settings icon
share icon

Aklat ni Filemon

Manunulat: Si Apostol Pablo ang manunulat na Aklat ni Filemon (Filemon 1:1).

Panahon ng Pagkasulat: Ang Aklat ni Filemon ay nasulat noong humigit kumulang A. D. 60.

Layunin ng Sulat: Ang sulat kay Filemon ang pinaka-maiksi sa lahat ng mga sinulat ni Pablo kung saan tinalakay ang isyu ng pangaalipin. Ipinahihiwatig ng sulat na nasa kulungan si Pedro ng sulatin niya ito. Si Filemon ang nagmamay ari ng aliping si Onesimo. Sa bahay niya ginaganap ang mga pagtitipon ng iglesya. Sa pagmiministeryo ni Pablo sa Efeso, nagkita sila doon ni Filemon at doon nakarinig ng Ebanghelyo at naging Kristiyano si Filemon. Pinagnakawan ni Onesimo ang kanyang panginoong si Filemon at tumakas pagkatapos. Ito ang nagbigay daan sa pagtatagpo nila ni Pablo sa bilangguan. Pagaari pa rin ni Filemon si Onesimo kaya sinulatan ni Pablo si Filemon na muling tanggapin si Onesimo. Sa pamamagitan ng ministeryo ni Pablo naging Kristiyano si Filemon (Filemon 10), kaya't pinakiusapan niya ito na tanggapin muli si Onesimo bilang isang kapatid na kay Kristo hindi lamang bilang isang alipin.

Mga Susing Talata: Filemon 6: "Idinadalangin kong ang pagkakabuklod natin sa isang pananampalataya ay magbunga ng lubos na pagkaunawa sa mga kabutihang dulot ng ating pakikipagkaisa kay Cristo."

Filemon 16: "hindi na bilang alipin kundi isang minamahal na kapatid. Mahal siya sa akin, ngunit lalo na sa iyo---hindi lamang bilang isang alipin kundi isang kapatid pa sa Panginoon."

Filemon 18: "Kung siya ma'y nagkasala sa iyo o nagkautang kaya, sa akin mo singilin."

Maiksing Pagbubuod: Nagbabala si Pablo sa mga panginoon na may pananagutan sila sa kanilang mga alipin habang ang mga alipin naman ay dapat na maging responsable sa kanilang panginoon at maglingkod sa kanila ng may takot sa Diyos. Sa sulat niya kay Filemon, hindi kinundena ni Pablo ang pangaalipin ngunit pinabalik niya si Onesimo kay Filemon bilang isang kapatid hindi na bilang isang alipin lamang. Kung itinuturing ng isang amo ang kanyang alipin bilang isang kapatid, ang titulong alipin ay mawawalan na ng saysay. Hindi direktang nilalabanan ng unang iglesya ang pangaalipin ngunit itinayo nito ang bagong pundasyon para sa isang bagong relasyon sa pagitan ng alipin at panginoon. Sinikap ni Pablo na pag-isahin si Filemon at Onesimo sa diwa ng pag-ibig upang makita ni Filemon ang pangangailangan ng pagpapalaya kay Onesimo. Kung maliliwanagan ang tao ng Ebanghelyo ni Kristo, saka lamang magwawakas ang institusyon ng pangaalipin.

Koneksyon sa Lumang Tipan: Sa aklat na ito inilarawan ng buong ganda ang pagkakaiba sa pagitan ng Kautusan at ng Biyaya. Binibigyan si Filemon ng kautusan ni Moises sa Lumang Tipan at ng batas ng bansang Roma ng karapatan na parusahan ang isang tumakas na alipin na itinuturing niyang isang pag-aari. Ngunit ang Tipan ng Biyaya sa pamamagitan ng Panginoong Hesu Kristo ang dahilan upang mamayani ang pag-ibig at pantay na pagtingin sa pagitan ng isang alipin at ng kanyang panginoon.

Praktikal na Aplikasyon: Maaaring sundin ng mga panginoon, lider sa pulitika, mga may mataas na katungkulan sa mga korporasyon, mga magulang at mga miyembro ng pamilya ang utos ni Pablo na magturingan bilang magkakapatid bilang bahagi ng katawan ni Kristo. Hindi dapat na ituring ng mga Kristiyano sa makabagong panahong ito ang kanilang mga katulong bilang mga kasangkapan upang matupad ang kanilang mga ambisyon, ngunit bilang mga kapatid na nararapat na tumanggap ng mabiyayang pagtingin. Bukod dito, dapat kilalanin ng mga lider ng Kristiyanismo na mananagot sila sa Diyos sa kanilang pagtrato sa kanilang mga empleyado, Kristiyano man o hindi. Itinuro ni Pablo na magbibigay sulit tayo sa Diyos para sa lahat ng ating mga ginawa habang naririto pa tayo sa lupa (Colosas 4:1).

English
Bumalik sa Tagalog Home Page

Aklat ni Filemon
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries