Aklat ni Ezekiel
Manunulat: Ang sumulat ng aklat ay ang Propetang si Ezekiel (Ezekiel 1:3). Siya ay sa kapanuhanan nina Jeremiah at Daniel.Panahon ng Pagkasulat: Ang Aklat ni Ezekiel ay malamang na naisulat sa pagitan ng 593 and 565 B.C. sa panahon ng pananakop ng mga Babylonian sa mga Hudyo.
Layunin ng Sulat: Pinamunuan ni Ezekiel ang kanyang henerasyon na kapwa mga lubhang masakalanan at lubos na wala ng pag-asa. Sa pamamagitan ng kanyang pagmiministeryo bilang propeta, kanyang tinangka na sila'y hikayating madali sa pagsisisi at magtiwala sa nalalapit na hinaharap. Kanyang itinuro na : (1) Ang Diyos ay kumikilos sa pamamagitan ng mga taong tagapaghatid ng Kanyang mensahe; (2) Maging sa pagkabigo at kawalan ng pag-asa kinakailangang magtiwala ang mga anak ng Diyos na Siya ang pinakamakapangyarihan sa lahat; (3) Hindi kailanman mabibigo ang Salita ng Diyos; (4) Ang Diyos ay laging nandiyan at maaring sambahin kahit saan; (5) Nararapat na sumunod ang mga tao sa Diyos kung sila'y umaasa na makatatanggap ng pagpapala; at (6) Ang Kaharian ng Diyos ay darating.
Mga Susing Talata: Ezekiel 2:3-6, "At kaniyang sinabi sa akin, Anak ng tao, sinusugo kita sa mga anak ni Israel, sa mga bansa na mapanghimagsik, na nanganghimagsik laban sa akin: sila at ang kanilang mga magulang ay nagsisalangsang laban sa akin, hanggang sa kaarawan ngang ito; At ang mga anak ay walang galang at mapagmatigas na loob; sinusugo kita sa kanila: at iyong sasabihin sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios; At sila sa didinggin man nila, o sa itatakuwil man nila (sapagka't sila'y mapanghimagsik na sangbahayan), gayon man ay matatalastas nila na nagkaroon ng propeta sa gitna nila; At ikaw, anak ng tao, huwag matakot sa kanila, o matakot man sa kanilang mga salita, bagaman maging mga dawag at mga tinik ang kasama mo, at bagaman ikaw ay tumatahan sa gitna ng mga alakdan: huwag kang matakot sa kanilang mga salita, o manglupaypay man sa kanilang mga tingin, bagaman sila'y mapanghimagsik na sangbahayan."
Ezekiel 18:4, "Narito, lahat ng kaluluwa ay Akin; kung paano ang kaluluwa ng Ama, gayon din ang kaluluwa ng Anak ay Akin: ang kaluluwa na nagkakasala ay mamamatay."
Ezekiel 28:12-14, "Anak ng tao, panaghuyan mo ang hari sa Tiro, at sabihin mo sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos, iyong tinatatakan ang kabuuan, na puno ng karunungan, at sakdal sa kagandahan; Ikaw ay nasa Eden, na halamanan ng Diyos; lahat na mahalagang bato ay iyong kasuutan, ang sardio, ang topacio, at ang diamante, ang berilo, ang onix, at ang jaspe, ang zafiro, ang esmeralda, at ang karbungko, at ang ginto: ang pagkayari ng iyong pandereta at iyong mga plauta ay napasa iyo; sa kaarawan na ikaw ay lalangin ay nangahanda; Ikaw ang pinahirang kerubin na tumatakip: at itinatag kita, na anopa't ikaw ay nasa ibabaw ng banal na bundok ng Diyos; ikaw ay nagpanhik manaog sa gitna ng mga batong mahalaga."
Ezekiel 33:11, "Sabihin mo sa kanila, Buhay ako, sabi ng Panginoong Diyos, wala akong kasayahan sa kamatayan ng masama; kundi ang masama ay humiwalay sa kaniyang lakad at mabuhay: manumbalik kayo, manumbalik kayo na mula sa inyong masasamang lakad; sapagka't bakit kayo mangamamatay, Oh sangbahayan ni Israel?"
Ezekiel 48:35, "Magkakaroon ng labing walong libong tambo ang sukat sa palibot: at ang magiging pangalan ng bayan mula sa araw na yaon ay, ANG PANGINOON AY NAROROON."
