Tanong
Ano ang amillennialism?
Sagot
Ang ‘amillennialism’ ay ang katawagan na ibinigay sa paniniwala na walang magaganap na literal na isanlibong taon ng paghahari ni Kristo sa lupa. Ang mga umaayon sa paniniwalang ito ay tinatawag na mga amillenialists. Ang panlapi na ‘a’ sa amillenialism ay nangangahulugang ‘wala’ o ‘hindi.’ Kaya ang ibig sabihin ng ‘amillenialism’ ay ‘walang isanlibong taon.’ Malaki ang pagkakaiba nito sa mas tinatanggap na paniniwala na tinatawag na premillenialism (Ang paniniwala na magaganap muna ang ikalawang pagdating ni Kristo at pagkatapos ay itatatag Niya ang Kanyang isanlibong taon ng literal na paghahari). Malaki rin ang pagkakaiba nito sa hindi gaanong tinatanggap na paniniwala na postmillenialism (ang paniniwala na darating si Kristo pagkatapos itatag ng mga Kristiyano sa pamamagitan ng kanilang sariling kakayahan ang kaharian ng Diyos sa mundo).
Gayunman, sa isang banda, hindi naman naniniwala ang mga amillenialists na wala talagang isanlibong taon ng paghahari ni Kristo sa lupa. Hindi lamang sila naniniwala sa literal na paghahari ni Kristo sa lupa sa loob ng isanlibong taon. Sa halip, naniniwala sila na si Kristo ay nakaupo na ngayon sa trono ni David at ang panahon ng iglesya sa kasalukuyan ang siyang kaharian na pinaghaharian ni Hesus. Walang duda na nakaupo na si Hesus ngayon sa trono, ngunit hindi ito nangangahulugan na ang tronong ito ay siyang trono ni David. Wala ring pagdududa na naghahari na ngayon si Hesus dahil Siya ay Diyos. Ngunit hindi ito nangangahulugan na ang Kanyang pinaghaharian ngayon ay ang literal na isanlibong taon ng Kanyang paghahari sa lupa.
Para maganap ng Diyos ang Kanyang pangako sa Israel at sa Kanyang tipan kay David (2 Samuel 7:8-16, 23:5; Awit 89:3-4), kailangang may literal at pisikal na kaharian dito sa mundo. Walang duda na ang amillenialism ay pagkwestyon sa Kanyang pagnanais at kakayahan na tuparin ang Kanyang mga pangako at nagreresulta ito sa iba pang maraming problemang teolohikal. Halimbawa, kung hindi tutuparin ng Diyos ang Kanyang mga pangako sa Israel sa huling panahon pagkatapos na sabihin Niya na ang mga pangakong iyon ay ‘walang hanggan,’ paano tayo makatitiyak na tutuparin Niya ang lahat ng Kanyang ipinangako maging ang kanyang pangakong kaligtasan para sa mga nananampalataya kay Hesus? Ang tanging solusyon ay paniwalaan ang Kanyang mga Salita letra por letra at unawain na ang Kanyang mga pangako ay literal na magaganap.
Ang mga malinaw na indikasyon sa Bibliya na ang isanlibong taon ng paghahari ni Kristo sa mundo ay pisikal at literal ay ang mga sumusunod:
1) Ang mga paa ni Kristo ay literal na lalapag sa bundok ng mga Olibo bago itatag ang Kanyang kaharian (Zacarias 14:4, 9).
2. Sa panahon ng paghahari ni Kristo, igagawad Niya ang ang Kanyang katarungan at hatol sa sangkatauhan (Jeremias 23:5-8).
3. Ang kaharian ni Kristo ay inilarawan na ‘nasa ilalim ng langit’ (Daniel 7:13-14, 27)
4. Hinulaan ng mga propeta ang mga dramatikong pagbabago na magaganap sa mundo sa panahon ng paghahari ni Kristo (Mga Gawa 3:21; Isaias 35:1-2; 11:6-9, 29:18, 65:20-22; Ezekiel 47:1-12; Amos 9:11-15); at,
5. Ang pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari sa aklat ng Pahayag ay tumutukoy sa pagkakaroon ng isang literal na kaharian sa lupa bago magtapos ang kasaysayan ng mundo (Pahayag 20)
Ang paniniwalang amillenial ay nagmula sa paggamit ng isang uri ng metodolohiya ng interpretasyon para sa mga hindi pa nagaganap na propesiya at naiibang uri naman ng metodolohiya ng interpretasyon para sa mga hindi propesiyang aklat ng Bibliya at sa mga naganap ng propesiya sa Bibliya. Ayon sa mga amillenialists, kailangang unawain sa paraang espiritwal ang mga hindi pa nagaganap na mga propesiya gaya ng isanlibong taon ng paghahari ni Kristo at ang mga naganap naman na mga propesiya ay kailangang unawain sa paraang literal. Ang mga nanghahawak sa paniniwalang amillenial ay naniniwala na ang ‘espiritwal’ na pagbasa sa mga hindi pa nagaganap na propesiya ay ang normal na paraan ng pagbasa sa mga teksto. Ang tawag dito ay "dual hermeneutics" (Ang hermeneutics ay ang paggamit ng mga prinsipyo ng pagunawa sa mga teksto ng Bibliya). Ipinapalagay ng mga amillenialists na ang karamihan o ang lahat ng mga propesiya na hindi pa nagaganap ay isinulat sa pamamaraang simboliko at espiritwal. Kaya nga ang mga amillenialists ay naglalagay ng ibang kahulugan sa ilang bahagi ng Kasulatan sa halip na gamitin ang normal at kontekstwal na pakahulugan ng mga salita na ginagamit nila sa ibang mga talata ng Kasulatan.
Ang problema sa interpretasyon ng mga propesiya na hindi pa nagaganap sa paraang simbolikal at espiritwal ay ang pagkakaroon ng napakaraming kahulugan ng mga teksto. Maliban na unawain ang Kasulatan sa normal na kaparaaanan, hindi ito magkakaroon ng iisang kahulugan. Ngunit ang Diyos, na Siyang talagang may akda ng Kasulatan ay mayroon lamang iisang pakahulugan sa Kanyang isipan ng Kanyang kasihan ang mga taong sumulat ng mga aklat ng Bibliya. Kahit na maaaring maraming aplikasyon o paglalapat ang isang sipi ng kasulatan, mayroon lamang iisang kahulugan at ang kahulugang iyon ang nais ng Diyos na maunawaan natin. Gayundin, ang katotohanan na ang mga natupad na propesiya ay literal na nagkaroon ng katuparan ang pinakamagandang dahilan upang paniwalaan na literal ding matutupad ang mga propesiya na hindi pa nagkakaroon ng katuparan. Ang mga propesiya tungkol sa pagkakatawang tao ni Kristo ay literal na naganap. Kaya nga ang mga propesiya din naman tungkol sa Kanyang ikalawang pagparito ay nararapat na asahan na literal ding magaganap.
Dahil sa mga kadahilanang ito, ang alegorikal na interpretasyon sa mga propesiya na hindi pa nagaganap tungkol sa pagbabalik ni Kristo ay dapat na tanggihan at ang normal at literal na interpretasyon sa mga hindi pa nagaganap na propesiya ang dapat na paniwalaan. Nabigo ang amillenialism dahil sa paggamit nito ng pabago-bagung hermeneutics sa pamamagitan ng pangunawa sa mga naganap na propesiya sa paraang literal at pangunawa sa mga hindi pa nagaganap na propesiya sa paraang simbolikal, alegorikal o di kaya'y espiritwal.
English
Ano ang amillennialism?