Aklat ni Daniel
Manunulat: Binanggit sa aklat na si Propeta Daniel ang manunulat (Daniel 9:2; 10:2). Binanggit din ni Hesus na si Daniel ang manunulat ng Aklat ni Daniel. (Mateo 24:15).Panahon ng Pagkasulat: Ang aklat ni Daniel ay maaaring naisulat sa pagitan ng 540 at 530 B.C.
Layunin ng Sulat: Noong 605 B.C, sinakop ni Haring Nabucodonosor ng Babilonia ang Juda at itinapon ang marami nitong mamamayan sa Babilonia- kasama si Daniel. Naglingkod si Daniel sa sambahayan ni Nabucodonosor at ilang pang pinuno na sumunod kay Nabucodonosor. Itinala ng Aklat ni Daniel ang mga gawa, mga hula, at pangitain ni Propeta Daniel.
Mga Susing Talata: Daniel 1:19-20, "Isa-isa silang kinausap ng hari, ngunit nakita niyang nakahihigit sina Daniel, Ananias, Misael at Azarias. Kaya, sila ang napili ng hari upang maglingkod sa palasyo. Sa lahat ng bagay na isangguni sa kanila, nakita ng hari na higit na di hamak ang kaalaman nila kaysa mga salamangkero at engkantador ng kaharian."
Daniel 2:31, "Mahal na hari, ang napanaginip ninyo ay isang malaki at nakasisilaw na rebulto. Nakatayo ito sa harap ninyo at nakatatakot tingnan."
Daniel 3:17-18, "Gawin ninyo kung iyan ang gusto ninyo. Ang Diyos na aming pinaglilingkuran ang magliligtas sa amin sa pugong iyon at sa inyong kapangyarihan. At kung hindi man niya gawin ito, hindi pa rin kami sasamba sa rebultong ipinagawa ninyo."
Daniel 4:34-35, "v34"Pagkatapos ng takdang panahon, akong si Nabucodonosor ay tumingin sa langit at nanumbalik ang dati kong isip. Dahil dito, pinuri ko't pinasalamatan ang Kataas-taasang Diyos, ang nabubuhay magpakailanman. Ang paghahari niya'y walang hanggan, ang pamamahala niya'y walang katapusan. Lahat ng nabubuhay ay walang halaga. Ginagawa niya sa hukbo ng langit ang balang ibigin niya. Walang maaaring mag-utos sa kanya ni makasisiyasat sa kanyang ginagawa."
Daniel 9:25-27, "Unawain mo ito: mula sa pagkabigay ng utos na muling itindig ang Jerusalem hanggang sa pagdating ng prinsipeng hinirang ng Diyos ay lilipas ang apatnapu't siyam na taon. Muling itatayo na ang Jerusalem. Aayusin ang mga lansangan at muog at mananatiling gayon sa loob ng 434 taon. Ngunit ang panahong iyon ay paghaharian ng kaguluhan. Pagkalipas ng 434 taon, isang hinirang ng Diyos ay papatayin. Ang lunsod ng templo'y wawasakin ng hukbo ng isang makapangyarihang hari. Ang pagkawasak ay darating na parang baha at magkakaroon ng digmaan hanggang sa wakas na itinakda ng Diyos. Ang pinunong ito'y gagawa ng isang matibay na pakikipagkasundo sa makapal na tao sa loob ng pitong taon. Pagkaraan ng tatlong taon at kalahati, pipigilin niya ang paghahandog. Itataas niya sa templo ang Kalapastanganang Walang Kapantay at mananatili siya roon hanggang sa ang naglagay sa kanya ay parusahan ng Diyos ayon sa itinakda sa kanya."
Maiksing Pagbubuod: Ang Aklat ng Daniel ay maaaring hatiin sa tatlong bahagi. Ang unang kapitulo ay naglalarawan sa pananakop sa Jerusalem ng mga taga- Babilonia. Kasama ng marami pang iba, si Daniel at ang kanyang tatlong kaibigan ay ipinatapon sa Babilonia at dahil sa kanilang katapangan at ang maliwanag na pagpapala ng Diyos sa kanila, sila'y "itinaas" sa paglilingkod sa hari (Daniel 1: 17- 20).
Itinala sa Kapitulo 2- 7 na nagkaroon ng panaginip si Nabucodonosor na tanging si Daniel lamang ang nakapagpaliwanag ng tama. Ang panaginip ni Nabucodonosor ng isang malaking rebulto ay sumasagisag sa mga kahariang maitatayo sa hinaharap. Gumawa si Nabucodonosor ng bantog na rebulto ng kanyang sarili at pinilit ang lahat na sambahin ito. Sina Sadrac, Mesac, at Abednego ay tumanggi at himalang iniligtas ng Diyos sa kabila ng pagtapon sa kanila sa loob ng nagniningas na hurno. Si Nabucodonosor ay hinatulan ng Diyos sa kanyang kahambugan, ngunit pagkalipas ay pinatawad nang makilala at inamin ang paghahari ng Diyos.
Itinala sa Daniel Kapitulo 5 na ang anak ni Nabucodonosor na si Belsasar ay ginamit ng mali ang mga bagay na nakuha mula sa Templo sa Jerusalem at dahil dito nakatanggap siya ng mensahe mula sa Diyos, na nakasulat sa pader. Tanging si Daniel ang nakapagpaliwanag ng sulat, isang mensahe ng paparating na paghatol mula sa Diyos. Itinapon si Daniel sa loob ng kulungan ng mga leon dahil sa pagtanggi na manalangin sa rebulto ng emperador, ngunit siya'y himalang nakaligtas. Binigyan siya ng Diyos ng pangitain ng apat na halimaw. Ang apat na halimaw ay kumakatawan sa kaharian ng Babilonia, Medo- Persia, Gresya, at Roma.
Ang Kapitulo 8-12 ay naglalaman ng isang pangitain tungkol sa isang tupang lalake, isang kambing at maraming mga sungay- tumutukoy din sa susunod na mga kaharian at kanilang mga pinuno. Sa Kapitulo 9 ng Daniel, itinala ang "pitumpung linggong" panghuhula. Binigyan ng Diyos si Daniel ng eksaktong panahon kung kailan ang Mesiyas ay darating at papatayin. Ang hula ay nagsasabi rin ng isang pinuno sa hinaharap na gagawa ng pitong taong pakikipagtipan sa Israel at sisirain ito makalipas ang tatlo at kalahating taon, dagling kasunod pagkatapos ng dakilang paghuhukom at katapusan ng lahat ng bagay. Si Daniel ay dinalaw at pinalakas ng isang anghel pagkatapos ng dakilang pangitain, at pinaliwanag ng anghel ang pangitain kay Daniel ng mas detalyado.
Mga Pagtukoy tungkol kay Kristo: Nakita natin sa mga kwento ng naglalagablab na hurno at si Daniel sa kulungan ng mga leon ang pagpapahiwatig ng kaligtasang kaloob ni Kristo. Ang tatlong kalalakihan ay nagpahayag na ang Diyos ay isang nagliligtas na Diyos na kayang magbigay ng paraan ng pagtakas mula sa kapahamakan (Daniel 3:17). Sa parehong kaparaanan, sa pagpapadala kay Hesus upang mamatay para sa ating mga kasalanan, pinagkalooban tayo ng Diyos ng kaligtasan mula sa apoy ng impiyerno (1 Peter 3:18). Sa kaso ni Daniel, ang Diyos ay nagpadala ng anghel para itikom ang bibig ng mga leon at iiligtas siya mula sa kamatayan. Si Hesukristo ang ating lunas mula sa panganib ng kasalanan na nagbabantang lumipol sa atin.
Ang pangitain ni Daniel ng paghuhukom ay nagpapakita sa Mesiyas ng Israel na sa kung kaninong ang ating mga kasalanan, kahit kasimpula ng dugo, ay mahuhugasan at tayo ay magiging kasimputi ng niyebe (Isaiah 1:18).
Praktikal na Aplikasyon: Katulad nina Sadrac, Mesac at Abednego, kailangang lagi tayong manindigan sa anumang alam nating tama. Ang Diyos ay mas dakila kaysa anumang parusa na maaaring dumating sa atin. Kung piliin man ng Diyos na iligtas tayo o hindi, Siya ay palaging karapat-dapat sa ating pagtitiwala. Alam ng Diyos kung ano ang pinakamabuti, at pinararangalan Niya silang mga nagtitiwala at sumusunod sa Kanya.
Ang Diyos ay may plano, at ang Kanyang plano ay hanggang sa kaliit- liitang detalye. Talastas ng Diyos ang lahat at Siya ang may hawak sa hinaharap. Lahat na sinabi ng Diyos ay ganap na nagkatotoo ayon sa Kanyang pagkakasabi. Sa gayon, kailangan tayong maniwala at magtiwala na ang mga bagay na Kanyang sinabi para sa hinaharap ay mangyayari isang araw ng eksakto ayon sa pagkakadeklara ng Diyos.
English
Aklat ni Daniel