settings icon
share icon

Aklat ni Malakias

Manunulat: Ipinakilala sa Malakias 1:1 si Propeta Malakias bilang manunulat ng aklat.

Panahon ng Pagkasulat: Ang aklat ni Malakias ay nasulat sa pagitan ng 440 at 400 B.C.

Layunin ng Sulat: Ang Aklat ni Malakias ay isang orakulo: Ang Salita ng Panginoon ng Israel sa pamamagitan ni Malakias (1:1). Ito ay babala ng Diyos sa mga tao sa pamamagitan ni Malakias na magbalik-loob sila sa Diyos. Sa pagtatapos ng huling aklat ng Lumang Tipan, ang katarungan at pangako ng Diyos ng pagpapanumbalik sa Israel sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas ay umalingawngaw sa kanilang mga pandinig. Dumaan ang apat na raang taon ng katahimikan at nagtapos iyon sa kaparehong mensahe mula sa sumunod na propeta ng Diyos, Si Juan Bautista na nagproklama, "Pagsisihan ninyo't talikdan ang inyong mga kasalanan, sapagkat malapit nang maghari ang Diyos!" (Mateo 3:2).

Mga Susing Talata: Malakias 1:6, "Sinabi ni Yahweh sa mga saserdote, "Iginagalang ng anak ang kanyang ama at ng alipin ang kanyang panginoon. Ako ang inyong ama, bakit di ninyo ako iginagalang? Ako ang inyong Panginoon, bakit di ninyo ako pinagpipitaganan? Nilalapastangan ninyo ako, pagkatapos ay itatanong pa ninyo, 'Sa paanong paraan ka namin nilalapastangan?"

Malakias 3:6-7, "Itinuro nila ang matuwid, hindi ang liko. Namuhay silang kalugud-lugod sa akin; ginawa nila ang matuwid at tinulungan ang maraming tao upang huwag nang gumawa ng kalikuan. Tungkulin ng mga saserdote na ituro ang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos. Sa kanila dapat sumangguni ang mga tao tungkol sa aking kalooban, sapagkat sila ang mga sugo ng Makapangyarihang si Yahweh."

Maiksing Pagbubuod: Isinulat ni Malakias ang mga Salita ng Panginoon sa mga taong naliligaw lalo"t higit sa mga saserdote na tumalikod sa Kanya. Hindi na itinuturing ng seryoso ng mga saserdote ang kanilang paghahandog sa Diyos. Inihahandog na rin nila kahit na ang mga hayop na may dungis at kapansanan kahit na hinihingi ng Kautusan ang mga hayop na walang depekto at walang kapansanan (Deuteronomio 15:21). Piangtataksilan ng mga lalaking taga Juda ang kanilang mga asawa at nagtataka sila kung bakit hindi tinatanggap ng Diyos ang kanilang mga handog. Gayundin naman, hindi nagbibigay ang mga tao ng ikapu na gaya ng nararapat (Levitico 27:30, 32). Ngunit sa kabila ng kasalanan ng tao at ng kanilang pagtalikod sa Diyos, ipinaalala ni Malakias ang pag-ibig ng Diyos sa Kanyang bayan (Malakias 1:1-5) at ang Kanyang pangako ng darating na mensahero ng Diyos (Malakias 2:17"3:5).

Mga Pagtukoy kay Kristo: Ang Malakias 3:1-6 ay isang hula patungkol kay Juan Bautista. Siya ang mensahero ng Diyos upang ihanda ang daraanan ng Mesiyas, si Hesu Kristo (Mateo 11:10). Ipinangaral ni Juan ang pagsisisi at nagbawtismo siya sa pangalan ng Panginoon at sa gayon ay inihanda ang daraanan ni Hesus sa Kanyang unang pagdating. Ngunit ang mensahero na darating sa Templo ay si Kristo mismo sa Kanyang ikalawang pagparito kung kailan darating Siya na taglay ang dakilang lakas at kapangyarihan (Mateo 24). Sa panahong iyon, "lilinisin Niya ang mga anak ni Levi" (talata 3), na nangangahulugan na yaong mga gumaganap sa kautusan ni Moises ay nangangailangan din ng paglilinis mula sa kasalanan sa pamamagitan ng dugo ng Tagapagligtas. Sa ganitong paraan lamang sila makapaghahandog ng "handog ng katwiran" dahil ito ay ang katuwiran ni Kristo na ipinahiram sa kanila sa pamamagitan ng pananampalataya (2 Corinto 5:21).

Praktikal na Aplikasyon: Hindi nalulugod ang Diyos tuwing sumusuway tayo sa Kanyang mga utos. Pagbabayarin Niya ang sinumang tatanggi sa Kanya. Namumuhi ang Diyos sa diborsyo. Pinahahalagahan ng Diyos ang tipan ng pagaasawa (2:16) at hindi Niya nais na ito ay sirain. Nararapat na manatili tayong tapat sa ating mga asawa sa lahat ng panahon. Nakikita ng Diyos ang ating mga puso at nalalaman Niya ang ating mga intensyon; walang maitatago sa Kanyang harapan. Babalik Siyang muli upang maging hukom ng lahat ng tao. Ngunit kung manunumbalik tayo sa Kanya, tatanggapin Niya tayo at magbabalik din Siya sa atin (Malakias 3:6).

English



Pagsusuri sa Lumang Tipan

Aklat ni Malakias
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries