Tanong
Ano ang aklat ni Enoc at dapat bang kasama ito sa Bibliya?
Sagot
Ang aklat ni Enoc ay alinman sa ilang pseudepigraphal na aklat (mga aklat na ipinagpapalagay na sinulat umano ng isang manunulat pero hindi totoo at/o walang sapat na batayan) na isinulat umano ni Enoc, ang ninuno ni Noe; ang Enoc na ito ay ang anak ni Jared (Genesis 5:18). Si Enoc din ay isa sa tatlong tao na dinalang buhay ng Diyos patungo sa langit (ang dalawang iba pa ay si Elias at Jesus) gaya ng sinasabi ng Bibliya, "at sa buong panahong iyon ay namuhay siyang kasama ng Diyos. Pagkatapos, nawala siya sapagkat kinuha siya ng Diyos" (Genesis 5:24; tingnan din ang Hebreo 11:5). Karaniwang tinatawag sa pariralang "Aklat na Enoc" na tumutukoy sa 1 Enoc, ang aklat na ito ay tanging umiiral lamang ng buo sa salitang Etiope.
Ang aklat ni Judas, na kabilang sa mga aklat ng Bibliya ay bumanggit mula sa Aklat ni Enoc sa mga talatang 14-15, “Tungkol din sa kanila ang pahayag ni Enoc, na kabilang sa ikapitong salinlahi mula kay Adan. Sinabi niya, “Tingnan ninyo! Dumarating ang Panginoon kasama ang kanyang libu-libong mga banal na anghel upang hatulan ang lahat. Paparusahan niya ang lahat ng ayaw kumilala sa Diyos dahil sa kanilang mga kasamaan at paglapastangan sa Diyos!’” Pero hindi ito nangangahulugan na ang aklat ni Enoc ay kinasihan ng Diyos at dapat na kasama sa Bibliya.
Ang pagbanggit ni Judas ay isang lamang pagbanggit sa Bibliya mula sa isang aklat na hindi kasama sa Bibliya. Binanggit din ni Pablo ang sinabi ni Epimenides sa Tito 1:12 pero hindi iyon nangangahulugan na bibigyan din natin ng anumang karagdagang awtoridad ang mga sinulat ni Epimenides. Totoo rin ito sa Judas 1: 14-15. Ang pagbanggit ni Judas mula sa aklat ni Enoc ay hindi nagpapahiwatig na kinasihan ng Diyos ang buong aklat ni Enoc, o totoo lahat ang nilalaman ng buong aklat. Ang ibig lamang nitong sabihin ay totoo ang partikular na talata. Kapansin-pansin na walang iskolar ang naniniwala na ang aklat ni Enoc ay talagang isinulat ng isang taong nagngangalang Enoc na binanggit sa Bibliya. Si Enoc ay ikapitong henerasyon mula kay Adan, bago ang Baha (Genesis 5:1-24). May ebidensya na ang binanggit ni Judas ay totoong inihula ni Enoc—kung hindi ay hindi sasabihin ng Bibliya na ito ay galing sa kanya, “Tungkol din sa kanila ang pahayag ni Enoc, na kabilang sa ikapitong salinlahi mula kay Adan” (Judas 1:14). May ebidensya na ang sinabing ito ni Enoc ay naipasa sa pamamagitan ng tradisyon, at sa huli ay naitala sa Aklat ni Enoc.
Dapat nating ituring ang aklat ni Enoc (at ang ibang mga aklat na gaya nito) kung paano natin itinuturing ang iba pang mga sulat Apokripa. Ang ilan sa mga sinasabi ng Apokripa ay tama at ang iba naman ay mali. Pero sa parehong paraan, ang karamihan sa mga ito ay mali at hindi sinusuportahan ng kasaysayan. Kung babasahin mo ang mga aklat na ito, kailangan mong ituring ang mga ito na kawili-wili pero may pagkakamaling dokumento sa kasaysayan hindi bilang kinasihan at makapangyarihang Salita ng Diyos.
English
Ano ang aklat ni Enoc at dapat bang kasama ito sa Bibliya?