settings icon
share icon
Tanong

Ano ba ng dapat gamitin sa kumunyon, alak o katas ng ubas?

Sagot


Kung katanggap tanggap ba o hindi na gamitin ang tunay na alak tuwing komunyon ay pinagdedebatehan pa rin hanggang ngayon ng mga Kristiyano. Habang pinaguusapan ang paksang ito, huwag nating kalimutan ang pinakamahalagang isyu - ang sinisimbolo ng likido sa saro - ang nabuhos na dugo ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Hesu Kristo na siyang nagtatag ng Bagong Tipan.

Una, tingnan natin ang paksa ng alak sa Kasulatan. Malinaw na ginagamit ang alak sa Lumang Tipan. Makikita natin ang paggamit nito ng malasing si Noe at nahigang hubo’t hubad sa kanyang tolda (Genesis 9:21). Makikita din natin na dinulutan ng alak ni Haring Melquisedek si Abraham (Genesis 14:17-18). Sa Exodo 29:40, iniutos ng Diyos ang paggamit ng alak bilang bahagi sa sistema ng paghahandog para sa kasalanan. Nang maging hari si David, kumain at uminom ng alak ang kanyang mga tauhan sa loob ng tatlong araw (1 Cronica 38-40). Sinasabi sa atin sa Awit 104:15 na ginawa ng Diyos ang alak upang "magdulot ng galak sa puso ng tao." Mayroon din tayong pangako mula sa Panginoon na maghahanda siya ng piging para sa Kanyang bayan at kasama doon ang saganang pagkain at "alak na laon" (Isaias 25:6).

Sa Bagong Tipan, ang unang himalang ginawa ni Hesus ay ang paggawa ng alak mula sa tubig sa isang kasalan sa Cana (Juan 2:1-11). Uminom ng alak ang atin mismong Panginoong Hesu Kristo (Lukas 7:34) at sinabi na muli Siyang iinom ng alak na kasama natin sa langit (Mateo 26:29). Bilang karagdagan, pinayuhan ni Pablo si Timoteo na huwag uminom ng tubig lamang sa halip ay uminom din ng kaunting alak upang gumaling ang kanyang sakit sa sikmura (1 Timoteo 5:23).

Sa kabila ng maraming pagbanggit sa alak sa buong Bibliya, malinaw na hindi kailanman katanggap-tanggap ang paglalasing. Mahigpit na sinasabi sa Efeso 5:18, "At huwag kayong magsipaglasing ng alak na kinaroroonan ng kaguluhan, kundi kayo'y mangapuspos ng Espiritu."

Kaya nga sinusuportahan ng Kasulatan ang mga nagsusulong sa paggamit ng tunay na alak sa komunyon at ang mga halimbawa sa itaas (maliban kay Noe) ang sumasalamin na kung gagamitin ng tama at katamtaman ang alak, ito ay isang magandang bagay.

Ang mga tumututol naman sa paggamit ng alak sa komunyon ay mayroon ding pang suporta sa kanilang argumento. Halimbawa, mababasa ang babala laban sa paginom ng alak sa aklat ng Kawikaan 4:17; 20:1 at 23:29-32. Gayundin sa Levitico10:9, sinabi ng Diyos kay Aaron na hindi Siya dapat uminom ng alak maging ang Kanyang mga anak sa tuwing papasok sila sa toldang tipanan, kung hindi parurusahan sila ng Diyos ng kamatayan.

Alak ba o katas ng ubas ang dapat gamitin sa Hapunan ng Panginoon o Komunyon? Walang makikitang matibay na batayan sa Bibliya sa dalawang pagpipilian o kung ang paggamit sa isa ay pinapaboran kaysa sa isa. Sa katotohanan, hindi binanggit sa mga talata na tumatalakay sa Huling Hapunan ang "alak" o "katas ng ubas." Simpleng tinukoy lamang ang "saro" o inuman ng Panginoong Hesus. Gayunman, may ilang mga praktikal na bagay na dapat isaalang-alang. Kung ang paggamit ng alkohol ay magiging isang sagabal sa pagdiriwang ng komunyon sa anumang kaparaanan, hindi ito dapat na gamitin. Tiyak na walang iglesya o simbahan ang magnanais na may hindi makisama sa ordinansa ng komunyon dahil sa kumbiksyon ng isang mananampalataya laban sa paginom ng alak. Itinuro ng Panginoon tungkol sa paginom sa saro na "gawin ninyo ito sa tuwing kayo'y magsisiinom, sa pagaalaala sa akin" (1 Corinto 11:25). Isang kamalian na gumamit ng alak sa komunyon kung mayroong isang mananampalataya na matitisod o mawawalan ng paggalang sa utos ng Panginoong Hesu Kristo na alalahanin ang Kanyang ginawa sa pamamagitan ng pakikibahagi sa Komunyon.

Hindi makikita saanman sa Salita ng Diyos na may kundisyon sa antas ng alkohol ng alak na ginagamit sa saro. Kung may isang mananampalataya na may matibay na kumbiksyon sa paggamit ng kahit ano sa dalawang elementong ito, maaari niyang sundin ang ayon sa kanyang kumbiksyon. Ngunit huwag dapat kalilimutan ang inilalarawan ng laman ng saro at hindi dapat na husgahan ang isang kapatid sa Panginoon sa kanyang kumbiksyon tungkol sa bagay na ito.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ba ng dapat gamitin sa kumunyon, alak o katas ng ubas?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries