Tanong
Kung alam ng Diyos na magkakasala sina Adan at Eva, bakit pa Niya sila nilikha?
Sagot
Sinasabi ng Bibliya na nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay - kasama tayo - para sa Kanyang sarili. Naluluwalhati Siya sa Kanyang mga nilikha. Sapagkat ang lahat ng bagay ay mula sa kanya, sa pamamagitan niya, at pag-aari niya. Sa kanya ang karangalan magpakailanman! Amen” (Roma 11:36).
Mahirap isipin bilang tao kung paanong ang pagbagsak nina Adan at Eba sa kasalanan ay makakapagbigay ng kaluwalhatian sa Diyos. Sa katotohanan, may ilan na maaaring magtaka na kung alam ng Diyos ang problemang gagawin nina Adan at Eba bago pa nila iyon gawin, bakit pa Niya sila nilikha?
Alam ng Diyos ang lahat ng mga bagay (Awit 139:1–6), kaya't alam Niya ang lahat ng mangyayari sa hinaharap (Isaias 46:10). Kaya nga tiyak na alam Niya na magkakasala sina Adan at Eba. Ngunit nilikha pa rin Niya sila at binigyan ng malayang pagpapasya at kalooban sa kabila ng lahat na alam Niya na pipiliin nila ang magkasala.
Dapat na maging maingat tayo sa ating pagpapalagay na ang pagbagsak nina Adan at Eba sa kasalanan ay nangangahulugan na ang Diyos ang may akda ng kasalanan o Siya ang tumukso sa kanila para sila magkasala (Santiago 1:13). Ngunit ang pagbagsak nila sa kasalanan ay bahagi ng Kanyang pangkalahatang plano para sa sangniikha at sa sangkatauhan.
Kung ating isasaalang-alang ang tinatawag ng mga teologo na “meta-narrative” (o ang pangkalahatang salaysay) ng Kasulatan, makikita natin na ang kasaysayan ng Bibliya ay maaaring hatiin sa talong pangunahing bahagi: 1) paraiso (Genesis 1 - 2); 2) nawalang paraiso (Genesis 3 - Pahayag 20); at 3) nabawing paraiso (Pahayag 21 - 22). Sa ngayon ang pinakamalaking bahagi ng salaysay ay nakatuon sa paglipat mula sa paraiso patungo sa nabawing paraiso. Ang sentro ng pangkalahatang salaysay na ito ay ang krus, na plano na ng Diyos mula pa sa pasimula (Gawa 2:23).
Sa maingat na pagbabasa ng Kasulatan, makikita natin ang mga sumusunod na konklusyon:
1. Ang pagbagsak ng sangkatauhan sa kasalanan ay nalalaman ng Diyos.
2. Ang pagpapapako kay Kristo, at ang katubusan ng mga hinirang ay itinalaga ng Diyos.
3. Isang araw, luluwalhatiin ang Diyos ng lahat ng tao (Awit 86:9), ang Diyos na “muling bumuhay kay Cristo at nag-upo sa kanya sa kanan ng Diyos sa kalangitan” (Efeso 1:10).
Layunin ng Diyos na lumikha ng isang mundo kung saan mahahayag ang Kanyang buong kaluwalhatian. Ang kaluwalhatian ng Diyos ang pinaka-sentrong layunin ng paglikha. Sa katotohanan, ito ang pinaka-sentrong layunin ng lahat ng Kanyang ginagawa. Nilikha ang sangkalawakan upang maghayag ng kaluwalhatian ng Diyos (Awit 19:1), ito rin ang naghahayag sa poot ng Diyos laban sa mga nabigong lumuwalhati sa Kanya (Roma 1:18-25). Ang mundo na malinaw na naghahayag ng kaluwalhatian ng Diyos ay ang ating mundo - ang mundo na Kanyang hinayaan na bumagsak sa kasalanan, ang mundo na Kanyang tinubos, ang mundo kung saan Kanyang papapanumbalikin ang orihinal na kagandahan at pagiging ganap.
Ipinapakita ng poot at kahabagan ng Diyos ang kayamanan ng Kanyang kaluwalhatian, ngunit hindi natin ito maaaring maunawaan kung hindi nagkasala ang sangkatauhan. Hindi natin mauunawaan ang biyaya ng Diyos kung hindi tayo nangangailangan nito. Kaya nga, ang lahat ng plano ng Diyos - kasama ang pagbagsak ng tao sa kasalanan, ang Kanyang pagpili sa mga maliligtas, pagtubos, at pagpawi ng Kanyang poot sa sangkatauhan - ay para sa layunin ng pagluwalhati sa Kanyang sarili. Nang magkasala sina Adan at Eba, agad na nahayag ang biyaya ng Diyos ng hindi Niya sila agad-agad na pinatay. Agad na nakita ang biyaya ng Diyos ng magbigay siya ng pantakip sa kanilang kahihiyan (Genesis 3:21). Hindi naglaon, nahayag din ang Kanyang tiyaga at pasensya habang lumalalim ang tao sa pagkakasala. Nahayag din ang hustisya at poot ng Diyos ng iligtas Niya si Noe at ang kanyang pamilya noong magpadala Siya ng isang pandaigdigang baha. Ang banal na poot ng Diyos at ang Kanyang perpektong hustisya ay mahahayag sa hinaharap sa oras na tuldukan Niya kasamaan ni Satanas (Pahayag 20:7–10).
Nahayag din ang kaluwalhatian ng Diyos sa Kanyang pag-ibig (1 Juan 4:16). Ang ating kaalaman sa pag-ibig ng Diyos ay nagmumula sa persona at sa gawain ng pagliligtas ng Panginoong Hesu Kristo sa makasalanang mundong ito. “Dito nahayag ang pagibig ng Dios sa atin, sapagka't sinugo ng Dios ang kaniyang bugtong na Anak sa sanglibutan upang tayo'y mabuhay sa pamamagitan niya” (1 Juan 4:9). Kung hindi nagpasya ang Diyos na likhain sina Adan at Eba, ayon sa Kanyang kaalaman tungkol sa kanilang pagbagsak sa kasalanan - o kung ginawa Niya silang tulad sa robot na walang sariling pagpapasya - hindi natin tunay na mauunawaan ang Kanyang pag-ibig.
Nakita natin ang pinakadakilang kapahayagan ng kaluwalhatian ng Diyos doon sa krus kung saan nagtagpo ang Kanyang poot, hustisya, at kahabagan. Ang makatwirang hatol para sa lahat ng kasalanan ay isinakatuparan doon sa krus, at ang biyaya ng Diyos ay malinaw na ipinakita sa mga salita ng Kanyang Anak, “Ama, patawarin Mo sila” (Lukas 23:34). Ang pag-ibig at biyaya ng Diyos ay nahayag sa mga taong Kanyang iniligtas (Juan 3:16; Efeso 2:8–10). Sa huli, luluwalhatiin ang Diyos habang sinasamba Siya ng Kanyang mga hinirang kasama ang mga anghel sa walang hanggan, at luluwalhatiin din Siya ng masasama habang nahahayag ang Kanyang katuwiran na siyang dahilan sa walang hanggang kaparusahan para sa mga hindi nagsising mga makasalanan (Filipos 2:11). Kung hindi nagkasala sina Adan at Eba, hindi natin malalaman at mauunawaan ang hustisya, biyaya, habag, o pag-ibig man ng Diyos.
May ilan na nangangatwiran na sinisira ng paunang kaalaman at pagtatalaga ng Diyos sa pagbagsak ng tao sa kasalanan ang kalayaan ng tao. Sa ibang salita, kung gumawa ang Diyos ng tao na may buong kaalaman sa kanilang pagbagsak sa kasalanan, paano mananagot ang tao sa kanilang kasalanan? Ang pinakamagandang sagot sa tanong na ito ay makikita sa Westminster Confession of Faith:
“Ang Diyos, mula sa walang hanggan, sa pamamagitan ng matalino at banal na pagpapasya ng Kanyang sariling kalooban ay buong laya at walang pagbabagong itinakda ang anumang mangyayari sa hinaharap; subalit, hindi Siya ang may-akda ng kasalanan, o pinagawa man ng masama ang mga nilalang; o inalis man ang kanilang kalayaan o ang mga pangalawang sanhi, sa halip, itinatag Niya ang mga iyon” (WFC, III.1)
Sa ibang salita, itinalaga ng Diyos ang mga mangyayari sa hinaharap sa isang paraan na ang ating kalayaan at ang kaganapan ng mga pangalawang sanhi (halimbawa ang batas ng kalikasan) ay Kanyang pinanatili. Tinatawag ito ng mga teologo na “pagkakasundo” o “concurrence.” Ang walang hanggang kalooban ng Diyos ay dumadaloy ng kasundo ng ating malayang pagpapasya sa paraan na ang ating malayang pagpapasya o pagpili ay resulta ng pagsasakatuparan ng Diyos ng Kanyang kalooban (ang ibig naming sabihin sa salitang “kalayaan” ay hindi pinuwersa o pinilit ng Diyos ang tao na gawin ang nais niyang gawin). Ito ay isang masalimuot na pagkakasundo ng kalooban ng Diyos at malayang pagpili ng tao, ngunit kaya ng Diyos na pamahalaan ang kahit anong masalimuot na kaganapan.
Nakita na ng Diyos ang pagbagsak nina Adan at Eba sa kasalanan. Ngunit nilikha Niya sila sa kabila nito ayon sa Kanyang wangis, upang magbigay luwalhati sa Kanyang sarili. Binigyan Niya sila ng kalayaan na gumawa ng pagpapasya. Bagama’t pinili nilang sumuway sa Kanya, ang kanilang pagpili ang naging kasangkapan ng Diyos upang Kanyang maisakatuparan ang Kanyang plano na maihayag sa atin ng ganap ang Kanyang kaluwalhatian sa walang hanggan. English
Kung alam ng Diyos na magkakasala sina Adan at Eva, bakit pa Niya sila nilikha?