settings icon
share icon
Tanong

Bakit hindi kasama sa “Ama Namin” ang pasasalamat sa Diyos? Dapat ba na lahat ng panalangin ay may pasasalamat?

Sagot


Tila kakatwa dahil sinabi ni Apostol Pablo sa 1 Tesalonica 5:17-18 na “manalangin ng walang patid” at “ipagpasalamat ang lahat ng pangyayari,” ngunit hindi isinama ng Panginoong Hesus sa itinuro Niyang panalangin na “Ama Namin” ang instruksyon sa pasasalamat sa Diyos. Mas nakapagtataka kung iisipin na laging nagpapasalamat ang Panginoong Hesus sa Kanyang mga panalangin sa mga salaysay sa Bagong Tipan.

Nagpasalamat si Hesus sa mga pagkaing ipinagkaloob ng Diyos, maging sa Kanyang mahimalang pagpapakain sa limang libo (Mateo 14:16-21) at sa apat na libo (Mateo 15:35-8). Ipinagpasalamat din NIya sa Diyos ang saro at ang tinapay sa Huling Hapunan (Gawa 27:35). Pinasalamatan Niya ang Diyos sa pagdinig sa Kanyang dalangin na buhayin si Lazaro (Juan 11:41). Nagpasalamat Siya sa Diyos sa pagtatago ng mga lihim tungkol sa Kaharian sa matatalino at sa paghahayag nito sa mga aba, mangmang at hindi kilala sa lipunan (Mateo 11:25). Ngunit hindi Niya isinama ang katuruan tungkol sa pasasalamat sa “Ama Namin.”

Kung susuriin natin ang mga talata kung saan mababasa ang Ama Namin (Mateo 6:9-13), mapapansin natin na tinuturuan NIya ang mga alagad kung paano manalangin sa isang tanging kaparaanan. Tinuligsa ni Hesus ang uri ng panalangin ng mga Pariseo. Nananalangin sila sa mga pampublikong lugar kung saan maaari silang makita at marinig ng mga tao. Ito ang kanilang pamamaraan upang ipakita sa publiko kung gaano sila kabanal at karelihiyoso. Kinundena ni Hesus ang ganitong uri ng pananalangin at sinabing “nakamit na nila ang kanilang gantimpala.” Hindi kinokundena ni Hesus ang simpleng pananalangin sa harap ng maraming tao kundi ang pananalangin sa publiko na ang tanging layunin ay ang mapansin ng mga tao. Makikita din natin ang Panginoong Hesus na tinutuligsa ang pamamaraan ng mga Hentil sa pananalangin na nagsasalita ng paulit ulit sa pagaakala na diringgin sila ng Diyos dahil sa dami ng salitang kanilang sinasabi gaya ng mga saserdote ni Baal sa bundok ng Carmelo sa 1 Hari 18. .

Ang pagtutuwid ni Hesus sa ganitong uri ng panalangin ay upang bigyan ang mga alagad ng isang modelo ng tamang panalangin. Ngayon, hindi natin inuulit ulit ang “Ama Namin” na gaya ng ginagawa ng mga Romano Katoliko. Hindi nangangahulugan na masama ang sabay sabay na pananalangin ng Ama Namin. Ang pribadong pananalangin ang paksa ng pagtuturo ng Panginoong Hesus sa mga talatang ito hindi ang sama samang pananalangin.

Pinakamabuting isipin na ang “Ama Namin” ay isang pangkalahatang modelo sa pananalangin at isang paraan upang mahubog ang ating buhay panalangin. Ang panalanging ito ay nagtataglay ng anim na bahagi. Ang unang tatlo ay may kinalaman sa Diyos at ang huling tatlo ay may kinalaman sa tao. Pagkatapos na tawagin ang Diyos bilang “Ama sa langit,” una muna nating idinadalangin na luwalhatiin at sambahin ang pangalan ng Diyos. Pagkatapos, ipanalangin natin na dumating na ang Kanyang Kaharian. Sa esensya dumating na ang kaharian ng Diyos sa lupa ng dumating ang Panginoong Hesus ngunit idinadalangin natin na dumating ang literal na kaharian Niya dito sa lupa. Ikatlo, idinadalangin natin ang kalooban ng Diyos – ang Kanyang moral o ipinaalam na kalooban – na maganap dito sa lupa, una sa ating mga buhay. Pagkatapos ng tatlong kahilingang ito, na binabanggit ang kaluwalhatian at karangalan ng Diyos, ipinagpapatuloy natin ang ating panalangin sa pamamagitan ng paghingi ng mga bagay na ating kinakailangan – ang ating pagaraw araw na pagkain, kapatawaran mula sa mga kasalanan at kaligtasan sa masama.

Tungkol sa kung bakit hindi natin makikita ang pasasalamat sa “Ama Namin,” ang pinakamagandang sagot ay ang ating saloobin sa ating pananalangin sa Diyos. Para sa atin na mga anak ng Diyos, ang ating puso ay naguumapaw sa pasasalamat at kusang namumutawi ito sa ating mga labi dahil nalalaman natin na tayo ay pinatawad na sa ating mga kasalanan at may buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Hesu Kristo. Ang pasasalamat ay hindi na kailangang ituro pa sa atin dahil kusa itong ginagawa ng isang taong tunay na may relasyon sa Panginoon. Habang pinagninilay-nilayan natin ang ginawa ng Diyos para sa atin, lalo tayong napupuspos ng pasasalamat. Ang pasasalamat sa Diyos ay normal sa isang taong nakaranas ng biyaya ng Diyos sa lahat ng panahon anuman ang kanyang kundisyon at kalagayan sa buhay. Isinulat ni Pablo sa mga taga Tesalonica, “at magpasalamat kayo sa Diyos sa lahat ng pagkakataon; sapagkat ito ang kalooban ng Diyos para sa inyo sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus.” English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Bakit hindi kasama sa “Ama Namin” ang pasasalamat sa Diyos? Dapat ba na lahat ng panalangin ay may pasasalamat?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries