settings icon
share icon
Tanong

Kaya ba akong iligtas ng Diyos?

Sagot


Ang tanong na, “Kaya ba akong iligtas ng Diyos?” ay itinatanong ng milyun-milyong tao sa pagdaan ng panahon. Hindi lamang kaya kang iligtas ng Diyos, kundi ang Diyos lamang ang makapagliligtas sa iyo. Upang maunawaan kung bakit ang sagot sa tanong na “Kaya ba akong iligtas ng Diyos?” ay “Oo!,” una sa lahat, dapat nating maunawaan kung bakit natin kailangan ang kaligtasan. Nang sumuway sina Adan at Eba sa Diyos sa Hardin ng Eden, nilason ng kanilang kasalanan ang buong sangnilkha (Roma 5:12), at nahiwalay tayo sa Diyos dahil sa ating minanang makasalanang kalikasan mula kay Adan. Gayunman, dahil sa dakilang pag-ibig sa atin ng Diyos, mayroon Siyang dakilang plano (Genesis 3:15). Dumating Siya sa mundo sa persona ng Panginoong Hesu Kristo at kusang ibinigay ang Kanyang buhay para sa atin upang akuin ang kaparusahan na tayo ang dapat na magdanas. Nang sumigaw ang ating Tagapagligtas sa krus ng “Naganap na!” (Juan 19:30), ang ating utang sa Diyos ay binayaran na ng buo. Iniligtas tayo ni Hesu Kristo mula sa tiyak at nakapanghihilakbot na pagdurusa sa walang hanggan.

Upang makinabang ka sa paghahandog na ginawa ni Kristo, dapat kang magtiwala sa Kanya at tanggapin na ang Kanyang paghahandog lamang sa krus ang sapat na kabayaran para sa iyong mga kasalanan (Juan 3:16; Gawa 16:31). Bibigyan ka ng Diyos na katuwiran ni Kristo sa oras na gawin mo ito (Roma 3:22). Kung hindi dahil sa katuwiran ni Kristo, hindi ka makapapasok sa presensya ng Banal na Diyos (Hebreo 10:19–25).

Ang pagtitiwala sa ginawa ni Kristo ay may epekto sa ating walang hanggang hantungan, ngunit mayroon din itong epekto sa ating buhay sa kasalukuyan. Ito ang Mabuting Balita: iniligtas tayo ng ginawa ni Kristo sa krus mula sa walang hanggang pagkahiwalay sa Diyos, at iniligtas din tayo nito mula sa kapangyarihan ng kasalanan sa buhay na ito. Sa oras na magsisi tayo at tanggapin ni Kristo, pananahanan tayo ng Kanyang Espiritu at hindi na tayo maaalipin pa ng ating makasalanang kalikasan. Makakaya na nating tumanggi sa kasalanan at labanan ang pita ng ating laman na dating bilanggo ng ating makasalanang kalikasan. “Datapuwa't kayo'y wala sa laman kundi nasa sa Espiritu, kung gayo'y tumitira sa inyo ang Espiritu ng Dios. Datapuwa't kung ang sinoma'y walang Espiritu ni Cristo, siya'y hindi sa kaniya” (Romans 8:9).

Hindi mahalaga kung sino ka at kung ano ang iyong ginawa. Pumunta si Hesu Kristo dito sa lupa upang iligtas ang makasalanang gaya mo (1 Timoteo 1:15). Ang lahat ay nagkasala (Roma 3:23), ngunit walang sinuman sa atin ang hindi kayang iligtas ng Diyos (Isaias 59:1). Si Apostol Pablo ang isang halimbawa ng kamangha-manghang kahabagan ng Diyos. Ginugol ni Pablo ang unang bahagi ng kanyang buhay sa pagkamuhi, pagpapapakulong, paguusig at pagpatay sa mga Kristiyano. Pagkatapos, isang engkwentro kay Hesus ang bumago sa kanya mula sa pagiging kaaway ng Kristiyanismo sa pagiging isa sa pinakadakilang misyonerong Kristiyano na nabuhay sa kasaysayan ng mundo. Kung kaya ng Diyos na iligtas si Pablo na “pangulo ng lahat ng makasalanan” (1 Timoteo 1:15), kaya rin ng Diyos na iligtas ang kahit sino.

Ang tao ang korona ng lahat ng nilikha ng Diyos. Ginawa ang tao ayon sa Kanyang wangis (Genesis 1:26). Nais ng Diyos na ang lahat ay maligtas (1 Timoteo 2:4) at walang sinuman ang mapahamak (2 Pedro 3:9; Ezekiel 18:32). Para sa mga sumampalataya sa pangalan ni Hesus, binigyan sila ng Diyos ng karapatan upang maging mga anak ng Diyos (Juan 1:12). Ang gagawin ng Diyos para sa Kanyang mga anak ay inilarawan sa Awit 91:14-16, “Sapagka't kaniyang inilagak ang kaniyang pagibig sa akin, kaya't iniligtas ko siya: aking ilalagay siya sa mataas, sapagka't kaniyang naalaman ang pangalan ko. Siya'y tatawag sa akin, at sasagutin ko siya; ako'y sasa kaniya sa kabagabagan: aking ililigtas siya, at pararangalan siya. Aking bubusugin siya ng mahabang buhay, at ipakikita ko sa kaniya ang aking pagliligtas.” English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Kaya ba akong iligtas ng Diyos?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries