settings icon
share icon

Aklat ng Kawikaan

Manunulat: Si haring Solomon ang manunulat ng Aklat ng Kawikaan. Nabanggit ang kanyang pangalan sa 1:1, 10:1, at 25:1. Maaari din nating ipalagay na kinolekta ni Solomon at pinamatnugutan ang iba pang Kawikaan maliban sa kanyang sariling mga Kawikaan dahil sinasabi sa Mangangaral 12:9, "Lahat ng nalalaman ng Mangangaral ay itinuro niya sa mga tao. Pinag-aralan niyang mabuti ang mga kasabihan at sinubok kung ito'y totoo." Tunay na ang titulo ng aklat sa wikang Hebreo na "Mishle Shelomoh" ay nangangahulugan ng "Kawikaan ni Solomon."

Panahon ng Pagkasulat: Isinulat ni Solomon ang Aklat ng Kawikaan noong humigit kumulang 900 B.C. Sa panahon ng kanyang paghahari, naabot ng Israel ang rurok ng tagumpay sa espiritwal, pulitika, kultura at ekonomiya. Habang tumataas ang reputasyon ng Israel, tumataas din ang reputasyon ni Haring Solomon. Maraming mga dayuhang tagapanguna at maharlika na nagbuhat pa sa malalayong lugar ang naglakbay upang makita siya at marinig (1 mga Hari 4:34).

Layunin ng Sulat: Ang kaalaman ay hindi lamang pagiipon ng mga katotohanan, kundi ang kakayahan na maunawaan ang mga tao, mga pangyayari, at mga sitwasyon sa pananaw ng Diyos. Sa Aklat ng Kawikaan, inihayag ni Solomon ang pananaw ng Diyos sa mga malalalim at mahihirap unawaing mga bagay gayundin sa mga ordinaryo at pang araw araw na mga pangyayari sa buhay. Walang anumang paksa ang nakatakas sa pansin ni Solomon. Ang mga bagay-bagay tungkol sa personal na paguugali, relasyong sekswal, negosyo, kayamanan, pagkakawang-gawa, ambisyon, disiplina, utang, pagpapalaki sa mga anak, karakter, alak, pulitika, paghihiganti at pagiging makadiyos ang ilan lamang sa mga paksa na tinalakay sa mayamang koleksyong ito ng mga matalinong kasabihan.

Mga Susing Talata: Kawikaan 1:5, "Sa pamamagitan nito, ang matalino'y lalong tatalino at magiging dalubhasa ang kakaunti ang kaalaman."

Kawikaan 1:7, "Ang pagkatakot kay Yahweh ay pasimula ng karunungan, ngunit walang halaga sa mga mangmang ang aral at mga saway."

Kawikaan 4:5, "Huwag mong lilimutin o kaya'y tatalikdan ang salita ko sa iyo, sa bibig ko'y bumubukal. Ang unawa ay hanapin, gayon din ang karunungan."

Kawikaan 8:13-14, "Ang takot kay Yahweh ay naglalayo sa kasamaan, ako ay namumuhi sa lahat ng kalikuan. Sa salitang baluktot, at sa diwang kayabangan. Mayroon akong lakas at taglay na kakayahan, ganoon din naman, unawa't kapangyarihan."

Maiksing pagbubuod: Mahirap na lagumin ang Aklat ng Kawikaan, dahil hindi ito gaya ng ibang aklat ng Bibliya, na may partikular na balangkas o linya ng kuwento. Gayundin naman, wala ring mga pangunahing tauhan sa aklat. Ang karunungan ang siyang bida sa aklat - isang kaakit akit na karunungang makalangit na nangingibabaw sa buong kasaysayan, mga tao, at kultura. Kahit na hindi interesado ang bumabasa sa nilalaman nito, madaling makita na ang mga kahanga hanga at mayamang kasabihan ng matalinong haring si Solomon ay napapanahon pa rin sa kasalukuyan gaya ng mensahe nito sa mga unang mabababasa may tatlong libong taon na ang nakararaan.

Mga pagtukoy kay Kristo: Ang tema ng karunungan at ang pangangailangan natin nito sa ating mga buhay ay nagkaroon ng katuparan sa pamamagitan ng Panginoong Hesu Kristo. Patuloy tayong pinaaalalahanan ng Aklat ng Kawikaan na maghanap ng karunungan, magtamo ng karunungan at unawain ang karunungan. Sinasabi din sa atin ng paulit ulit ng Kawikaan - na ang pagkatakot sa Diyos ang pasimula ng karunungan (1:7; 9:10). Ang ating pagkatakot sa poot at hustisya ng Diyos ang nagdala sa atin kay Kristo, na siyang pinakadiwa nito gaya ng ipinahayag ng Diyos sa Kanyang dakilang plano ng pagtubos sa sangkatauhan kay Kristo kung kanino "natatago ang masaganang karunungan at kaalaman ng Diyos" (Colopsas 2:3). Kay Kristo natin matatagpuan ang sagot sa ating paghahanap ng karunungan, ang lunas sa ating pagtakot sa poot ng Diyos, at ang "katwiran." "kabanalan" at "katubusan" na ating lubhang kailangan (1 Corinto 1:30). Ang karunungan na tanging kay Kristo lamang matatagpuan ay inihambing sa kamangmangan ng mundo. Sinasabi din sa atin ng Kawikaan na ang paraan ng mundo ay hindi paraan ng Diyos (Kawikaan 3:7) at nagbubulid lamang ito sa kamatayan (Kawikaan 14:12; 16:25).

Praktikal na Aplikasyon: May hindi matatanggihang praktikalidad ang matatagpuan sa aklat na ito dahil ang mahusay at makatwirang sagot sa lahat ng masalimuot na katanungan sa buhay ay matatagpuan sa 39 na kabanata nito. Tunay na ang Aklat ng Kawikaan ang pinakadakilang aklat na nasulat at ang mga taong may pagpapahalaga sa karunungan na isasapuso ang mga aral nito ay mabilis na makakatagpo ng kabutihan, kayamanan at kakuntentuhan na kanilang hinahanap.

Ang pangako ng Aklat ng Kawikaan ay maraming pagpapala para sa mga pinili na maging marunong at sumunod sa kalooban ng Diyos. Ang mga pagpapalang ito ay ang mga sumusunod: mahabang buhay (9:11); kayamanan (2:20-22); kagalakan (3:13-18); at kabutihan ng Diyos (12:21). Sa isang banda naman, ang mga tumatanggi sa Kanya ay makakaranas ng kahihiyan at kamatayan (3:35; 10:21). Ang pagtanggi sa Diyos ay ang pagpili sa kamangmangan sa halip na karunungan at paghiwalay sa sarili mula sa Diyos, sa Kanyang Salita at sa Kanyang mga pagpapala.

English



Pagsusuri sa Lumang Tipan

Aklat ng Kawikaan
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries