settings icon
share icon

Aklat ni Ageo

Manunulat: Tinutukoy sa Ageo 1:1 na si Propeta Ageo ang manunulat ng Aklat ni Ageo.

Panahon ng Pagkasulat: Aklat ni Ageo ay naisulat noong mga 520 B.C.

Layunin ng Sulat: Pinagsikapan ni Ageo na hamunin ang bayan ng Diyos tungkol sa kanilang mga prioridad. Tinawag niya ang mga ito upang magbigay-galang at magpuri sa Diyos sa pamamagitan ng pagpapatayo ng Templo sa kabila ng pagsalungat ng mga mamamayan at ng mga opisyal. Sinabihan sila ni Ageo na huwag panghinaan ng loob dahil ang Templong ito ay hindi kasingrangyang tulad ng kay Solomon. Ipinamanhik niyang tumalikod sila mula sa karumihan ng kanilang pamumuhay at magtiwala sa kataas- taasang kapangyarihan ng Diyos. Ang Aklat ni Ageo ay paalaala ng mga problemang kinaharap ng bayan ng Diyos nang panahong iyon, kung paanong matapang na nagtiwala ang mga tao sa Diyos at kung paanong ibinigay ng Diyos ang Kanilang mga pangangailangan.

Mga Susing Talata: Ageo 1:4, "Panahon baga sa inyo na tumahan sa inyong mga nakikisamihang bahay, samantalang ang bahay na ito ay namamalaging wasak?"

Ageo 1:5-6, "Ngayon nga'y ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Gunitain ninyo ang inyong mga lakad. Kayo'y nangaghasik ng marami, at nagsisiani ng kaunti; kayo'y nagsisikain, nguni't hindi kayo nagkaroon ng kahustuhan; kayo'y nagsisiinom, nguni't hindi kayo nangapapatirang-uhaw; kayo'y nangananamit, nguni't walang mainit; at yaong kumikita ng mga pinagarawan ay kumikita ng mga pinagarawan upang ilagay sa supot na may mga butas."

Ageo 2:9, "Ang huling kaluwalhatian ng bahay na ito ay magiging lalong dakila kay sa dati, sabi ng Panginoon ng mga hukbo; at sa dakong ito ay magbibigay ako ng kapayapaan, sabi ng Panginoon ng mga hukbo."

Maiksing Pagbubuod: Pagbubulayan ba ng bayan ng Diyos ang kanilang mga prioridad, magiging matapang, at kikilos ayon sa mga pangako ng Diyos? Hinahangad ng Diyos na balaan ang mga tao na sundin ang Kanyang mga salita. Hindi lamang Niya sila binalaan, kung hindi inalok ng mga pangako sa pamamagitan ng lingkod Niyang si Ageo upang udyukan silang sumunod sa Kanya. Dahil binaligtad ng bayan ng Diyos ang kanilang mga prioridad at nabigong unahin ang Diyos sa kanilang buhay, ang mga mamamayan ng Juda ay ipinatapon sa Babilonia. Bilang sagot sa panalangin ni Daniel at bilang pagsasakatuparan ng mga pangako ng Diyos, inutusan ng Diyos si Ciro, ang hari ng Persia na hayaan ang mga ipinatapong Judio na magbalik sa Jerusalem. Tuwang- tuwang umuwi ang isang grupo ng Judio sa kanilang bayan, inuna ang Diyos sa kanilang buhay, sinamba Siya at sinimulang gawin muli ang templo ng Jerusalem ng walang tulong ng mga mamamayan gayundin ng pamahalaan ng Persia sa humigit kumulang 15 taon.

Mga Pagtukoy kay Kristo: Katulad ng halos lahat ng mga aklat ng mga minor na propeta, natapos ang Ageo sa mga pangako ng panunumbalik at pagpapala. Sa huling talata, Ageo 2:23, gumamit ang Diyos ng isang kakaibang mesyanik na titulo na tumutukoy kay Zorobabel, "Aking Tagapaglingkod" (Ikumpara 2 Samuel 3:18; 1 Mga Hari 11:34; Isaias 42:1-9; Ezekiel 37:24,25). Sa pamamagitan ni Ageo, ipinangako ng Diyos na gagawin siyang parang singsing na may selyo, na isang simbulo ng dangal, awtoridad, at kapangyarihan, parang kapareho ng setro ng hari na ginagamit pangtatak ng mga liham at kautusan. Bilang singsing na may selyo ng Diyos,kinakatawan ni Zorobabel ang tahanan ni David at ang pagpapanumbalik ng mesyanik na lahi na naputol dahil sa pagkakatapon nila sa Babilonia. Pinanumbalik ni Zorobabel ang mga lahing hari ni David na hahantong sa magpakailanmang paghahari ni Kristo. Lumitaw si Zorobabel sa parehong panig ng lahi ni Kristo, sa panig ni Jose (Mateo 1:12) at ni Maria (Lukas 3:27).

Praktikal na Aplikasyon: Ang Aklat ng Ageo ay nagpapakita ng mga pangkaraniwang problemang kinahaharap ng maraming tao ngayon. Hinahamon tayo ni Ageo na: 1) suriin ang ating mga pinahahalagahan upang makita natin kung tayo'y mas interesado sa ating pansariling kasiyahan sa halip na gumawa para sa Diyos; 2) itaboy ang ugaling talunan kapag nakakaranas ng pagsalangsang o nakapanlulumong mga pangyayari; 3) aminin ang ating mga kakulangan at piliing mamuhay ng dalisay sa harap ng Diyos; 4) kumilos ng buong katapangan para sa Diyos dahil mayroon tayong kasiguraduhan na Siya ay kasama natin palagi at may kontrol sa ating mga kalagayan; at 5) manahang tiwasay sa mga kamay ng Diyos na nalalamang pagpapalain Niya tayo ng may kasaganaan habang tapat natin Siyang pinaglilingkuran.

English



Pagsusuri sa Lumang Tipan

Aklat ni Ageo
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries