Tanong
Alam ba ng Diyos ang hinaharap?
Sagot
Hindi nagkamali ang Bibliya kahit minsan sa mga hulang nasasaad dito. Halimbawa ay ang hula na ipapanganak si Hesus sa Bethlehem ng Judea gaya ng inihula sa Mikas 5:2. Inusal ni Mikas ang hulang ito may pitong daang taon bago ipanganak si Kristo. Saan si Hesus ipinanganak pagkaraan ng pitong siglo? Sa Bethlehem ng Judea (Lukas 2:1-20; Mateo 2:1-12).
Ipinakita ni Peter Stoner ng Science Speaks na imposible na nagkataon lamang ang katuparan ng mga hula sa Bibliya. Gamit ang siyensya ng probabilidad, kinuwenta niya ang walo (8) lamang na hula patungkol kay Kristo. Sinabi ni Stoner na ang tsansa na matutupad ng isang tao ang lahat ng walong hula ay isa (1) sa numerong may labimpitong zero. Ito ay tsansa ng isa (1) sa 100,000,000,000,000,000. Ang totoo, tinupad ni Hesus ang higit pa sa walong hula! Walang duda na ang Bibliya ay tunay na walang pagkakamali sa mga hula nito sa hinaharap.
Dahil kaya ng Diyos na ipaalam sa tao ang mangyayari sa hinaharap, tiyak na alam Niya ang hinaharap. Itinala ni Isaias ang mga pananalitang ito tungkol sa Diyos: “Alalahanin ninyo ang mga nakaraang pangyayari. Inyong kilalaning ako lamang ang Diyos, at maliban sa akin ay wala nang iba. Sa simula pa'y itinakda ko na, at aking inihayag kung ano ang magaganap. Sinabi kong tiyak na magaganap ang lahat ng balak ko, at gagawin ko ang lahat ng gusto kong gawin’” (Isaias 46:9-10). Ang Diyos lamang ang walang simula at tanging makakapagdeklara ng magaganap hanggang sa huling sandali ng kasaysayan.
Ang Diyos ay omnisyente; alam Niya ang lahat ng aktwal na mangyayari at lahat ng mga posibleng mangyari. Ang Diyos ay walang hanggan (Awit 90:2). Bilang walang hanggang Diyos na nakakaalam ng lahat ng bagay, naroon Siya sa ating nakaraan, sa ating kasalukuyan at sa ating hinaharap. Ang Diyos ang Alpha at Omega, ang Simula at ang Wakas (Pahayag 21:6).
May mga hula sa Bibliya na hindi pa nagaganap. Dahil alam ng Diyos ang hinaharap, maaasahan natin na ang lahat ng mga hulang ito ay magaganap ayon sa panahong Kanyang itinakda, ayon sa Kanyang walang hanggang plano. Alam natin kung sino ang may hawak ng hinaharap – ang tunay at nagiisa, ang personal, eternal at Diyos na walang hanggan ang kaalaman - ang Diyos ng Bibliya.
English
Alam ba ng Diyos ang hinaharap?