Aklat ni Judas
Manunulat: Ipinakilala sa Judas 1 ang manunulat na si Judas, na alipin ni Kristo. Maaaring tumutukoy ito sa kapatid ni Hesus sa ina na si Judas na kapatid din ni Santiago na sumulat naman ng Aklat ni Santiago (Mateo 13:55). Maaaring hindi ipinakilala ni Judas ang sarili bilang kapatid ni Hesus dala ng kanyang kapakumbabaan at lubos na paggalang kay Kristo.Panahon ng Pagkasulat: Ang Aklat ni Judas ay may koneksyon sa Aklat ng 2 Pedro. Ang panahon ng pagkasulat ng aklat ay nakadepende kung si Judas ang gumamit ng nilalaman ng aklat ng 2 Pedro o si Pedro ang gumamit ng nilalaman ng Aklat ni Hudas ng sulatin niya ang Aklat ng 2 Pedro. Ang Aklat ni Judas ay isinulat sa pagitan ng A.D. 60 at 80.
Layunin ng Sulat: Ang Aklat ni Judas ay isang mahalagang aklat para atin ngayon dahil isinulat ito para sa iglesya sa pagwawakas ng panahon. Nagsimula ang panahon ng iglesya sa Araw ng Pentecostes. Ang aklat lamang ni Hudas ang tumalakay sa mangyayaring malawakang pagtalikod sa pananampalataya. Sinabi ni Judas na ang ebidensya ng pagtalikod ay ang masasamang gawa.
Pinaalalahanan tayo ni Judas na makipaglaban para sa pananampalataya dahil may nakahalong damo sa triguhan. Nasa loob ng iglesya ang mga bulaang propeta at nasa panganib ang mga mananampalataya. Ang aklat ng Judas ay isang maiksi ngunit mahalagang aklat na karapatdapat pagaralan dahil isinulat ito para sa mga mananampalataya sa ating panahon.
Mga Susing Talata: Judas 3: "Mga minamahal, ang gustung-gusto kong isulat sa inyo'y tungkol sa kaligtasang tinatamasa nating lahat. Ngunit napilitan akong ang isulat sa inyo'y isang panawagan na ipaglaban ang pananampalatayang ipinagkaloob minsan at magpakailanman sa mga banal."
Judas 17-19: "Ngunit lagi ninyong tandaan, mga minamahal, ang pangaral sa inyo ng mga apostol ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Noon pa'y sinabi na nila sa inyo: "Lilitaw sa huling panahon ang mga manlilibak, mga alipin ng kanilang masasamang pita." Ito ang mga taong lumilikha ng pagkakabaha-bahagi, mga taong pinaghaharian ng kanilang mga pita at di pinananahanan ng Espiritu."
Judas 24-25: "Sa kanya na makapag-iingat sa inyo upang hindi kayo magkasala, at makapaghaharap sa inyo nang walang kapintasan at may malaking kagalakan sa kanyang kaluwalhatian--- sa iisang Diyos na ating Tagapagligtas, sa pamamagitan ni Jesu-Cristong Panginoon natin---sa kanya ang kapurihan, karangalan, kadakilaan at kapangyarihan, mula pa noong una, ngayon, at magpakailan pa man! Amen."
Maiksing Pagbubuod: Ayon sa talata 3, nanabik si Judas na isulat ang tungkol sa ating kaligtasan ngunit binago niya ang paksa upang talakayin ang pakikipaglaban para sa pananampalataya. Sangkap ng pananampalatayang ito ang kumpletong katuruan ng doktrinang Kristiyano na itinuro ni Kristo na kalaunan ay ipinasa Niya sa mga apostol. Pagkatapos niyang babalaan ang kanyang mga sinulatan tungkol sa mga bulaang guro (talata 4-16), pinayuhan niya sila kung paano makapagtatagumpay sa pakikipagbakang espiritwal (talata 20-21). Makikita sa aklat ang karunungan na ating dapat tanggapin at sundin habang dumadaan tayo sa mga araw ng mga huling panahon.
Koneksyon sa Lumang Tipan: Puno ang aklat ni Judas ng mga reperensya sa Lumang Tipan, kasama sa mga ito ang Exodo (tal. 5); rebelyon ni satanas (tal. 6); Sodoma at Gomora (tal. 7); kamatayan ni Moises (tal. 9); Cain (tal. 11); Balaam (tal. 11); Kore (tal. 11); Enoc (tal.14-15); at Adan (tal. 14). Ginamit ni Hudas ang mga popular na ilustrasyon sa kasaysayan ng Sodoma at Gomora, ni Cain, Balaam at Kore upang ipaalala sa mga Kristiyanong Hudyo ang pangangailangan ng tunay na pananampalataya at pagsunod sa utos ng Diyos.
Praktikal na Aplikasyon: nabubuhay tayo sa natatanging yugto ng kasaysayan at makatutulong sa atin ang maiksing aklat na ito upang bigyan tayo ng kalakasan sa pagharap sa mga hindi mabilang na hamon sa ating buhay sa mga huling panahong ito. Dapat na lagi tayong magbantay laban sa mga maling doktrina na madaling makakapandaya sa atin kung kulang ang ating kaalaman sa Salita ng Diyos. Kailangan nating malaman ang Ebanghelyo, ingatan at depensahan ito - at tanggapin ang pagka Panginoon ni Kristo, na pinatutunayan ng isang binagong buhay. Sinasalamin ng tunay na pananampalataya ang buhay na katulad ni Kristo. Dapat na makita sa ating buhay na na kay Kristo ang puso at isip na lubos na nagtitiwala sa awtoridad ng ating makapangyarihang manlilikha at Ama sa langit. Kailangan natin ang isang personal na relasyon sa Kanya dahil tanging sa paraang iyon lamang natin makikilala ng lubos ang kanyang tinig upang wala tayong ibang susundin sa ating mga buhay kundi Siya lamang.
English
Aklat ni Judas