Aklat ni Habacuc
Manunulat: Tinutukoy sa Habacuc 1:1 na ang Aklat ni Habacuc ay isang orakulo mula kay Propeta Habacuc.Panahon ng Pagkasulat: Ang Aklat ni Habacuc ay maaaring naisulat sa pagitan ng 610 at 605 B.C.
Layunin ng Sulat: Nagtataka si Habacuc kung bakit hinahayaan ng Diyos na dumaan sa paghihirap ang Kanyang bayan sa mga kamay ng kanilang mga kaaway. Sumagot ang Diyos at ang pananampalataya ni Habacuc ay nanumbalik.
Mga Susing Talata: Habacuc 1:2, "Oh Panginoon, hanggang kailan dadaing ako, at hindi mo didinggin? Ako'y dadaing sa iyo dahil sa pangdadahas, at hindi ka magliligtas."
Habacuc 1:5, "Mangagmasid kayo sa gitna ng mga bansa, at tumingin kayo at mamangha kayo ng kagilagilalas; sapagka't ako'y gumagawa ng isang gawain sa inyong mga kaarawan na hindi ninyo paniniwalaan bagaman saysayin sa inyo."
Habacuc 1:12, "Di baga ikaw ay mula sa walang hanggan, Oh Panginoon kong Dios, aking Banal? kami ay hindi mangamamatay..."
Habacuc 2:2-4, "At ang Panginoon ay sumagot sa akin, at nagsabi, Isulat mo ang pangitain, at iukit mo na malinaw sa mga tapyas na bato upang makatakbo ang bumabasa niyaon. Sapagka't ang pangitain ay sa panahong takda pa, at nagmamadali sa pagkatapos, at hindi magbubulaan: bagaman nagluluwat ay hintayin mo; sapagka't walang pagsalang darating, hindi magtatagal. Narito, ang kaniyang kaluluwa ay nagpapalalo, hindi tapat sa kaniya; nguni't ang ganap ay mabubuhay sa pamamagitan ng kaniyang pananampalataya."
Habacuc 2:20, "Nguni't ang Panginoo'y nasa kaniyang banal na templo: tumahimik ang buong lupa sa harap niya."
Habacuc 3:2, "Oh Panginoon, aking narinig ang kagitingan mo, at ako'y natatakot: Oh Panginoon, buhayin mo ang iyong gawa sa gitna ng mga taon; Sa gitna ng mga taon ay iyong ipabatid; Sa kapootan ay alalahanin mo ang kaawaan."
Habacuc 3:19, "Si Jehova, na Panginoon, siyang aking lakas; At ginagawa niya ang aking mga paa na gaya ng sa mga usa. At ako'y palalakarin niya sa aking mga mataas na dako."
Maiksing Pagbubuod: Ang Aklat ni Habacuc ay nagsimula sa pag-iyak ni Habacuc sa Diyos para sa kasagutan kung bakit ang mga piniling tao ng Diyos ay hinayaan Niyang maghirap sa kanilang pagkakabihag (Habacuc 1:1-4). Ibinigay ng Panginoon ang Kanyang sagot kay Habacuc at sinabing, "hindi ka maniniwala kung sinabi Ko sa iyo" (Habacuc 1:5-11). Pagkatapos ay nagpatuloy si Habacuc na sinabi, "Sige, ikaw ay Diyos, ngunit magpaliwanag ka pa rin kung bakit ito nangyayari" (Habacuc 1:17-2:1). Sinagot ulit siya ng Diyos at binigyan ng mas maraming impormasyon, at sinabihan ang mundo na tumahimik sa harapan Niya (Habacuc 2:2-20). Sa gayon ay sumulat ng panalangin si Habacuc na nagpapahayag ng matibay na pananampalataya sa Diyos, kahit sa gitna ng mga pagsubok na ito (Habacuc 3:1-19).
Mga Pagtukoy kay Kristo: Binanggit ni Apostol Pablo ang Habacuc 2:4 sa dalawang magkaibang okasyon (Mga Taga-Roma 1:17; Mga Taga-Galacia 3:11) para bigyang diin ang doktrina ng pagiging matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya. Ang pananampalataya na regalo ng Diyos at maaaring makamit sa pamamagitan ni Kristo at pananampalatayang agad na nagliligtas (Mga Taga-Efeso 2:8-9) at nagbibigay- lakas habambuhay. Nakakamit natin ang buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng pananampalataya at pamumuhay natin bilang mga Kristiyano sa pamamagitan ng parehong pananampalataya. Hindi tulad ng "pagmamalaki" sa umpisa ng talata, ang kanyang kaluluwa ay wala sa kanyang kaibuturan at ang kanyang ninanais ay hindi matuwid. Subalit silang mga pinabanal sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo ay ginawang ganap na banal sapagkat ipinagpalit Niya ang Kanyang perpektong kabanalan para ating kasalanan (2 Mga Taga- Corinto 5:21), at pinahintulutan tayong mamuhay sa pamamagitan ng pananampalataya.
Praktikal na Aplikasyon: Ang aplikasyon sa mambabasa ng Habacuc ay mayroon tayong permiso na tanungin kung ano ang ginagawa ng Diyos, ngunit ng may respeto at paggalang. Kung minsan ay hindi malinaw sa atin kung ano ang nangyayari, lalo na kung tayo'y naghihirap sa loob ng mahabang panahon o kapag parang ang mga kaaway natin ay umuunlad habang tayo'y halos nakakaraos lamang. Gayunpaman, ang Aklat ni Habacuc ay nagpapatotoo na ang Diyos ay kataas-taasan, makapangyarihan sa lahat na Diyos na may kontrol sa lahat ng bagay. Kailangan lang nating maging payapa at malaman na Siya ay kumikilos sa ating mga buhay sa lahat ng sitwasyon. Siya ay Siya at tinutupad Niya ang Kanyang mga pangako. Parurusahan Niya ang mga masasama. Kahit sa panahong hindi natin nakikita, Siya ay nasa luklukan pa rin ng sansinukob. Kailangan nating maniwala na: "Ang Diyos na si Yahweh ay aking lakas; tumatakbo akong simbilis ng usa, at iniingatang ligtas kahit sa kabundukan." (Habacuc 3:19). Ang kakayanang binibigay Niya upang magtungo sa matataas na lugar ay Kanyang paraan ng pagdadala sa atin sa mga mas matataas pang lugar kasama Siya kung saan tayo'y nakahiwalay sa mundo. Kung minsan, ang daan na dapat nating lakaran upang makarating tayo sa paroroonan ay sa pamamagitan ng paghihirap at kalungkutan, ngunit kung nananahan tayo at nagtitiwala sa Kanya, makararating tayo kung saan Niya tayo gustong makarating.
English
Aklat ni Habacuc