ang Diyos ng listahan ng Kanyang mga hinirang. Kilala Niya ang sa Kanya, at isinulat Niya ang pangalan ng Kanyang mga anak ng permanente sa Kanyang Aklat. English
Ano ang Aklat ng Buhay?