Aklat ni Isaias
Manunulat: Ayon sa Isaias 1:1 ang sumulat ng aklat ay ang propetang si Isaias.Panahon ng Pagkasulat: Ang Aklat ni Isaias ay nasulat sa pagitan ng 701 and 681 B.C.
Layunin ng Sulat: Ang propetang si Isaias ay isa sa mga tinawag upang magpropesiya sa Kaharian ng Juda. Ang Juda ay nasa panahon ng pagbabagong-buhay at rebelyon. Ang kaharian ay pinagbantaan ng pagwasak sa kamay ng Asiria at Ehipto, ngunit nakaligtas dahil sa awa ng Diyos. Nagpahayag si Isaias ng mensahe ukol sa pagsisisi sa kasalanan at pag-asa sa pag-iingat ng Diyos sa hinaharap.
Mga Susing Talata: Isaias 6:8, "At narinig ko ang tinig ng Panginoon, na nagsasabi, Sinong susuguin Ko, at sinong yayaon sa ganang Amin? Nang magkagayo'y sinabi ko: Narito ako; suguin mo ako."
Isaias 7:14, "Kaya't ang Panginoon nga ay magbibigay sa inyo ng tanda; narito, isang dalaga ay maglilihi, at manganganak ng isang lalake, at tatawagin ang kaniyang pangalan na Emmanuel."
Isaias 9:6, "Sapagka't sa atin ay ipinanganak ang isang bata, sa atin ay ibinigay ang isang anak na lalake; at ang pamamahala ay maaatang sa Kaniyang balikat: at ang Kaniyang pangalan ay tatawaging Kamanghamangha, Tagapayo, Makapangyarihang Diyos, Walang hanggang Ama, Pangulo ng Kapayapaan."
Isaias 14:12-13 , "Ano't nahulog Ka mula sa langit, Oh tala sa umaga, Anak ng umaga! paanong Ikaw ay lumagpak sa lupa, Ikaw na siyang nagpahina sa mga bansa!; At sinabi Mo sa Iyong sarili, Ako'y sasampa sa langit, Aking itataas ang Aking luklukan sa itaas ng mga bituin ng Diyos; at Ako'y uupo sa bundok ng kapisanan, sa mga kadulu-duluhang bahagi ng hilagaan."
Isaias 53:5-6, "Nguni't Siya'y nasugatan dahil sa ating mga pagsalangsang, Siya'y nabugbog dahil sa ating mga kasamaan, ang parusa ng tungkol sa ating kapayapaan ay nasa Kaniya; at sa pamamagitan ng Kaniyang mga latay ay nagsigaling tayo; Tayong lahat na gaya ng mga tupa ay naligaw; tayo ay tumungo bawa't isa sa kaniyang sariling daan; at ipinasan sa Kaniya ng Panginoon ang kasamaan nating lahat."
Isaias 65:25, "Ang lobo at ang kordero ay manginginaing magkasama, at ang leon ay kakain ng dayami na gaya ng baka; at alabok ang magiging pagkain ng ahas. Sila'y hindi mananakit o magpapahamak man sa Aking buong banal na bundok, sabi ng Panginoon."
Maiksing Pagbubuod: Inilantad sa Aklat ni Isaias ang paghuhukom at pagliligtas ng Diyos. Ang Diyos ay "banal, banal, banal" (Isaias 6:3) samakatwid hindi Niya maaaring pahintulutan na ang kasalanan ay hindi maparusahan (Isaias 1:2; 2:11-20; 5:30; 34:1-2; 42:25). Inilarawan ni Isaias ang papalapit na paghatol ng Diyos bilang "nagniningas na apoy" (Isaias 1:31; 30:33).
Gayun din naman, nauunawaan ni Isaias na ang ang Diyos ay Diyos ng awa, biyaya, at kahabagan (Isaias 5:25; 11:16; 14:1-2; 32:2; 40:3; 41:14-16). Ang bayan ng Israel (ang Juda at Israel) ay bulag at bingi sa mga utos ng Diyos (Isaias 6:9-10; 42:7). Inihalintulad ang Juda sa ubasan na nararapat ng tapakan (Isaias 5:1-7). Dahil lamang sa Kaniyang awa at pangako sa Israel kaya't hindi pinapahintulutan ng Diyos na ganap na mawasak ang Israel o Juda. Siya'y magdudulot ng panunumbalik, kapatawaran at kagalingan (Isaias 43:2; 43:16-19; 52:10-12).
Sa lahat ng mga aklat sa Lumang Tipan, ang Isaias ang umikot ang tema sa kaligtasan na darating sa pamamagitan ng Mesiyas. Isang araw, ang Mesiyas ay maghahari sa katarungan at katwiran (Isaias 9:7; 32:1). Ang paghahari ng Mesiyas ay magdudulot ng kapayapaan at kaligtasan sa Israel (Isaias 11:6-9). Sa pamamagitan ng Mesiyas, ang Israel ay magiging liwanag sa mga bansa (Isaias 42:6; 55:4-5). Ang kaharian ng Mesiyas sa mundo (Isaias kabanata 65-66) ay ang layon kung saan lahat ng nasa aklat ng Isaias ay patungo. Sa panahon ng paghahari ng Mesiyas ganap na mahahayag sa mundo ang kaluwalhatian ng Diyos.
Sa kabilang dako, sa Aklat ni Isaias din inihayag na ang Mesiyas ang Siyang magdurusa. Malinaw na inilarawan sa kabanata 53 ang pagdurusa ng Mesiyas para sa kasalanan. Sa pamamagitan ng Kaniyang mga sugat makakamtan ang paghilom. Sa pamamagitan ng kanyang pagpapakasakit, maaalis ang ating mga pagkakasala. Ang mga tila pagkakasalungat na ito ay nalutas sa Katauhan ni HesuKristo. Sa Kanyang unang pagdating, si Hesus ang nagpakasakit na lingkod sa Isaias kabanata 53. Sa Kanyang ikalawang pagdating, si Hesus ang Maghahari at Mamamahala sa lahat, at ang Prinsipe ng Kapayapaan (Isaias 9:6).
Mga Pagtukoy kay Kristo: Tulad ng nabanggit sa itaas, inilarawan sa kabanata 53 ang pagdating ng Mesiyas at ang paghihirap na Kanyang titiisin upang matubos ang ating mga kasalanan. Sa Kanyang kapangyarihan, iniayos ng Diyos ang bawat detalye ng pagpapapako sa krus upang maganap ang bawat ropesiya ng kabanatang ito, gayun din ang iba pang mga propesiya sa Lumang Tipan. Ang makahulugang mga larawan sa kabanata 53 ay masidhi at tumpak at naglalaman ng buong larawan ng Ebanghelyo. Si Hesus ay kinamuhian at itinanggi (talata 3; Lukas 13:34; Juan 1:10-11), sinaktan ng Diyos (talata 4; Mateo 27:46), sinugatan dahil sa ating pagsalangsang (talata 5; Juan 19:34; 1 Pedro 2:24). Sa pamamagitan ng Kanyang pagpapakasakit, Kanyang binayaran ang kaparusahan na dapat ay sa atin at naging huli at perpektong handog (talata 5; Hebreo 10:10) sa Diyos. Bagaman hindi Siya nagkasala, ipinasan sa Kanya ng Diyos ang ating mga kasalanan, at tayo'y naging katwiran ng Diyos sa Kaniya (2 Corinto 5:21).
Praktikal na Aplikasyon: Ang Aklat ng Isaias ang nagpakilala sa ating Tagapagligtas sa hindi matatanggihang detalye. Siya lamang ang tanging daan patungong langit, ang tanging paraan upang makamit ang biyaya ng Diyos, ang tanging Daan, ang tanging Katotohanan, at ang tanging Buhay (Juan 14:6; Mga Gawa 4:12). Kung ating nalalaman ang halaga ng ginawa para sa atin ni Kristo, paano natin babalewalain o matatanggihan ang "ganitong dakilang kaligtasan"? (Hebreo 2:3). Mayroon lamang tayong kaunti at maiksing taon dito sa mundo upang lumapit kay Kristo at yakapin ang kaligtasan na inaalok na nasa Kanya lamang. Wala nang ikalawang pagkakataon pagkatapos ng kamatayan, at ang walang hanggan sa impyerno ay sadyang isang napakahabang panahon.
Mayroon ba kayong mga kilala na sinasabing sila'y mga nananampalataya kay Kristo na may dalawang mukha, at mga mapagkunwari? Marahil iyon ang pinakabuod ng pananaw ni Isaias sa bansang Israel. Ang Israel ay tila matuwid sa paningin, ngunit ito ay panlabas lamang. Sa Aklat ni Isaias, hinamon ng propetang si Isaias ang Israel upang sumunod sa Diyos ng taos puso, hindi lamang sa panlabas. Ninanais ni Isaias na ang mga makakarinig at makababasa ng kanyang salita ay aminin ang pagkakasala at magbalik-loob sa Diyos para sa kanilang espiritwal na kagalingan at kapatawaran.
English
Aklat ni Isaias