Maiksing pagbubuod: Paano ka mamumuhay sa sanlibutang naliligaw ng landas? Si Ezekiel ay nakatakdang simulan ang kanyang buhay ministeryo bilang pari sa edad na tatlumpu, siya ay pinaalis sa kanyang sariling bayan at nilisan ang Babylon sa edad na dalawampu"t lima. Sa loob ng limang taon siya ay nanghina sa kawalan ng pag-asa. Sa edad na tatlumpu, isang marilag na pangitain ng kadakilaan ni Yahweh ang bumihag sa kanya sa Babylon. Natuklasan ng propeta na ang Diyos ay hindi limitado sa makitid na saklaw lamang ng sariling bayan ni Ezekiel. Sa halip, Siya ay pangkalahatang Diyos na makapangyarihan at namamahala sa lahat ng tao at bansa. Sa Babylon inihayag ng Diyos kay Ezekiel ang Kanyang mga Salita para sa mga tao. Ang karanasan ng pagtawag ng Diyos ay nagpabago kay Ezekiel. Siya ay naging masigasig sa paglalaan ng sarili sa Salita ng Diyos. Kanyang napagtanto na siya'y walang personal na maaambag upang matulungan ang mga bihag sa kanilang mahirap na kalagayan, ngunit siya'y naniniwala na ang Salita ng Diyos ay mangungusap sa kanilang kalagayan at makapagbibigay ng katugumpayan dito. Gumamit si Ezekiel ng iba't ibang pamamaraan upang ipahatid ang Salita ng Diyos sa mga tao. Gumamit siya ng sining upang maiguhit ang larawan ng Jerusalem, mga makahulugang kilos at kakaibang asal ng sa gayon ay makakuha ng atensyon. Kanyang inahit ang buhok at balbas upang ipakita kung ano ang gagawin ng Diyos sa Jerusalem at mga naninirahan dito.
Maaring hatiin ang Aklat ni Ezekiel sa apat na bahagi:
Kabanata 1-24: mga propesiya ukol sa pagkawasak ng Jerusalem
Kabanata 25-32: mga propesiya ukol sa paghuhukom ng Diyos sa mga kalapit bansa Kabanata 33: ang huling panawagan ng pagsisisi sa Israel
Kabanata 34-48: mga propesiya hinggil sa panunumbalik sa Israel sa hinaharap
Mga pagtukoy kay Kristo: Ayon sa ika-34 na kabanata ng Aklat ni Ezekiel, binatikos ng Diyos ang mga pinuno ng Israel bilang mga bulaang alagad dahil sa kanilang mahinang pamumuno sa Kaniyang mga tao. Sa halip na alagaan ang mga tupa ng Israel, kanilang pinangalagaan ang kanilang mga sarili. Sila ay nakakakain ng mabuti, maayos ang pananamit at maayos na naaalagaan ng mga mismong tao na dapat sila ang nag-aalaga (Ezekiel 34:1-3). Sa kabaliktaran, si Hesus ay Mabuting Pastol na ibinibigay ang Kanyang buhay para sa mga tupa at siyang nangangalaga sa kanila mula sa mga lobo (Juan 10:11-12). Sa kabanata 34:4 inilarawan ang mga taong nabigong maalagaan ng pastol bilang mga mahina, maysakit, sugatan, may bali at naliligaw. Si Hesus ang Dakilang Manggagamot na nakakapagpagaling ng ating sugat espiritwal (Isaias 53:5) sa pamamagitan ng Kanyang pagkamatay sa krus. Siya na naparito upang hanapin at iligtas ang mga nawala (Lucas 19:10).
Praktikal na Aplikasyon: Ang Aklat ni Ezekiel ay panawagan sa atin upang sumama sa bago at buhay na pakikitagpo sa Diyos ni Abraham, Moises at mga propeta. Dapat tayo ang manaig kundi tayo ang madadaig. Hinahamon tayo ni Ezekiel na : maranasan ang bagong buhay sa pagtingin sa kapangyarihan ng Diyos, kaalaman, walang hanggang presensya at kabanalan; hayaan nating gabayan tayo ng Diyos; maunawaan ang lalim at kasunduan sa kasamaan na nananahan sa bawat puso ng tao; upang kilalanin na pananagutin ng Diyos ang Kaniyang mga tagapaglingkod upang magbigay babala sa kapahamakan ng mga makasalanan; maranasan ang buhay na relasyon kasama si HesuKristo, na nagsabing ang bagong kasunduan ay matatagpuan sa Kaniyang dugo.
English
Aklat ni Ezekiel