Aklat ni Zacarias
Manunulat: Ang propetang si Zacarias ang ipinakilalang sumulat ng aklat sa Zacarias 1:1.Panahon ng Pagkasulat: Ang Aklat ni Zacarias ay malamang na naisulat sa dalawang pangunahing bahagi, sa pagitan ng 520 at 470 B.C.
Layunin ng Sulat: Binigyang-diin ni Zacarias na ginamit ng Diyos ang Kanyang mga Propeta upang turuan, balaan at itama ang Kanyang bayan. Sa kasawiang-palad, tumanggi silang makinig. Ang kanilang kasalanan ang nagdala sa kanila ng kaparusahan ng Diyos. Ipinapakita ng kasaysayan na sa panahong ito, ipinagwalang bahala ng mga Judio ang hula, na humantong sa panahon sa pagitan ng Luma at Bagong Tipan na wala ng propeta ang nakipag-usap sa bayan ng Diyos.
Mga Susing Talata Zacarias 1:3, "Walang anu-ano, lumakad ang anghel na kausap ko at sinalubong siya ng isa pang anghel."
Zacarias 7:13, "Siya nga ang magpapatayo ng templo, luluklok sa trono, at manunungkulan bilang hari. Aagapayanan siya ng isang saserdote at maghahari sa kanila ang mabuting pag-uunawaan."
Zacarias 9:9, "Sion, magalak ka at magdiwang! Umawit ka nang malakas, O Jerusalem! Pagkat ang hari mo ay dumarating na, mapagwagi at mapagtagumpay. Mapagpakumbaba siya at nakasakay sa isang bisirong asno."
Zacarias 13:9, "Ang mga ito'y pararaanin ko sa apoy upang dalisayin, tulad ng pagdalisay sa pilak at ginto. Tatawag sila sa akin at akin namang diringgin. Sasabihin kong sila ang aking bayan. Sasabihin naman nilang ako ang kanilang Diyos."
Maiksing Pagbubuod: Ang Aklat ni Zacarias ay nagtuturo na ang kaligtasan ay iniaalok sa lahat. Ang huling kapitulo ay nagpapakita ng mga tao mula sa lahat ng panig ng mundo na dumarating upang sambahin ang Diyos, na nagnanais na lahat ng tao ay sumunod sa Kanya. Hindi ito ang katuruan ng unibersalismo, halimbawa, na lahat ng mga tao ay maliligtas dahil kalikasan ng Diyos ang magligtas. Sa halip, itinuturo ng aklat na ninanais ng Diyos na lahat ng tao ay sumamba sa Kanya at tanggapin ang mga gumagawa niyon, anuman ang kanilang pambansa o pulitikal na pamamahayag, katulad ng pagpapalaya ng Juda at Jerusalem mula sa kanilang mga kaaway. Panghuli, si Zacarias ay nangaral na ang Diyos ay may kapangyarihan sa mundong ito, sinumang sasalungat sa Kanya ay mabibigo. Ang kanyang mga pananaw sa hinaharap ay nagpapakita na nakikita ng Diyos ang lahat ng mangyayari. Ang pagsasalarawan ng pamamagitan ng Diyos sa mundo ay nagtuturo na sa huli, tatapusin Niya ang mga gawa ng tao sa paraang Kanyang pinili. Hindi Niya inaalis ang kalayaan ng isang tao na sundin ang Diyos o maghimagsik, ngunit pinananagot Niya ang mga tao sa kanilang mga pagpiling gagawin. Sa huling kapitulo, maging ang puwersa ng kalikasan ay sumusunod sa kapangyarihan ng Diyos.
Mga Pagtukoy kay Kristo: Ang mga hula tungkol kay Hesu Kristo at ang mesyanik na panahon ng kasaganaan sa Zacarias. Mula sa pangako na ang Mesiyas ay darating at mananahan sa atin (Zacarias 2:10-12; Mateo 1:23) hanggang sa sagisag ng ng Sanga at ng Bato (Zacarias 3:8-9, 6:12-13; Isaias 11:1; Lukas 20:17-18) hanggang sa pangako ng Kanyang Pangalawang Pagbabalik kung saan silang mga nagpalagpas sa Kanya ay titingin sa Kanya at mananangis (Zacarias 12:10; Juan 19:33-37), si Kristo ang paksa ng Aklat ni Zacarias. Si Hesus ay ang Tagapagligtas ng Israel, isang bukal na ang dugo'y tinubos ang mga kasalanan ng mga taong lumalapit sa Kanya para sa kaligtasan (Zacarias 13:1; 1 John 1:7).
Praktikal na Aplikasyon: Inaasahan ng Diyos ang ating tapat na pagsamba at banal na pamumuhay sa panahong ito. Ang halimbawa ni Zacarias ng pagtutuwid sa maling kaisipan ng sambayanan ay nagpapaalaala sa atin na makipag-ugnayan sa lahat ng bahagi ng ating lipunan. Kailangan nating iparating ang paanyaya ng kaligtasan ng Diyos sa mga tao mula sa iba't ibang bansa, wika lahi at kultura. Na ang kaligtasan ay maaaring makamit lamang sa pamamagitan ng dugo ni Hesu Kristo sa krus, na namatay bilang kahalili natin, para sa ikapapatawad ng ating mga kasalanan. Ngunit kung itatakwil natin ang Kanyang pagpapakasakit, wala ng ibang pagpapakasakit ang maaaring makapagkasundo sa atin sa Diyos. Walang ibang pangalan sa ilalim ng langit ang makapagbibigay ng kaligtasan sa tao (Mga Gawa 4:12). Walang oras na dapat masayang ngayon; ngayon ang araw ng kaligtasan (2 Mga Taga- Corinto 6:2).
English
Aklat ni Zacarias