settings icon
share icon
Tanong

Bakit tinatapos natin ang ating mga panalangin sa salitang ‘Amen’?

Sagot


Ang salitang Hebreo na isinalin sa parehong salitang Tagalog na ‘Amen’ ay literal na nangangahulugan na “tunay,” o “nawa’y mangyari ito.” Ang salitang ‘Amen’ ay makikita din sa saling Griyego ng Bagong Tipan at may parehong kahulugan. Ginamit ang salitang ‘Amen’ sa halos kalahati ng Aklat ng Deuteronomio sa Lumang Tipan. Sa bawat banggit, tumugon ang mga tao sa mga sumpa ng Diyos sa iba’t ibang uri ng kasalanan. Ang bawat sumpa ay sinundan ng mga salitang “at ang lahat ng tao ay nagsabi ng Amen” (Deuteronomio 27:15-26). Nagpapahiwatig ito na tinatanggap ng mga tao ang makatuwirang hatol ng Diyos sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng pagsagot ng “Nawa’y mangyari ito.” Pinatototohanan ng kumbiksyon ng mga nakikinig na ang mga hatol na kanilang naririnig ay totoo, makatarungan at tiyak na darating.

Iniuugnay ang salitang ‘Amen’ sa pagpupuri sa Diyos sa pitong sitas sa Lumang Tipan. Ang pangungusap na “pagkatapos, sinabi ng mga tao, ‘Amen’ at ‘Purihin ang Panginoon,’” na makikita sa 1 Cronica 16:36 ay nagpapakita ng koneksyon sa pagitan ng salitang ‘Amen’ at pagpupuri. Sa Nehemias 5:13 at 8:6, kinumpirma ng mga Israelita ang pagpupuri ni Ezra sa Diyos sa pamamagitan ng pagsamba sa Panginoon at pagsagot ng ‘Amen.’ Ang pinakamataas na kapahayagan ng pagpupuri sa Diyos ay pagsunod, at kung sumasagot tayo ng ‘Amen’ sa Kanyang mga utos at kapahayagan, isang matamis na musika ang ating pagpupuri sa Kanyang pandinig.

Sa Bagong Tipan, ginamit ng lahat na manunulat ang salitang ‘Amen’ sa pagtatapos ng kanilang mga sulat. Ginamit ito ni Apostol Juan sa katapusan ng Kanyang Ebanghelyo at maging sa kanyang tatlong sulat, at sa aklat ng Pahayag, ginamit niya ang salitang ‘Amen’ ng siyam na beses. Sa bawat pagbanggit, nakaugnay ito sa pagpupuri at pagluwalhati sa Diyos at tumutukoy sa Kanyang ikalawang pagparito at sa katapusan ng mga panahon. Binanggit ni Pablo ang salitang ‘Amen’ sa mga pagpapala na kanyang binanggit para sa mga Iglesya na kanyang sinulatan gaya ng ginawa nina Pedro, Juan at Judas sa kanilang mga sulat. Ang implikasyon ng kanilang paggamit sa salitang ‘Amen’ ay ang kanilang pagsasabi na “Nawa’y ipagkaloob sa inyo ng Diyos ang mga pagpapalang ito.”

Kung binabanggit natin ang salitang “’Amen’ sa dulo ng ating panalangin, sinusunod natin ang modelo ng mga apostol at hinihiling sa Diyos na “nawa’y ipagkaloob Niya sa atin ang ating hinihingi.” Kung isasaalang-alang ang kaugnayan sa pagitan ng Amen at pagpupuri, ang lahat ng panalangin ay dapat na idalangin ayon sa kalooban ng Diyos. Kung sinasabi natin ang salitang ‘Amen,’ makapagtitiwala tayo na tutugunin ng Diyos ang ating mga dalangin ayon sa Kanyang mabiyayang kalooban (Juan 14:13; 1 Juan 5:14).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Bakit tinatapos natin ang ating mga panalangin sa salitang ‘Amen’?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries