settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ibig sabihin na ang Diyos ang ama ng mga ulila?

Sagot


Sinasabi sa Awit 68:5, "Ang Diyos na naroroon sa tahanan niyang templo, tumitingin sa ulila't sanggalang ng mga balo." Sa lahat ng salita ng tao na maaaring pilin ng Diyos upang ipakilala ang Kanyang sarili sa sangkatauhan, pinili niya ang salitang pampamilya. Maaari Niyang ilarawan ang Kanyang sarili bilang isang mahabaging diktador, mabait na amo, o matiyagang panginoong may lupa. Ngunit sa halip, pinili Niya ang salitang Ama upang ipakilala ang Kanyang sarili.

Ipinapakilala Niya ang Kanyang sarili bilang Ama dahil alam nating lahat kung ano ang isang ama at kung ano ang kanyang ginagawa. Kahit na wala tayong ama na nagaruga sa atin ng maayos, mayroon tayong likas na pangunawa kung ano ang dapat gawin ng isang mabuting ama. Itinanim ng Diyos ang pangunawang ito sa ating mga puso. Nangangailangan tayong lahat ng pagmamahal, proteksyon, papuri at pagpapahalaga ng isang ama. Sa ideyal, kakatagpuin ng isang ama sa lupa ang mga pangangailangang ito. Ngunit kahit hindi niya ito gawin, gagawin ito ng Diyos. Itinuro ni Jesus sa Kanyang mga tagasunod na tawagin ang Diyos bilang ama (Lukas 11:2). Sa buong Kasulatan, inilarawan ng Diyos ang Kanyang pag-ibig sa atin na gaya ng pag-ibig ng isang Ama (Isaias 49:15; Juan 16:26–27; 2 Corinto 6:18). Bagama't nagtataglay Siya ng mga katangian na parehong taglay ng isang ama at isang ina (Isaias 66:13), pinili Niyang ipakilala ang Kanyang sarili bilang isang Ama dahil nagpapahiwatig ito ng lakas, proteksyon at probisyon (Awit 54:4).

May espesyal na lugar ang mga ulila at mga walang ama sa puso ng Diyos (Deuteronomio 24:20; Jeremias 49:11; Santiago 1:27). Sinasabi sa Awit 27:10, "Itakwil man ako ng aking ama at ina, si Yahweh ang sa akin ay mag-aaruga." Alam ng Diyos na maraming pagkakataon na wala ang isang ama upang magalaga sa kanyang mga anak o hindi nila ginagawa ang kanilang tungkulin (Efeso 6:4). Iniaalok Niya ang pagpuno sa papel na ginagampanan ng isang ama (Juan 6:37; Deuteronomio 1:31). Inaanyayahan Niya tayo na tumawag sa Kanya kung tayo ay nasa panganib (Awit 50:15), ipagkatiwala sa Kanya ang ating mga kabalisahan (1 Pedro 5:7), at masiyahan sa Kanyang pakikisama (1 Corinto 1:9: Awit 116:1; 1 Juan 5:14). Ginawa Niyang modelo para sa atin ang mga katangian na nasa Kanyang isipan ng itatag Niya ang papel ng pagiging ama. Bagama't kadalasang hindi namumuhay ang mga ama sa ganitong paraan, ipinangako ng Diyos na sa Kanya, walang sinuman ang hindi nagkaroon ng isang perpektong Ama.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ibig sabihin na ang Diyos ang ama ng mga ulila?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries